Dear Atty. Acosta,
GOOD DAY PO. Nais ko pong malaman kung mayroon po bang libreng serbisyo ang PAO para maipa-annul ko ang aking kasal. –Patricia
Dear Patricia,
ANG SERBISYONG IPINAGKAKALOOB ng Public Attorney’s Office (PAO) sa publiko ay walang bayad. Ito ang mandato sa aming tanggapan, kung saan ang aming serbisyo ay libreng ibinibigay sa mga kuwalipikadong kliyente sa kahit na anong kaso, ka-tulad ng kasong kriminal, sibil, labor, administratibo at iba pa.
Subalit bago pagkalooban ng legal na serbisyo ng PAO ang isang kliyente, inaalam po muna ang merito ng kanyang kaso, kung ito ba ay mayroong legal na basehan at maaari ba itong manalo base sa aplikasyon ng batas at sa pagkunsidera sa mga pangyayari na bumabalot sa kaso.
Gayundin, inaalam ang pinansyal na estado ng isang kliyente. Ang serbisyo ng PAO ay limitado lamang sa mga taong walang kakayanang kumuha at magbayad ng isang pribadong abogado. Kaugnay nito, inaalam din kung magkano ang kabuuang kinikita ng pamilya ng isang kliyente sa pamamagitan ng kanyang “Income Tax Return” o “pay slip”.
Kung wala namang trabaho ang kliyente o ang kanyang asawa, kailangan po niyang maipakita na hindi niya ka-yang kumuha ng pribadong abogado. Sa mga ganitong pagkakataon, kailangang ipakita ang sertipikasyon ng kanilang Barangay o ang lokal na tanggapan ng DSWD, na sila ay nabibilang sa mahihirap na pamilya sa kanilang komunidad at walang kakayahang magbayad ng isang pribadong abogado.
Ayon po sa umiiral na regulasyon ng PAO (Section 23, Implementing Rules and Regulation of RA 9406 at MC-18), ang isang indibidwal ay kuwalipikado sa libreng serbisyo ng aming tanggapan kung ang kanyang pamilya ay hindi kumikita ng higit sa P14,000.00 (net individual monthly income) kada buwan, kung sila ay nakatira sa Metro Manila. Dapat namang hindi lumagpas ito sa P13,000.00 (net individual monthly Income) kada buwan, kung sila ay nakatira sa isang siyudad na matatagpuan sa labas ng Metro Manila. Samantalang, dapat hindi lu-magpas ito sa P12,000.00 (net monthly individual) kada buwan, kung sila naman ay nakatira sa kahit saang lugar maliban sa mga nabanggit sa itaas.
Ayon sa Republic Act 9406, ang mga mahihirap na kliyente ng PAO ay libre rin sa mga bayarin sa korte o anumang quasi-judicial body na may kinalaman sa pagsasampa ng kaso, tulad ng “docket fees” at iba pa.
Tungkol naman sa iyong katanungan, kung ikaw ay kuwalipikado na maging kliyente ng aming tanggapan, maaari ka naming bigyan ng libreng serbisyong legal para tulungan kang maghain ng petisyon sa korte upang mapawalang-bisa o ideklarang walang bisa ang iyong kasal. Kaila-ngan mo lamang magpakita ng patunay na ikaw ay walang kakayahang kumuha at magbayad ng isang pribadong abogado sang-ayon sa nabanggit sa itaas.
Let us watch Atty. Persida Acosta at “PUBLIC ATORNI”, a reality mediation show every Thursday after Aksyon Journalismo at TV 5.
Atorni First
By Atorni Acosta