Liza Soberano, habang ibinabagsak, lalong napapamahal sa masa

Liza-SoberanoHINDI PA rin maka-move on ang ilang online bashers ni Liza Soberano porke nangunguna ngayon sa primetime ang Forevermore nila ni Enrique Gil. Hindi sila pumapayag na umusad nang bongga ang career ni Liza.

Talagang an’dami pa ring utak-talangka hanggang ngayon na ang gusto lang ng mga ito ay ang idol lang nila ang sikat, kilala at pinagkakaguluhan at lahat ng mga ka-level nito ay kanilang haharangin at makakatikim ng malulupit nilang words na hanggang online lang naman matatapang.

Sana, pinagbibigyan nila ang iba. Hindi lang ang mga idols nila ang anak ng Diyos. Ni hindi nga namin sinasabing sikat na si Liza. Dahil mas masarap pa ring sabihing “unti-unti nang natutupad ang mga pangarap ni Liza” para sa kanyang sarili.

Ang pagbibida naman sa teleserye ay hindi naman ganu’n kadaling nakuha ni Liza, eh. Nagsimula rin siya sa pinakailalim. Muntik pa ngang maudlot ang career, dahil kung sa mukha, walang problema, kasi nga, natural ang ganda at mas maganda nang walang make-up. Talagang ang naging problema sa kanya ay ang dila niya sa pananagalog.

Tatlong taon na ring nag-aartista si Liza. Nabigyan ng magandang role bilang kapatid ni Jake Cuenca sa Kung Ako’y Iiwan Mo na sinubukan din nang ilambeses sa MMK at ilang linggo ring pa-guest-guest sa Luv U at third wheel siya sa pelikula noon nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, ang It Must Be Love hanggang sa kunin din siya para sa She’s The One.

Hay, nakooo, tungkol naman sa mga sakripisyong ginawa nu’ng bata, hindi alam ito ng mga online bashers ni Liza. Mahirap na lang magsalita, pero ang sinisiguro namin sa inyo, hindi niya ito overnight lang nakuha tapos instantly, bida na agad siya.

Pero sino ba naman ang hindi susunggab sa napakagandang oportunidad nu’ng alukin siya sa Forevermore? Talagang ganu’n lang kalakas ang kumpiyansa ni Tita Malou Santos ng Star Cinema at Star Creatives, dahil may “pulso” ito sa mga artistang alam nilang may malaking future.

Kaya sa mga bashers ni Liza, the more na inookray n’yo y’ung bata, the more na napapamahal siya sa masa. Bakit hindi na lang ninyo patingkarin ang ningning ng mga idol ninyo kesa pabagsakin ang iba? After all, sila ngang mga artista, nagbabatian at nagtsitsikahan pa rin ‘pag nagkikita-kita, so bakit hindi n’yo kayang gawin ang maging friendly rin?

DAHIL NGA sa success ng Forevermore, heto’t isinisingit na rin ang pagpapatuloy ng shooting ng movie nila ni Enrique Gil, ang The Bet na hango sa Wattpad. Ang ganda pala ng kuwento nito, pero hindi na muna namin itsitsika sa inyo basta panoorin n’yo na lang.

Imagine, from Baguio, bumaba para mag-shooting sa Bacoor sina Liza Soberano at Enrique, tapos kinahapunan, akyat uli ng Baguio para sa taping naman ng Forevermore.

Kaya natulog na lang sa biyahe sina Liza at Enrique para makabawi-bawi sila. “Okay lang naman po, Tito Ogie, nag-e-enjoy naman po ako, eh,” sabi nga ni Liza.

Mababakas ko talaga sa mukha ng bata na gusto talaga niyang may marating, kaya hindi mareklamong bata.

Isa sa mga pangarap ni Liza ang makabili ng house and lot, “Kaya I like what I’m doing.”

Makikita kay Liza na pursigido talaga siya sa kanyang career, “Kaya nga po buti na lang, si Direk Cathy ang director ng ‘Forevermore’ kasi kaya ako nakakaarte talaga dahil natatakot ako sa kanya, eh! Iba talaga ‘yung approach niya, and kita mo naman, Tito Ogie, sa result ng ‘Forevermore,’ ‘di ba?”

Actually.

Meron pa ngang umookray kay Liza na “kung hindi pa si Direk Cathy ang naging direktor mo, saan ka pa pupulutin?”

Ayan po. Pinulot po si Liza sa puso ng napakaraming sumusubaybay at adik na sa Forevermore.

Oh My G!
by Ogie Diaz

Previous articleJulia Barretto, nagmumukhang negastar
Next articleZanjoe Marudo, itinangging nasa peligro ang relasyon nila ni Bea Alonzo

No posts to display