ANG LIHIM na ‘di naitatago ay ang lihim ng ginawang kabutihan. Kamakailan, napasyal ako sa Senate Press Office para bumisita sa mga dating kaibigan. Nagkita kami ni Efren Danao, veteran reporter at columnist ng Manila Times. Kumustahan, matagal na kuwentuhan over cups of coffee. Dalawang beses na siyang na-stroke sa edad niyang 65. Ang isa sa mga tumulong sa kanyang huge hospitalization expenses ay si NFA Director Lito Banayo na aking matalik na kaibigan at kumpare. Biro mo, ‘di naman ako humingi ng tulong sa kanya. Nalaman lang niya sa isang kaibigan. Agad-agad nagpadala, salaysay ni Efren.
Tinanong niya kung papa’no makokontak si Lito para pasalamatan. Dagli kong tinawagan si Lito at nag-usap sila. Ibang uri ng tao si Lito. Taal siyang matulungin. ‘Di lamang si Efren ang kanyang natulungan nang lihim.
Sa totoo, napakalaki ng utang na loob ko kay Pareng Lito. Nu’ng 1988, siya ang nagbigay sa akin ng big break sa buhay. Isinama niya ako sa political-media team ng pumanaw na VP Doy Laurel na kanyang pinamumunuan. Dito nagsi-mula ang aking magandang kapalaran hanggang maging press undersecretary ako sa panahon ni dating Pangulong Erap. Si Pareng Lito, every step of the way, ang naggabay at nag-inspire sa akin.
Bukod sa kanyang ginintuang puso, si Pareng Lito ay may pambihirang katalinuhan. No wonder naging matalik siyang kaibigan at adviser ng ating bayaning Ninoy Aquino, all-around adviser at strategist ni Laurel, dating SC justice at senador Marcelo Fernan, dating senador Orly Mercado at Sen. Ping Lacson. Mahalagang role din ang ginampanan niya sa pagkapanalo ni dating Pangulong Erap. Bago ang mga ito, siya ay naging Postmaster General nu’ng unang dalawang taon ni President Cory. Naging political adviser at PTA administrator siya nu’ng tenure ni Erap.
Si Pareng Lito ay extremely versatile bilingual writer. Sa buong termino ni dating Pangulong GMA, nagsulat siya ng hard-hitting column sa Malaya at Abante. Isa siya ngayon sa mga estrelya sa gabinete ni P-Noy.
Maka-Diyos, makabayan, at mapagkalinga sa dukha at api. Si Pareng Lito ay regular na tumutulong din sa aming feeding program for streetchildren sa Metro Manila. Marami pa siyang lihim na kawang-gawa.
Kung ‘di kay Pareng Lito, ‘di ko mararating ang aking abang narating. ‘Di masasalita ang aking taos-pusong pasasalamat at paghanga.
NGALAN NIYA ay si Madie “Bieber” Ipac. Sa edad na 9, si Madie ay malusog at masayang batang babae, apo ng aking kapit-bahay sa Pasig City. Isang araw, isang maikling liham ang pinadala sa akin na may pakiusap. Kung puwede raw batiin ko ang ‘sang kapapasa lang sa nursing board na nag-aalaga sa kanyang lola, Dr. Belen Gayares, 87.
Um-oo ako ngunit medyo namangha na katulad niyang paslit ay nakaisip ng ganyang uri ng pakiusap. Sabi ng kanyang Lolo Totie masaya at malungkot si Madie sa pangyayari. Masaya sa tagumpay ng nurse; subalit malungkot dahil pupunta na sa U.S. at ‘di na makapag-aalaga sa kanyang lola.
Lalo akong namangha kay Madie. Sa murang edad ay angkin na niya ang ganitong gintong katangian. ‘Di ko masasabi ito sa ibang kakilala kong mga paslit. Sa tunog ng orasyon, limot na ang pagmamano. Inalis na ang salitang “po” sa pakikipag-usap sa matatanda. Ito ang ibinunga ng ating mabilis, maingay at materyalismong henerasyon.
Si Madie ay ulila sa ina. May dalawa siyang panganay na kapatid, Ella at Jim Boy. Ang kanyang ama ay si Amando Ipac, isang kilalang manananggol. Halos araw-araw nakikita ko silang magkapatid na laging dumadaan sa harap ng aking bahay. At sila, dagli-dagling tatakbo at magmamano sa akin. Habang ang isa pa nilang lola, Fely Domingo, isang retired top executive sa World Bank ay buong kasiyahang nagmamasid.
Maliliit at maaaring bale-walang pangyayari sa araw-araw na buhay. Ngunit sa isang sensitibo at perceptive na nilikha ito’y may malalim at mahalagang kahulugan.
Isang araw, nag-text si Lolo Toti, tinatanong kung ilang tulog pa maghihintay ni Madie. At ‘wag kalimutan ang pangalan ng nurse na babatiin: Kaselle Bustamante.
SAMUT-SAMOT
NAKAMAMANGHA NA sa isang economic super power kagaya ng U.S. ay suliranin pa rin ng kahirapan ang nag-aapoy na isyu sa eleksyon. Palitan ng akusasyon sina Obama at Romney tungkol sa maselan na kalagayan ng ekonomiya, ang pagsasara ng maraming factories at businesses at pagkagutom ng mahigit na 10 milyon Americans.
Ang campaign theme ng dalawang kampo: America needs a better life. Ayon sa surveys, lamang pa rin si Obama subalit si Romney ay fast closing in. Kung naghihirap ang Amerika, ano pa kaya ang Third World countries tulad natin? Nakamamangha talaga.
SA KALAGITNAAN ng kasalukuyang buwan, iikli ang araw at hahaba ang gabi. Senyales ng darating na Kapaskuhan. Dalawang kapit-bahay ko, sabay nang nagsabit ng parol. Sa susunod na buwan, maglalagay na ako ng Christmas tree. Tila ba ang mga tao ay sabik na sa Pasko pagkatapos ng maraming problema at kalamidad na nakalipas. Biro mo kung wala ang Christmas season. Tuluy-tuloy ang trabaho at pakikibaka sa buhay. Ang Pasko ay magdudulot ng pag-asa, ng musika sa puso na pagod sa paglalakbay sa buhay at kailangang magpahinga.
KUNG ANG utos ng hari ay ‘di mababali, lalo na ang utos ng apo. Sa mga eskuwelang pribado, panahon ngayon ng pangongolekta ng mga lumang pahayagan for donation to charity purposes. Padamihan ng koleksyon. Ito ang naging misyon ko sa aking apo, Anton, na 3rd year high school sa Ateneo. Kaya ang masunuring lolo ay gumawa ng paraan para manalo sa paligsahan ang apo. At sa tulong ng mga kaibigan, napaligaya ko ang apo ko.
Sa mga ‘di lolo, ‘di maiintindihan ang kaligayahang ito. Sabi nga ng mga apo ay “happiness”. Tubo sa puhunan. At kaya ako umuuwi nang maaga ay dahil sa kanila. Salubong ng halik at yakap sa pinto, abot ng tsinelas habang kumakanta. Makalangit na kaligayahang ‘di mabibili ng salapi.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez