Lindol

MARAMING NAMATAY sa isang malakas na lindol na tumama sa bansang Nepal nitong nakaraan lang. Ito ang isang bagay na hindi inaasahan ng bansang Nepal ayon sa mga opisyal ng gobyerno nila. Malaking trahedya ito na kumitil sa maraming buhay at hindi namimili ng biktima maging bata, matanda, lalaki, babae, o may karamdaman.

Mahirap naman talagang ma-predict ang eksaktong araw at oras ng tatamang lindol sa isang lugar. Ngunit iba ang kalagayan ng ating bansa ngayon. Naisulat ko na rin noon ang isyu hinggil sa kawalang paghahanda ng ating pamahalaan sa babalang matagal na sinasabi ng mga eksperto sa posibleng magnituted 8 na lakas ng lindol sa Metro Manila.

Matagal na kasi ang huling paglindol sa Metro Manila kaya sinasabi ng mga eksperto na maaaring maganap ano mang araw at oras ang lindol na ito. Kung mangyayari ito ay tinitiyak ng mga ekspertong ito na hindi bababa sa 10,000 tao ang mamamatay at maaaring aabot pa ito sa 50,000 tao.

ANG BANSANG Nepal, gaya ng Pilipinas ay mga bansang napapaloob sa tinatawag na “ring of fire” sa ilalim ng mundo. Sa kailaliman ng ating mundo ay matatagpuan ang mga plate tectonics kung tawagin. Ayon sa mga eksperto ng pag-aaral sa Geology, ang mga paggalaw ng plate tectonics ang dahilan ng paglindol. Ang patuloy na paggalaw ng plate tectonics sa iba’t ibang direksyon ay nagdudulot ng matinding pressure sa banggaan ng mga ito. Kung mataas na ang pressure ay babagsak ang mga naipon at naipit na plate tectonics na magdudulot ng malakas na paggalaw ng lupa o lindol.

Ang Pilipinas ay mayroong tinatawag na fault o mas sikat noon sa tawag na Marikina fault. Kaya Marikina fault ang tawag dito ay dahil sa Marikina lamang matatagpuan noon ang “fault” o malaking biyak sa ilalim na lupa. Ngayon, ayon sa mga pag-aaral ng eksperto ay humaba na ang biyak sa lupa ng fault na gumapang sa direksyon ng Libis sa Pasig City, C5, Muntinlupa, San Pedro, Binan at Sta Rosa, Laguna na umaabot na ang fault sa dulo ng Calamba.

Hindi gaya sa bansang Nepal na hindi nila inaasahan ang malakas na lindol, dito sa Pilipinas ay matinding babala na ang ginagawa ng mga eksperto base sa datos ng kanilang pag-aaral sa sitwasyon ng Pilipinas ngayon. Bakit hindi yata nababahala ang ating pamahalaan at walang ginagawa si PNoy sa babalang trahedya na magaganap ano mang oras ngayon? Huwag sanang puro pulitika ang isipin ng ating Pangulo dahil hindi biro ang panganib na kinahaharap natin ngayon.

HINDI ANG paggalaw ng lupa o lindol ang nakamamatay, kundi ang mga bagay na mahuhulog at tatama sa mga tao. Ito ang laging pinaaalala ng mga eksperto sa atin. Kaya rin bahagi ng SOP sa tuwing may lindol ay humanap ng mga matitigas na bagay na maaaring pagtaguan gaya ng hamba ng pinto at ilalim ng mesa.

Sa report na ginawa ng DPWH at MMDA ay lumalabas na 80% ng mga gusali, tulay at kalsada sa Metro Manila ang nanganganib na gumuho at magiba. Ito ang pangunahing dahilan na magdudulot ng kamatayan sa mga biktima ng lindol. Isipin na lang natin kung ilang mga matataas na gusali ng paaralan at opisina ang magigiba at guguho kapag tumama ang lindol na ito. Mga estudyante, guro, at nag-oopisina ang mga pangunahing biktima rito.

Kung titingnan natin ay siksikan at napakasikip sa Metro Manila. Wala na halos matatakbuhan ang mga tao na open space sa oras ng lindol. Sa Makati at Ortigas halimbawa, walang sapat na open space para puntahan kapag lumindol. Dahil tabi-tabi ang mga gusali at pawang matataas o sky scrapers kung tawagin ay kayang matabunan ng mga ito ang mga kalsada palibot sa lugar ng Makati at Ortigas. Tiyak na patay rin ang mga tao kung sakaling makalabas man sila ng gusaling guguho dahil madadaganan din sila sa kalsada.

MARAMING MAGAGAWA si PNoy kung tututukan niya ang problemang ito. Ngayon pa lang ay dapat na isagawa ang pagpapatibay ng mga gusaling maaari pang mapatibay at pagpapabagsak ng mga dapat nang ma-demolish dahil sa kalumaan nito. Ganoon din ang mga tulay gaya ng mga fly-over sa Metro Manila at ang mahabang skyway patungong Alabang.

Ang problema ay walang pagkilos na ginagawa ang pamahalaan. Si PNoy tila abala sa pulitika, lalo na sa pagpapabango ng kanyang mamanukin sa eleksyon sa 2016. Hindi maipagiba ang mga mapanganib na gusali dahil marami pa ring nakukuha sa lagay-system na mga taga-gobyerno. Tila wala ring pondo na inilalabas para ayusin at patibayin ang mga tulay at gusaling maaaring manatiling nakatayo pagkatapos ng lindol.

Ang pagdami ng tao sa Metro Manila ay dapat ng kontrolin ng pamahalaan. Ito ang pangunahing dahilan ng sobrang siksikan dito. Kung maiibsan ang dami ng tao sa Metro Manila ay makatutulong ito sa pagbawas sa inaasahang biktima ng lindol. Ang isang epktibong paraan para sa solusyon na ito ay kailangan na palaguin ang ekonomiya sa mga lugar sa labas ng Metro Manila upang mahikayat ang mga tao na huwag nang pumunta sa Metro Manila at lumipat din ang ilang mga taga-rito sa mga urban cities gaya ng Laguna at Batangas.

Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.

Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood din sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.

Paanorin ang T3 Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.

Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleVoidable Marriage
Next articleThe Goodbyezz

No posts to display