Ligtas pa ba ang hangin sa ating kapaligiran?

PARA SA karamihan sa atin na nanggagaling sa mataas na lugar gaya ng Rizal pababa ng Metro Manila,

hindi maiiwasan na matanaw ang mga lungsod ng Makati at Pasig na balot sa maitim na usok. Aakalain mo ring padating ang ulan sa itim ng kalangitang matatanaw sa bintana habang ang eroplanong inyong sinasakyan ay paparating na sa paliparan.

Araw-araw, ito ang nalalanghap ng bawa’t Pilipinong nakatira sa Kalakhang Maynila. Hindi nga ba’t ito ay mapanganib sa kalusugan? Bakit nga ba naging ganito na ang ating kapaligiran?

Ang pangyayaring ito ay dala ng pag-unlad kung saan marami nang itinayong gusali at pabrika na nagbubuga ng usok, hatid ng mga prosesong kaakibat ng kani-kanilang negosyo. Padami nang padami naman ang mga sasakyan na nagbubuga rin ng maitim na usok at marami pang ibang dahilan na nakapagdaragdag sa pagdumi ng hangin sa ating kapaligiran.

Ang kalidad ng hanging ating nalalanghap ay nasusukat sa pamamagitan ng Air Quality Index (AQI) na ginagamit ng mga ahensya ng gobyerno upang ipaalam sa publiko kung gaano kalinis o karumi (polluted) ang hangin sa kasalukuyan at kung gaano pa ito magiging mas marumi. Habang ito ay tumataas ay mas malubhang sakit ang maaari nitong idulot sa mas nakararaming Pilipino. Ang layunin ng AQI ay upang maintindihan natin kung ano ang kahalagahan ng malinis na hangin sa ating kalusugan. Isipin natin na ang AQI ay isang panukat mula 0 hanggang 500. Habang ang AQI ay tumataas, kasabay rin nito ang pagtaas ng lebel ng air pollution, kung saan mas magiging masama ang epekto nito sa kalusugan ng mga Pilipino.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, ang kalidad ng hangin sa National Capital Region sa unang tatlong buwan ngayong taon ay mas malala kumpara sa kalidad ng hangin noong patapos ang taong 2014. (Source: GMA News Online/June 23, 2015)

Ayon naman sa US Environmental Protection Agency, ang Particulate Matter (PM) gaya ng lupa, bacteria at viruses, amag, pollen at iba pa ay nakapagpapalala ng kondisyon ng hangin sa kapaligiran. Ang mga ito ay maaaring mahinga at pumunta sa baga ng tao. Ito ang dahilan ng 3.2 milyong bilang ng namamatay kada taon dahil sa mga sanhing maaari rin palang maiwasan, ayon sa World Health Organization. Ang mga usok o polusyon na galing sa mga sasakyan ay nakaaapekto sa puso at baga ng tao na nagiging sanhi ng malalang sakit. Sa katunayan, halos 71 porsiyento ng polusyon sa hangin ay galing sa mga sasakyan, ayon sa resulta ng 2012 National Emissions Inventory.

Habang tumatagal ay mas lumalala ang air pollution sa ating bansa partikular na rito sa National Capital Region. Makikita natin sa mga pahayagan at sa balita sa radyo at telebisyon ang madalas na paalala mula sa Department of Health (DOH) tungkol sa paglala ng air pollution sa ating bansa na hindi dapat na ipagwalang-bahala. Ayon sa DOH, nagiging mataas ang insidente ng pagkakaroon ng Non-Communicable Diseases (NCD) dahil sa air pollution. Kabilang sa NCDs na ito ay ang mga allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary disease (COPD, at maging cardiovascular diseases.

Para sa mga aktibong miyembro ng PhilHealth, mayroong nakalaang benepisyo para sa inyo kung sakaling kayo ay maospital sa alinmang PhilHealth accredited facility o Primary Care Facility (PCF) dahil sa mga karamdamang ito. Narito ang ilan sa mga ito.

Allergies o Allergic Reactions – ang halaga ng PhilHealth benefit para sa sakit na ito ay P6,200.00 kung na-confine sa ospital at P4,300.00 naman kung na-confine sa Primary Care Facility.

Acute Respiratory Infection

Respiratory Conditions Due To External Agents – ang halaga ng PhilHealth benefit para sa sakit na ito ay P14,700.00 at ang benepisyong ito ay maaaring ma-avail sa PhilHealth accredited hospital lamang.

Respiratory Failure – ang halaga ng PhilHealth benefit para sa sakit na ito ay P32,000.00 at ang benepisyong ito ay maaaring ma-avail sa PhilHealth accredited hospital lamang.

Chronic Obstructive Pulmonary Disease – ang halaga ng PhilHealth benefit para sa sakit na ito ay P12,200.00 at ang benepisyong ito ay maaaring ma-avail sa PhilHealth accredited hospital lamang.

Cardiovascular Diseases

Coronary Artery Bypass Graft Surgery (CABG Z Benefits) – ang halaga ng PhilHealth benefit para sa sakit na ito ay P550,000.00

Para sa karagdagang katanungan, tumawag lamang sa aming Corporate Action Center, 441-7442 o magpadala ng email sa [email protected] o maaari ring bumisita sa www.facebook.com/PhilHealth o sa aming Twitter account na @teamphilhealth.

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articleKabilang ka ba sa Single Forever Squad?
Next articleMMDA supalpal sa Court Of Appeals!

No posts to display