“THOSE WHO rule cannot own and those who own cannot rule!” Ito ang isa sa mga paborito kong mga katagang sinabi ni Plato sa kanyang aklat na The Republic. Marami kasing implikasyon ito sa uri ng pamumuno at pamumuhay ng isang lider, politiko at opisyal sa pamahalaan kaya lagi itong angkop sa mga panahong ang isang “ruler” o pinuno ng pamahalaan ay umaabuso sa buhay at kayamanan. Si Plato ay isang Greek Philosopher na itinuturing bilang ama ng kanluraning pilosopiya.
Ngayon ay kabi-kabila na naman ang naglalabasang isyu hinggil sa sobrang kayamanan ng mga opisyal ng gobyerno, isang bagay na taliwas sa isinasaad sa ating Saligang Batas, kung saan sinasabi na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat mamuhay nang simple at naaayon lamang sa kanilang kinikita.
Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang mga opisyales ng ating pamahalaan na nahaharap sa mga imbestigasyon hinggil sa mga akusasyon sa kanilang sobrang kayamanan sa buhay at hindi kapani-paniwalang pagyaman ng mga ito sa panahon ng kanilang paninilbihan sa gobyerno. Sa huli ay babalangkasin natin kung napapanahon na ang isinusulong na lifestyle check para sa lahat ng mga opisyal ng gobyerno.
KUNG MASUSUNOD ang sinasabi ni Plato ay tiyak na malilinis ang gobyerno mula sa mga magnanakaw at ganid sa kayamanang ginagamit ang kanilang kapangyarihan sa pamahalaan at politika para magpayaman. Kaya lang ay tila hindi ito makatotohanan sa kahit na anong pamahalaan sa mundo at lalung-lalo na sa ating bayan.
Sana nga lang ay kahit ang isinasaad na lamang ng ating Saligang Batas ang sundin ng mga opisyal at politiko sa pamahalaan na sila ay dapat mamuhay nang simple at payak. Ngunit alam nating lahat ng ito’y isa na namang panaginip gaya ng mga pangarap ni Plato sa kanyang aklat na The Republic. Sino nga kaya o mayroon bang opisyales o politikong handang magserbisyo sa pamahalaan nang walang kapalit at hindi maaaring mag-ari ng yaman sa buhay?
Ang lumabas sa ginagawang imbestigasyon ngayon sa yaman ng mga Binay o isang lifestyle check at ang pagkakalantad sa tila sikretong yaman ng PNP Chief General Alan Purisima ay indikasyon lamang na malayo sa itinatakda ng batas, na simpleng pamumuhay ng mga opisyal ng gobyerno, ang uri ng pamumuhay ng mga taong ito.
MADALI NAMANG sabihin na yumaman ang isang politiko sa loob ng panahon ng kanyang panunungkulan sa gobyerno dahil may sarili itong negosyo ng babuyan at tindahan ng mga bulaklak. Kung may katotohanan man ito o wala ay maliwanag na hindi pa rin ito naaangkop sa itinatakda ng batas na simpleng pamumuhay para sa mga taga-gobyerno.
Madaling tangkilikin ang isang babuyan at tindahan ng mga bulaklak ng ibang mga negosyante at mangangalakal lalo’t kung alam nilang ang nagmamay-ari nito ay nasa kapangyarihan sa pamahalaan. Hindi maiiwasan at kalakip na ng pagtangkilik na ito ang pabor at kapit ng isang pribadong negosyante sa opisyal ng gobyernong nagmamay-ari ng babuyan at tindahan ng bulaklak na ito. Pangalawa, ay bakit naman kailangan pang magpayaman ng isang opisyales ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbababoy at pagtitinda ng mga bulaklak habang ito ay nanunungkulan sa pamahalaan?
Hindi ba dapat ay makontento muna ang isang opisyal ng gobyerno sa kanyang suweldo sa gobyerno habang siya ay nasa posisyon dahil ito naman ang mandato ng Saligang Batas sa kanila? Hindi rin siguro kailangang tumanggap ng mga regalo ang mga ito gaya ng mga magagarbong rest house at lupain. Kailangan nilang tumanggi sa mga alok at regalo bilang mga opisyal at nanunungkulan sa pamahalaan dahil tiyak na hihingan sila ng kapalit ng mga nagregalo nito.
PANAHON NA nga para magkaroon ng isang mandatory lifestyle check para sa lahat ng mga nanunungkulan sa gobyerno. Hindi na rin sapat ang SALN o Statement of Assets, Liabilities and Networth dahil sadyang ikinukubli ng mga politiko at opisyales ng gobyerno ang kanilang tunay na yaman mula rito gaya na lang ng ginawa ng napatalsik na si Chief Justice Renato Corona.
Ito ang susi para mabantayan natin ang mga taong hinalal natin at niluklok ng presidente sa kapangyarihan sa gobyerno mula sa mga pang-aabuso nila at iligal na pagpapayaman sa sarili. Wala naman sigurong masama kung magiging bukas silang lahat sa lifestyle check na ito. Kung wala silang itinatagong labis na yaman ay dapat maging bukas sila rito.
Sa panahong tulad ngayon na tila nawawala na ang tiwala ng mga tao sa mga nagsisilbi sa gobyerno at lalo na sa mga politiko, lalong higit na kailangan ang mandatory lifestyle check na ito sa kanilang lahat upang maibangon muli ang nawalang tiwala at dignidad nila. Ito na siguro ang pinakamagandang batayan nating lahat sa pagpili ng mga tamang lider na ihahalal natin sa darating na eleksyon sa 2016.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo