Limot na Bantayog

SA ISANG sulok sa paligid ng Sampaloc Lake sa San Pablo, Laguna, may isang marble na bantayog, itim at berde na lumot ng panahon. Ang bantayog ay putol ang ulo, nakadamit ng katipunero at sa kanang kamay, may hawak na tabak. Walang makapagsabi kung sino siya o ano mang bagay tungkol sa kanya.

Paslit pa ako, nakatayo na du’n ang bantayog. Katunayan, sa kanyang harapan kami naglalaro ng patintero ‘pag maliwanag ang buwan sa panahon ng tag-araw. ‘Di ko pinahalagahan ang bantayog hanggang nagbinatilyo ako at nanirahan sa mala-

king siyudad.

Ewan kung bakit isang umuulang gabi sumagi ang bantayog sa aking nakaidlip na alaala. Ewan…

‘Di pa naglaon, napabalitang isang alagad ng batas ang nagligtas ng 15 tao sa tiyak na kamatayan nu’ng binaha ang Cagayan de Oro. Beyond the call of duty, ‘ika nga, ang pagsasakripisyo ng kanyang buhay. Salamat naman nabigyan siya ng kaukulang parangal na hindi niya masyadong pinansin.

Nu’ng nakaraang Disyembre, isang Grade 7 pupil sa Albay ang buong tapang na nilangoy ang rumaragasang alon para kunin ang isang banderang Pilipino sa flagpole ng eskwelahan. Huli na nang mapansin ang kanyang kakaibang kabayanihan.

Kahapon, isang Metro taxi driver ang nagsauli sa ABS-CBN ng isang portfolio na naglalaman ng $5,000 cash at mahahalagang papeles. Naiwan ng isang British national ang portfolio sa kanyang taxi.

Kumislap ang aking isip. Sa araw-araw nating buhay – ‘di man natin napapansin – ay nagaganap ang maraming malaki at munting kabayanihan. Karamihan sa mga ito ay ‘di nabibigyan ng kaukulang puri o pansin.

Ang tatlong munting mga bayani – alagad ng batas, estudyante, at taxi driver – ay kasama sa napakaraming limot na mga bayani sa ating paligid at buhay. Kagaya ng limot na bantayog, ang kanilang kabayanihan ay mangingitim at magbeberde sa lumot ng panahon. Ngunit, hindi bale.

Ang limot na bantayog ay nagpapaalala na ang mundo ay patuloy na umiikot sapagkat kabutihan at kabayanihan pa rin ang magtatagumpay laban sa kasamaan at kasakiman.

SAMUT-SAMOT

 

NAPAKALUNGKOT. ANG paborito kong jazz singer, Etta James, ay sumakabilang buhay sa edad 73. Ang known hit ni James ay ang awiting “At Last”. Iba pang immortal hits ay “I’d Rather Go Blind” at “All I Could Do Was Cry”. Bago siya pumanaw, pinara-ngalan siya sa White House ni Pres. Barack Obama. Si James ay nagwagi ng anim na Grammy Awards.

BUTI RIN na si Dolphy, King of Philippine Comedy, ay nabigyan na ng kaukulang parangal sa Malacañang noong nakaraang taon. Balitang si Dolphy ay very sickly. Hinog na hinog na ang kanyang edad. Ang kanyang kontribusyon sa Philippine Cinema ay ‘di mapapantayan. Hangad naming madagdagan pa ang kanyang buhay. Bigyan din – habang buhay – ng parangal ang mga movie greats of yesteryears katulad ni Elizabeth Ramsey, Eddie Garcia at of course, ang dating Pangulong Erap.

KUNG KABAYANIHAN ang pag-uusapan, wala nang dadakila pa sa mga basurerong walang mintis na dumadaan sa aming bahay araw-araw. Bilib ako talaga. Tag-araw at tag-ulan on their jobs sila. Biro mo kung walang basurerong magtatapon araw-araw ng ating basura? Mantakin mo ang kabahuan sa paligid at panganib sa kalusugan.

SI ALING Baby, tagarasyon ko ng pahayagan ay tinuturing ko ring bayani. Nu’ng nakaraang taon, sa wari ko, dalawang beses lang siya pumalya. Tuwing 6:00 A.M. paborito kong pahayagan ang nasa aming doorstep na. Mga ito ang una kong hinahanap paggising. Sira ang umaga kung delayed o walang rasyon.

SI PETE ay barbero ko ng 30 taon. Dalawang beses isang linggo, home service. Head massage. Ahit. Masahe sa ulo at katawan. Bukod pa sa matalik na pagkakaibigan ng aming samahan. Malimit, “adviser” ko siya sa mga problema at hinihingan ko ng opinyon sa mga isyu ng bayan. Nakagugulat ang kanyang common sense at pananaw sa tao at mundo. Kamakailan, nagdiwang siya ng ika-60 na kaarawan, isa nang senior citizen. Biro mo 30 taon ng buhay ang naiukol sa akin.

ISANG SPECIAL na bayani sa aking buhay ay si Caloy Ardosa. Mahigit na 20 anyos kaming magkasama bilang co-employee sa Unilab at sa aming retirement years ngayon. Si Caloy na yata ang pinaka-pasensyosong nilikha nakilala ko sa aking buhay. Mahusay na manunulat, mapagmalasakit sa mahihirap at maalaga sa kanyang pamilya. Si Caloy ay pinagkakatiwalan ko ng maraming bagay sa aking buhay, opisyal o personal. Iba ang dating ni Caloy. Kakaiba ang uri at hugis ng kanyang puso. Sana’y lahat ng nilalang ay katulad niya.

SI ALING Nora ay kasambahay namin sa nakalipas na 30 taon. Ang totoo, parang yaya ko siya. Nagluluto. Nag-iintindi ng damit at iba pang pangangailangan ko sa araw-araw. Bago ako matulog sa gabi, siya ang tagahilot ng rayuma kong paa. Siya rin ang tinuturing naming mayordoma ng bahay. Mapagkakatiwalaan at nagmamalasakit sa aking asawa, anak at mga apo. Nalungkot ako kamakailan nu’ng sinabi niyang magbabakasyon muna siya sa kanyang probinsiya, sa Capiz. Pinayagan ko naman, kasi alam kong nasasabik din siyang makita ang kanyang mga kamag-anak doon. Edad 62 na siya. Marami na ring nararamdaman. Ngunit ang kanyang paglilingkod at katapatan sa amin ay ‘di nagbabago sa haba ng panahon.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleLeon Guerrero at Dan De Belen
Next article‘Di Sinunod ang Kasunduan sa Bilihan ng Lupa

No posts to display