Lindol!

NAAALALA N’YO pa ba ang isang napakalaking mga higanteng alon o tsunami na dulot na isang paglindol o “earthquake”, na sumira sa ilang mga lugar sa bansang Japan ilang taon lang ang nakararaan? Mas naaalala n’yo siguro ang mga “storm surge” o naglalakihang alon din na dulot naman ng isang super typhoon na si Yolanda kung saan aabot sa higit 8,000 tao ang namatay. Ang mga kagimbal-gimbal na trahedyang ito ay nalalapit nang maganap sa National Capital Region.

Kamakailan lang sa isang ginanap na summit sa pangunguna ng United Nations International Strategy fort Disaster Reduction (UNISDR) ay sinabi ni Renato Solidum, isang government seismologist, na ang isang paggalaw sa tinatawag na West Valley Fault, ay tinatayang magdudulot ng isang napakalakas na tremor at maaari itong lumikha ng isang tsunami na aabot sa 18 talampakan o 18 feet na may kakayahang sumira ng lagpas 100,000 residential buildings.

Kung tatama ang isang 7.2magnitude earthquake na lindol sa National Capital Region, magiging isolated ito sa mga karatig na probinsya dahil sa magsisibagsakan ang halos 80% ng mga gusali rito at mawawasak ang 95% ng mga tulay na nagtutugtong sa bawat lugar, papasok at palabas ng NCR. Ito ang seryosong babala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

IDINETALYE NI Solidum na ang fault system na naglalakbay mula norte patungong hilaga sa bahaging kanluran at sa suluk-sulok ng silangan sa Marikina Valley ang isang malaking banta sa buhay ng mga taong naninirahan dito.

Ang Metro Manila at mga kalapit na lugar dito ay maa-isolate kung gagalaw ang Manila trench at lilikha ito ng isang tsunami na may taas na 5.5 meters o kasing taas ng isang standard basketball court.

Ang Metro Manila ay maaaring mahati-hati sa apat na isolated zones base sa ating geography.Ang mga nagtumbahang gusali naman sa Makati, Mandaluyong at ganu’n din ang Pasig river ay mahihiwalay sa pagitan ng northern at southern parts ng Metropolis. Ang mga nawasak na daan at tulay ay magdudulot din ng isolation sa west at east sections ng Kapitolyo.

Dagdag pa ni Solidum na makalawang ulit na ito naganap sa Pilipinas — noong November 9, 1828 at June 3, 1863 kung saan ang isang tsunami na may dalawang metro ang taas ang sumalanta sa western side ng Luzon, kasama rito ang Metro Manila. Bukod pa sa tsunami ay maaaring isang malaking pagbaha at mga sunog ang magdadagdag sa isolation ng Metro Manila.

MATAGAL-TAGAL NA rin kung bibilangin ang mga taon mula noong huling nagkalindol sa Metro Manila. Kung pagbabasehan pa natin ang hindi mapigilan at patuloy na paggalaw ng mga tectonic plates kung saan nahihimlay ang Philippine archipelago, nakababahala talaga kung iisipin natin na anumang oras ay maaaring yanigin ang NCR ng isang malakas na lindol.

Ang mga tanong ngayon ay kung handa ba tayo rito? Paano ba natin pinaghahandaan ito? Ano ba ang ating kakayahan para maisaayos ang mga mapipinsala ng isang malakas na 7.2 magnitude na lindol na ito?

Bukod pa sa mga ari-arian at imprastrakturang masisira ay nakababahala rin ang posibleng dami ng mga buhay na makikitil dulot ng delubyong ito. Muli ay sisingilin na naman natin ang ating pamahalaan sa kapabayaan nito sa mga responsibilidad na hindi nagawa. Magsisisihan at magtuturuan na naman ang mga nasa kinauukulan habang ang mga mahihirap na direktang naapektuhan ay tumatangis na lamang sa mga namatay nilang kaanak.

Ganito naman palagi ang sitwasyon sa Pilipinas, sa tuwing pagkatapos na lamang manalasa ng isang natural disaster, saka pa lamang maghahanda ang mga tao at gagawa ng hakbang para lutasin ang mga problemng nilikha ng kalamidad. Sabi nga sa kasabihan ay aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo!

NGAYON PA lang ay dapat nang kumilos ang pamahalaan para gumawa ng mga hakbang na maghahanda sa ating bayan sa sandaling maganap ang hindi inaasahan. Ngunit tila wala namang kongkretong proyekto ang pamahalaan dito. Wala naman tayong nakikitang malalaking rehabilitasyon sa mga pangunahing tulay at malalaking pang-gobyernong gusali.

Wala ring mga proyektong magtuturo sa mga mamamayan kung paano sila kikilos sa oras ng sakuna. Kahit man lang mga television advertisement na magpapaalala sa mga tao sa kanilang dapat ikilos sa oras ng paglindol.

Ayon kay Andrew McElroy, UNISDR disaster risk reduction expert, ang Pilipinas ay registered bilang may highest number of deaths nang si Typhoon Yolanda ay manalasa sa Visayas nitong nakaraang taon. Humigi’t kumulang sa 8,000 katao ang patay. Ang lindol naman na tumama sa Bohol at Cebu ay nag-iwan ng 230 kataong patay.

DAPAT SIGURONG isama ng Pangulo ang problemang ito sa kanyang nalalapit na State of the Nation Address (SONA). Dapat niyang iulat sa atin kung ano na ang mga nagawa niyang paghahanda para sa posibleng malakas na paglindol, ano mang oras ngayon, o sa mga darating na araw.

Sa pakiwari ko ay wala pang major preparation ang nagawa na ng gobyernong Aquino para tugunan ang ipinahayag na babala ng Philvolcs. Tigilan na sana muna ang pamumulitika at tumutok ang pamahalaan sa seryosong problemang ito.

Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napapanood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Napapanood din ang inyong lingkod sa TV5 sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm. At tuwing Sabado sa Aksyon Weekend news, 4:45 pm.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleHabol sa Lupang Ibinenta ng Ama
Next articleKris Aquino, ‘di sinisipot ang show dahil kay Bistek

No posts to display