BUKOD SA muling pagtanggap ng gay role sa pelikulang Bekis On The Run ng Viva Films ay nag-level-up na rin ang kayang gawin ng aktor na si Christian Bables kanyang latest comedy movie na idinirek ni Joel Lamangan.
Sa Bekis On The Run ay pumayag na si Christian na magkaroon ng kissing scene sa co-actor na si Sean de Guzman na first time niya raw gagawin at never pa niyang ginawa sa mga previous movies na Die Beautiful at Panti Sisters.
“This is actually my first time to do itong mga ganitong eksena though I did a lot of gay roles sa aking mga pelikula before. Ito po ay first time ko na gumawa ng ganitong klaseng mga eksena,” pagtatapat ni Christian sa PUSH.
Malaking factor din daw kung sino ang direktor ng ginagawang pelikula para gawin niya ito.
“I think hindi ko rin ibibigay ang tiwala ko kung hindi si Direk Joel Lamangan at kung hindi yung mga direktor na pinagkakatiwalaan ko at isa si Direk Joel doon,” sambit pa niya.
Hindi rin daw siya nakaramdam ng ilang habang ginagawa ang kissing scene niya with Sean.
Kuwento ni Christian, “Siguro ako, I’ll be coming from an actor’s point of view. Once kasi na in character ka na, nakasuot ka na do’n sa shoes nung character at alam mo kung saan siya nanggagaling, alam mo kung ano yung character niya, kung anumang hingin sa ‘yo ng direktor, magulat ka man o hindi hindi ka maiilang, eh.
“Hindi ka na maiilang kasi alam mong parte yon nung karakter mo. At alam mo rin na dapat yung ginagawa ng karakter mo dahil tao siya. So, I think yung ilang hindi siya present at hindi siya dapat maging present sa amin dahil parehas naman kaming lalaki ni Sean.
“Nakita ko naman si Sean, he’s very into his character din. Ako din, lagi kong sinisigurado na pag tutuntong ako sa set na kahit na sino man ako yung karakter, so I think yon. Hindi siya naging factor.”
Dugtong pa ng aktor, “Nabasa ko rin kasi ‘yung script at yung ibang hiningi ni Direk ay wala sa script pero kasi once na nakapasok ka na sa shoes ng character at kung saan man dalhin ng direktor yung shift kumbaga sakyan mo yon, eh.
“So, somehow magiging ready ka, though ikaw as an an actor medyo may gulat factor na, ‘Ah okey, pinagawa ito ni Direk,’ pero sige lang dahil alam kong sa maganda niya kami dadalhin.”
Ibinahagi naman ni Sean kung ano ang paghahandang ginawa niya bago kunan ang kissing scene nila ni Christian.
“Yung ibang eksena po do’n, like yung may kiss, hindi po kami prepared noon dahil minsan biglaan na lang sasabihin ni Direk na may ganung eksena pero wala naman sa script, and lahat kami nasa-shock kami. May mga naka-stand by namang mouthwash, so mabilisan na lang ang ganap,” natatawa niyang kuwento.
Sinagot naman ni Christian ang tanong kung posible bang mainlab siya sa kapwa lalaki sa totoong buhay.
“As for me I think no. Simply because my preference ay hindi po same sex. But I’m a proud ally to the community,” sagot ng aktor.
Bukod kay Christian at Sean ay kasama rin sa Bekis on the Run sina Loyzaga at Kylie Verzosa. Mapapanood na ang pelikula sa Sept. 17 sa Vivamax.