Libing ni Tita Cory Aquino, blockbuster by Cristy Fermin

HABANG SINUSULAT NAMIN ang kolum na ito ay tutok din kami sa telebisyon para sa huling misa ng bayan na alay sa yumaong dating Pangulong Cory Aquino na ihinatid na sa kanyang huling hantungan kahapon nang tanghali.

Pista opisyal kahapon, kaya maaasahan ang pakikiisa ng sambayanan sa pagdinig ng misa para kay Tita Cory, minsan pa niyang tinibag ang pader sa pagitan ng mga relihiyon dahil hindi naging usapin kahapon ang isyu ng pananampalataya habang ginaganap ang pinakahuling misa ng pag-alala at pagbibigay-respeto sa minamahal na dating lider ng ating bayan.

Nakapangingilabot ang kabuuan ng misa, mas lalalim ang pakikidalamhati mo sa pamilyang iniwan ni Tita Cory dahil sa mga ibinahaging pahayag ni Bishop Soc Villegas na tumimon sa misa, idagdag pa ang mga awitin ng mga sikat na personalidad patungkol sa yumaong lider.

Sa magkakapatid na Aquino, palibhasa’y bunso at hindi pa awat sa palda ng kanyang ina, ay si Kris Aquino ang palaging nakikitang humahagulgol.

Walang kantang hindi kinambalan ng pagluha ni Kris, walang pahayag ng malalapit nilang kaibigan na hindi niya iniyakan, habambuhay nilang aalalahanin sa kanilang puso si Tita Cory na tumayong tatay at nanay nila sa napakahabang panahon.

Kung sa necrological service ay si Senador Noynoy Aquino ang sumalo sa magkakapatid para sa kanilang saloobin, sa huling misa naman kahapon ay si Kris ang naging tagapagsalita ng pamilya.

Nagtatawagan kaming magkakaibigan habang nagsasalita si Kris, ipinokus kasi ng mga camera si Joshua, ang kanyang anak kay Phillip Salvador na napakapuro ng puso at isip dahil sa kanyang kakapusan.

Kay Josh kami palaging tinatamaan. Tulad nu’ng necrological service, nag-iiyakan na ang lahat ng nasa cathedral, pero si Josh ay kumakanta pa at pumapalakpak.

Walang nauunawaan si Josh sa mga nagaganap, maaaring mulat si Josh na wala na ang kanyang mahal na lola, pero sa payak na takbo ng isip ni Josh ay hindi nito alam kung bakit nga ba napakaraming nagbibigay-pugay kay Tita Cory.

UMAMIN SI KRIS na nagsinungaling siya kay Tita Cory nu’ng sabihin niya na nakahanda na silang magkakapatid na harapin at tanggapin ang pagpanaw ng kanilang ina.

Umiiyak na sinabi ni Kris na sinabi niya lang ‘yun para maging magaan ang kalooban ni Tita Cory sa pamamaalam, pero ang totoo ay habambuhay ang kailangan nilang palipasin bago nila matanggap ang katotohanang wala na ang kanilang ina.

Napakaganda ng mga huli niyang sinabi, bahala na ngayon si dating Senador Ninoy Aquino sa pag-aalaga kay Tita Cory, “It’s your turn now, dad,” habilin pa ni Kris kay Tita Cory sa kanyang ama.

Masakit ang iyak ni Kris nu’ng sabihin niya na isang huwarang ina si Tita Cory, isang inang mapagpatawad, dahil alam ni Kris sa kanyang sarili na siya sa kanilang magkakapatid ang nagbigay kay Tita Cory ng mga problema nu’ng kasagsagan ng kasutilan ng kanyang buhay.

Naalala pa naming sinabi noon ni Tita Cory, nangangapal daw ang kanyang tuhod sa kadadasal nang paluhod dahil kay Kris, pero tulad ng isang dakilang inang hindi makatitiis sa kanyang anak ay si Tita Cory ang unang-unang nagtatanggol kay Kris kapag may mga tumutuligsa sa kanya.

Napapanood nang live sa TFC ang mga kaganapan kahapon sa Manila Cathedral, ang mga kaibigan namin sa Winnipeg, Canada ay nagtipon-tipon sa bahay ni Rey-Ar Reyes, sama-sama nilang pinanood ang huling misa para kay Tita Cory.

Nakapangingilabot ang rendisyon ni Lea Salonga ng “Bayan Ko,” nanunuot ang kanyang damdamin sa mga nakikinig, may diin ang pagkakanta ni Lea.

Ihinatid nang masigabong palakpakan ang mga labi ni Tita Cory nu’ng inilalabas na sa Manila Cathedral, ganu’n din kalakas na palakpakan ang isinalubong sa kanya ng mga kababayan nating matiyagang naghihintay sa labas.

Ito na ang takdang oras ng pagsasabi ng malungkot, pero taas-noong pamamaalam sa unang babaeng pangulo ng ating bayan, maraming salamat at mapayapang paglalakbay para kay dating Pangulong Corazon Aquino.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Previous articleGerald Anderson, tagilid na ang career by Archie de Calma
Next articleLolit Solis, may tampo kay Dingdong Dantes by Ronnie Carasco

No posts to display