“ANO BA ‘yang si Agnes. Ang arte-arte. Ang tagal-tagal na niyang pinahihirapan si Xander. Pati ako, nabubuwisit na sa kanya!”
“Nako, kung alam lang niya ang totoo kumbakit iniwan siya ni Superman, baka mawindang siya!”
“Nakakabuwisit ‘yang si Batman (Diego Loyzaga). ‘Yan pa yata ang makakatuluyan ni Agnes. Kawawa naman si Superman.”
Hindi lang ‘yan ang mga comments na nababasa namin sa mentions ng aming twitter account. Meron pang literal na sineseryoso ang Forevermore at nakalimutan nilang isa lang naman itong teleserye.
Kaso nga lang, maiintindihan mo rin ang mga sumusubaybay sa teleseryeng ito nina Liza Soberano at Enrique Gil.
Masyado na silang na-hook sa teleserye. Nainlab na rin sila sa mga characters at kung minsan, ito na rin ang pinaghuhugutan ng kilig, ngiti, at saya.
Kaya inuulit namin: naiintindihan namin ‘yon.
Ang nakakalokah lang, ‘yung iba, nagagalit na talaga kay Liza Soberano. Naaartehan na sa kanya. Nanggigigil pa ‘yung iba. To a point na inuutusan pa nila kami na sabihan ang scriptwriter ng show, dahil napapasama na raw ang image ni Liza Soberano.
Heto po’t magpapaliwanag po kami bilang manager. Una, si Liza po ay artista lamang ng Forevermore. Hindi po siya ang scriptwriter. Sinusunod lamang po niya ang inuutos ng direktor o kung ano ‘yung kwento ng script.
May paraan po kayo para idirekta ang inyong complaint sa presinto… este, sa Star Creatives o Star Cinema kung meron din kayong mga comments at hindi rin naman sila mga bingi o deadma para balewalain ang inyong mga “hinaing” sa teleserye.
Nagkataon lang na ‘yung iba pong tagasubaybay eh, nanggigigil nang kiligin sa pagbabalikan nina Agnes at Xander. Pasasan ba’t happy pa rin naman ang ending nito, ‘di ba?
Ibibigay pa rin sa inyo ang gusto n’yong mangyari. Pero hanggang May 15 pa po itong Forevermore, ‘wag muna po nating tapusin.
After all, behind the camera ay lagi pa rin namang sina Liza at Enrique ang magkatsikahan.
Oh My G!
by Ogie Diaz