HINDI NA baguhan sa larangan ng aktingan si Liza Diño. Nag-umpisa ito sa pagsali sa iba’t ibang beauty pageants hanggang pasukin nito ang mundo ng showbiz sa pamamagitan ng pag-arte sa pelikula at telebisyon. Ilan sa mga pelikulang nilabasan niya ay ang Xerex, Compound, Sa Pagdapo ng Mariposa at Rome & Juliet.
Si Liza Diño ang napiling magbida sa indie film na In Nomine Matris (In The Name of the Mother) ng Hubo Productions. Mula sa direksyon ni Will Fredo, ipinapakita rito ang makatotohanang pagsalamin sa mga sakripisyong ginagawa ng mga babae – lalo na sa pagiging ina at anak. Maliban sa aktingan, ang mga artista sa pelikula ay kinailangang sumayaw ng flamenco para lalong ipakita ang tunay nilang saloobin. Lahat ng babae ay makare-relate sa pelikulang ito.
Dahil sa powerful performance ni Liza Diño, nakamit nito ang Best Actress Award sa MMFF New Wave 2012. Kasalukuyang nominado rin siya sa Best Actress plum ng Gawad Urian. Bigatin ang kanyang mga kalaban, kaya isang malaking karangalan para sa kanya ang mapasali sa presihiyosong listahan.
Nang makapanayam namin siya via e-mail, kinumpirma ni Liza na kinailangan niyang mag-audition para makamit ang lead role sa pelikula. Tinalo niya ang humigit-kumulang 300 dancers na sumubok ng kanilang suwerte. Dahil expertise niya ang flamenco at may acting credits, siya ang napiling umindak bilang Mara.
Maliban sa In Nomine Matris, pasok din si Liza Dino sa pelikulang ‘Bingoleras’ ni Ron Bryant. Isang lesbian ang papel niya rito. Kalahok ang nasabing pelikula sa 1st Cinefilipino Film Festival. Kasama niya rito sina Eula Valdez, Maxine Eigenmann, Mercedes Cabral at marami pang iba. Abala rin ito sa pagiging host ng isang cooking show sa Filipino Food Network. Matagal-tagal na ring naninirahan sa Amerika ang aktres bilang chef sa isang kilalang food establishment, pero pinili muna nitong tumagal muna sa Pilipinas para makagawa ng ilan pang makabuluhang film projects.
Isang ganap na single mom si Liza Diño kaya saktong-sakto rin ang playdate ng In Nomine Matris (In The Name of the Mother) para sa Mother’s Day. Palabas na ang nasabing pelikula sa piling sinehan sa Metro Manila, Cebu and Davao. Support Pinoy indie films!
Showbiz Blogster
by Mica Rodriguez
Pinoy Fans Club