MINSAN, NAKAKALOKAH ang ibang fans, ‘no? Hindi na marunong tumingin ng constructive criticisms. Parang ang ine-expect na lang lagi sa amin ay puro papuri sa kanilang mga iniidolo.
Ano ba ang tingin nila sa idolo nila? Diyos? Na hindi na magkakamali at hindi puwedeng sabihan o mag-suggest?
Nakakalokah ‘tong mga ganitong klaseng fans. Tapos, ‘pag nakita nila naman ang idolo nila at hindi sila pinansin o binati, magtatampo at magsusumbong sa mga reporter na inisnab sila at kung anu-ano pang tse-tse buretse ang mga pinagsasasabi against their idols.
Ang nakakalokah pa, magba-blind item lang kami sa twitter ay meron na agad silang sagot. Ang sagot nila sa blind item namin ay ‘yung idol nila, tapos, ookrayin na kami nang kataku-takot. Pa’no naman sila nakasisiguro na idol nila ang pinatutungkulan namin?
Ano, praning lang kayo? Hello! Wake up! Dapat bukas ang utak n’yo sa mga kritisismo sa idol n’yo.
At alam ko rin namang kini-criticize n’yo rin kami, pero hello, saka kayo mag-criticize kung pinangalanan namin ‘yung idol n’yo, ‘no! Hahahaha!
Nagalit? But seriously, ‘yang mga nambibintang na fans sa amin, bina-block namin ‘yan sa twitter at hindi na namin pinapatulan din sa twitter.
Pero siyempre, ang aming pasasalamat sa “matatalino” at mga “sensible” at “openminded” na fans!
KAHIT PA sabihin ng iba na mas mahusay na TV host kesa aktres si Kris Aquino ay hindi naman siya ‘yung tipong nagdededma-dedma-han. Kahit sa mga tweets ay aware din si Kris na marami pa rin ang hindi nakakagusto sa kanyang acting ability o style.
But at the end of the day eh, hindi naman siya ‘yung ‘pag nakita mo eh, papatayin mo na agad ang TV set mo sa sobrang iritasyon. Papanoorin mo pa rin siya.
At in fairness, huh! Dito sa Kailangan Ko’y Ikaw, she improved a lot, huh!
Lalo na ‘pag walang make-up si Kris at medyo deglamourized ang look niya, doon nakikita at nararamdaman ang intense ng kanyang akting. Juice ko, sino ba naman ang hindi maaantig sa eksenang buhay pa siya ay inire-request na niya sa mister niyang si Bogs (Robin Padilla) na sana ay magkatuluyan ito at ang kapatid niyang si Ruth (played by Anne Curtis).
Na naaaliw kami kay Robin Padilla, dahil ang husay-husay niyang umarte bilang napipikon na asawa na kulit nang kulit dito eh, buhay pa naman si Kris. Hahaha!
Anyway, ang tanong ngayon ng sumusubaybay sa teleseryeng ito ay kung mamamatay sa chopper si Kris o hindi? Abangan na lang natin.
NAKAKATUWA, DAHIL kahit baguhan pa lang si Liza Soberano sa industriya ay nabibigyan na agad siya ng mga bonggang projects ng Star Magic at ABS-CBN.
Sino ‘yon? I’m sure, ‘yun ang tanong.
Si Liza ay ‘yung younger sister ni Jake Cuenca at anak ni Gloria Diaz sa Kung Ako’y Iiwan Mo. Lumabas na rin siya sa Luv U bilang pinagseselosan ni Miles Ocampo kay Marco Gumabao.
Nakadalawang MMK episodes na rin siya at ngayon ay kasama siya sa Must Be…Love bilang ka-love triangle nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Sabi nga ni Ms. Gloria Diaz, “Alaga mo pala ‘yon, Ogie? She’s so mabait sa set at given a chance, puwede siyang sumali sa Bb. Pilipinas, dahil at the age 14, mataas na bata!”
Si Liza ay anak ng isang Amerikana sa isang Pinoy at talagang pinagsasabay niya ang pag-aaral at showbiz, dahil may pangarap ang bata. Kaya naman natutuwa kami, dahil hindi pasaway at laging sumusunod sa amin.
Lagi rin naming ipinapaalala kay Liza na kapag may nakitang senior artists ay siya ang unang lalapit para batiin ito. Kaya naman si Arlene Muhlach na kasama sa Must Be …Love ay tumawag pa talaga sa amin para sabihing ang ganda ni Liza at ang bait pang bata.
“Nilapitan pa talaga ako para formal siyang magpakilala. Nakakatuwang bata. Alagaan mong maigi ‘yan, Ogie, sisikat ‘yan!”
Oh My G!
by Ogie Diaz