GAANO NGA ba kaligtas ang mga pasaherong pini-pick-up sa kalsada at maging sa bus terminals sa kahabaan ng EDSA. Sa katotohanan kaya nagko-commute ang karamihan sa atin, mga nag-oopisina, mga estudyante at karaniwang mamamayan dahil wala silang sariling sasakyan o kundi naman kahit may pag-aari ay para makatipid dahil sa mahal ng gasolina at tollgate.
Ang tinutukoy ko ang mga panghoholdap at pandurukot sa mga bus, partikular tuwing rush-hours at dis-oras ng gabi. Minsan ‘di malayong isipin nating baka minsan pati ang ibang driver at konduktor ng bus ay kasabwat sa krimeng ito. Maaaring ito ay organized crime na o isang modus operandi.
Ano kaya ang dapat gawing aksyon ng mga operators nito at ng nakasasakop nito katulad ng mga kapulisan, MMDA at LFTRB?
Eh, bakit hindi kaya gumawa ng batas ang mga kinauukulan na panagutin ang driver at konduktor o ‘di kaya ay lagyan ng CCTV cameras ang mga bus? O ‘di kaya naman, magtalaga ng mga tao at opisyales ng mga operator para sa kaligtasan ng kanilang mga inosenteng pasahero.
Una, naging biktima ang anak kong panganay. Hayagang inaagaw sa kanya ang kanyang bag ng may pitong tao na kanya namang nilabanan.
Pangalawa ang isa ko namang anak kamakailan. Mga mag-aala-una na nang sumakay ng bus sa Ortigas patungong Muntinlupa (CHER Transit; plate # TYG 376 bus # 210). Ang konduktor ay si Yuyien Salvidor at ang driver ay Antonio M. Sumaylo, ayon sa kanyang dispatcher.
Dahil sa pagod, napaidlip. Nagulat na lamang nang siya ay gisingin ng konduktor na nasa Pacita na sila. Siya na lamang mag-isa sa bus samantalang ang binayaran lamang niya ay pa-Muntinlupa.
‘Eto kamo, pupungas-pungas ang kawawa kong anak na inabot sa akin ang kanyang bag na tila ‘di pa niya alam na walang laman pagkakita namin sa kanto sa amin bagama’t sarado pa ang bag ay bakit ang laptop lang ang kinuha hindi isinama ang kanyang relo at camera?
Nakapanghihinayang dahil hinulugan ito ng tatlong taon para mabili ng aking anak. Kasama nitong nawala ang mga importanteng files gaya ng kanyang lectures at record ng mga estudyante niya.
Agad-agad, dumiretso ang anak ko sa Pacita Complex at nakausap ng dispatcher ng bus na kanyang nasakyan at nang makausap ko ito sa telepeno ay umaarangkada kaagad sa akin na, “Eh, nakainom yata itong anak mo, eh.”
Ang sagot ko naman sa kanya ay ang ibig mong sabihin eh, ‘pag nakainom ay hayaang mawalan ng mga gamit sa loob ng bus?
Ayon pa rito, mga pulis minsan hindi nakaliligtas, nakukuhanan pa ng baril.
Sa paradahan sa wakas ay nakausap ko ang konduktor nito by phone. Ang katuwiran ng loko nang sinabi ko ang nangyari sa anak ko, “Marami din naman ang sumasakay sa bus.”
Ah, ito ang tanong ko hindi mo ba alam ang mga kawatan dahil halos trabaho mo na ang araw-araw ang maging tao ng kalsada?
“Ah, oo…” inamin niya sa akin ito. “Kung gano’n ‘di alam mo na rin ang umakyat sa bus mo? Dahil kilala mo na ito maliit lamang ang daan at tiyak ko, alam mo at kilala mo ang mga ito?”
“Eh, sir, pinagbibintangan mo ‘ata ako?”
“Hindi kita binibintangan, pero nagsususpetsa ako sa ‘yo. Bakit ‘di mo nagising ang tao nang gayon halos mag-isa na lamang itong pasahero at malapit na lamang sa terminal? Eh, ‘di bale irereklamo ko kayo.”
Sinabi niya, “huwag na lamang ninyong idawit ang kumpanya.”
Tinatawagan ko ng pansin ang ating magiting na hepe ng PNP Deputy General Alan Purisima na sana bigyan ito ng pansin. Nais kung idulog rin itong sa ating kagalang-galang Bise-Presidente na si Jejomar Binay, dahil hindi nito pinalalagpas ang mga ganitong pangyayari.
Minsan ko na rin itong nilapitan sa unang pangyayari sa aking isang anak.
Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia.
For comments and suggestions: email. [email protected]
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia