Lihim ni Manang Nora

MAHIGIT NA tatlong dekada naming kasambahay si Manang Nora. Siya ang unang yaya ng kaisa-isa kong anak na babae, Therese. Edad 40 nang nanilbihan siya, galing sa Capiz. May katabaan, kinky ang buhok at maraming pekas sa mukha. Eksperto siya sa pagluluto at pagpaplantsa.

Nakaraang linggo, nagpaalam na siya para bumalik sa Capiz at tuluyan nang mamahinga. Medyo pagod na rin po ako. Gabi-gabi sinusumpong ng rayuma at hika. Wika niya.

Nalungkot kaming lahat lalo na ang anak kong si Therese. Sa loob ng tatlumpung taon, kasama namin siya sa hirap at ginhawa, tag-araw at ulan, luha at tagumpay. May malalim na kirot sa aming dibdib. Ngunit kailangan niyang umuwi, magpahinga at balangkasin ang natitira pa niyang mga taon sa mundo.

Mapupuno ang isang baul ng mga alaalang iniwan sa amin ni Manang Nora. Tsampyon siya sa pag-luluto na ang pinakapaborito namin ay laing, adobo at kare-kare. Hanep ang galing niya sa pagpaplantsa ng aking mamahaling barong, diretso lagi ang kuwelyo at mga pileges. Mahusay rin siyang maghilot ng namamagang ugat at laman.

Higit sa lahat, siya’y lubos na mapagkakatiwalaan at paminsan-minsan, hinihingi namin ang payo niya pag may ‘di maiiwasang gusot sa pamilya.

Nakaipon siya nang malaki. Sapat para makapagpagawa ng bahay sa Capiz at makabili ng 6 na tricyle pampasada.

Ewan ko kung ano ang kanyang relihiyon. Kasi kahit anong pilit, ayaw niyang magsimba ‘pag Linggo. Kinakausap ko na lang nang personalan ang Panginoon, katuwiran niya. ‘Di na kami nagdalawang-salita sa kanya.

Nu’ng nakaraang taon, isinugod ako sa ICU ng Medical City dahil sa muntik nang pumutok ang gall bladder stones. Pinagmuntik-muntikan na ako. Nagkaroon ng multiple organ failure dahil sa allergy sa sang antibiotic na pinainom bago ako operahin. Ngunit may kasabihan: matagal ang buhay ng masamang damo (he, he, he).

Isang tanghali habang ako’y nagpapagaling sa bahay, naisipan kong silipin ang kuwarto ni Manang Nora. Bukas nang bahagya ang pinto at nakita ko siya na nakaluhod sa isang imahe ng Sto. Niño de Cebu. May tirik na kandila. Sa aking pandinig, ito ang dasal niya: Salamat Nonoy, dininig mo ang aking dalangin sa amo ko. Napakabait niya. Nailigtas mo siya sa kamatayan. Wari ko’y may luha ang kanyang mga mata kasabay ng mataimtim niyang dalangin.

Ganyang pananampalataya – mataimtim, nagbubuhat sa inosenteng puso at kaluluwa – ang itinuturing kong pilak na lihim ni Manang Nora. Ewan, kung muli pa kaming magkakasama.

 

SAMUT-SAMOT

 

MASYADO YATANG napaaga ang pagkakampanya para senador ni Ms. Cynthia Villar. Halos 8 beses ang info-commercial  niya sa dalawang higanteng TV stations, binabandera ang kanyang “Mrs. Hanap Buhay” project. Primetime ang airing ng commercial. Mantakin mo, laking gastos nito. Subalit pitik-barya ‘yon sa mga Villar. Kamakailan si Sen. Manny Villar ay nalathala sa Forbes Magazine na isa sa mga bilyonaryo ng ‘Pinas. Balita, ‘yong mahigit sa P3 bilyon nagastos sa 2010 presidential election ay nabawi na sa kanyang real estate business. Ang buhay nga naman.

SI BOXING champ Manny Pacquiao ay nakabili ng ‘sang Bell helicopter na nagkakahalaga ng P18

milyon. Tsikenpid. Nitong huling laban kay Bradley, kumita siya ng P1.2 bilyon. ‘Di maglalaon, makakasama na si Pacquiao sa Forbes’ billionaires list. ‘Di kainggit-inggit. Basagan ng mukha at bugbugan ng katawan ang pinupuhunan ni Pacquaio. Sana’y robust at healthy pa siya ‘pag naisipang magretiro.

MAG-INGAT SA cholesterol-heavy foods. Mga ito ang pinanggagalingan ng bato sa gall bladder at bara sa liver at puso. Nu’ng 2010, naoperahan ako sa gall bladder. Mahirap na karanasan na isang linggo sa ‘sang ospital. Bukod pa rito, napakagastos. Mag-ingat din sa pagkain ng maaalat. Mahirap ang mabiktima ng kidney disease na maaaring tumungo sa uremia na dialysis ang remedyo. Iwas-pusoy na tayong mga elderly sa mga pinagbabawal na pagkain for longevity of life.

PAGSISIMBA ARAW-ARAW ay nakatataba sa katawan at kaluluwa. Lalo na kung daily communicant ka. Ganito kami ng aking maybahay sa Christ the King Parish, Q.C. tuwing 6:00 P.M. mass. Napakamasalimuot at mapanganib ang paglalakbay sa buhay. Kailangan ang daily divine help. Kundi, babagsak ka sa mga tukso at pagkakasala.

MGA BEAUTY contests na lang yata ang ating pinagkakaabalahan. Buwan-buwan, may kung anu-anong local at national beauty contests na ginaganap. Medyo nababagabag ako rito. Sa mga progresibong kalapit-bansa, ang tuon ay productivity ng mga mamamayan at liderato. Isipin.

PANGULONG P-NOY at Grace Lee split na? Malamang. Balita may iba na namang apple of the eye ang Pangulo. Pihikan. Ito ang maaaring ‘sang katangian ni P-Noy. Sa edad 52, natural lang na may pagka-choosy na siya. Ngunit may nagtanong: is he the marrying type?

HALOS ARAW-ARAW, nababalita ang pagkasangkot ng maraming alagad ng batas sa kung anu-anong uri ng krimen. Carnapping, rape, extortion, at drugs. ‘Di na yata makababangon ang kapulisan sa putik. Ano ang ginagawa ni DILG Sec. Jesse Robledo at PNP Chief Nicanor Bartolome? Ngayon, hindi na karangal-rangal ang maging alagad ng batas. Sa totoo lang, ‘pag ikaw ay pulis, iniiwasan ka sa komunidad. ‘Di katulad nu’ng una, ang mga pulis ay iginagalang. Ngayon, sigaw ay “sibat na, may parak na mambubukol.” Masakit, subalit totoo.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleSino ang Dapat Kasuhan?
Next article‘Asawa ko, kasal na raw, bago pa kami ikasal’

No posts to display