NABASA KO minsan sa kolum ninyo na ‘ika nyo’y huwag basta-basta makikitungo sa mga recruiter at tiyakin na lisensyado ang mga ito. Nabanggit n’yo pa na sa opisina, at huwag sa labas, ako makikipag-usap sa kanila. Sinunod ko po iyon.
Minsa’y may tinagpo akong babae sa isang opisina ng isang recruitment agency d’yan sa may TM Kalaw. Meron po siyang inookupa-hang isang mesa roon at nang tsekin ko naman sa POEA ang pangalang nakasulat sa karatula nila ay natuklasan ko namang lisensyado sila. Makalipas ang ilang linggo, nagbayad ako ng depositong P50,000.00 para simulan na ang processing ng papeles ko papuntang Dubai. Nangako naman sila na may tiyak na employer ako.
Matapos ang ilang buwang follow-up, wala pa ring nangyari kaya’t binabawi ko ang aking naibayad pero tumanggi silang ibalik ito. Hanggang ngayon ay ‘di pa rin nila ibinabalik ang pera gayong wala naman silang nakuhang employer para sa akin. Tuluyan na ring nawala ang babaeng staff nila. Nang sitahin ko ang manager ng ahensya, ikinaila nilang meron silang ganu’ng staff. At hindi raw nila puwedeng idemanda ang kumpanya dahil wala silang kinalaman sa mga transaksyon ng mga taong ‘di naman konektado sa kumpanya nila. Puwede ko po bang isampa ang kasong illegal recruitment? — Amy ng Singalong, Manila
MAY DAHILAN para kasuhan mo sila ng illegal recruitment. Pero sino sa kanila ang kakasuhan mo? Siyempre, ang unang dapat mong kasuhan ay ‘yung babaeng ahente na siyang nag-recruit sa iyo at nag-entertain sa iyo roon sa office na pinuntahan mo. Pilitin mong tandaan kung ano ang pangalan na ginamit n’ya. Sa demanda, ang address ng opisina ang ilagay mo.
Sabay mo na ring sampahan ng reklamo ang mga opisyales at mga tauhan ng ahensyang pinuntahan mo. Kahit pa nila ikaila na tauhan nila ang ahente, idemanda mo pa rin sila at sa korte na lang nila patunayan na wala silang kinalaman sa illegal recruitment. Mas malamang sa hindi, may kinalaman sila sa pag-istambay roon ng ahente. Maaaring ginamit ng ahente ang korporasyon bilang pantakip sa kanyang operas-yon. O ginamit ng korporasyon ang ahente para ‘di sila sumabit sa kasuhan sa bandang huli.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo