ANG DAMING nasi-shock ‘pag sinasabi naming kami ang manager ng batang si Liza Soberano. “Ang suwerte mo naman. Ang gandang bata at mukhang mabait pa. Sisikat yan.”
Nako, sana nga, lahat ng nagsasabi nito ay magdilang-anghel, dahil ‘yan din ang pangarap namin para kay Liza. Kaya nga very thankful din kami sa co-manager naming Star Magic at sa ABS-CBN sa pagtitiwala kay Liza.
Sa ngayon ay sabay na ginagawa ni Liza together with Enrique Gil ang teleseryeng Forevermore at ang movie nilang The Bet (hango sa wattpad) na sa January 2015 ang showing.
Marami rin ang nagtatanong: “Paano mo na-discover si Liza? Saan mo nakita?”
‘Yan ang ikukuwento namin sa mga susunod na kolum namin.
Meanwhile, ang daming artistang lalaki na kaming nakausap at gustong maging kaibigan at ligawan ang aming alaga. Pero kabilin-bilinan namin sa bata na ‘wag muna. Magpayaman muna siya. Saka na ‘pag may dalawa na siyang bahay, condo, dalawang sasakyan at ‘pag naiuwi na niya ang mommy niya rito sa ‘Pinas mula sa USA.
“Yes, Tito Ogie! Lahat ‘yan, gusto kong matupad!”
Kaya behave muna, anak, ha? Alam na.
SA MGA manonood daw ng Maria, Leonora, Teresa ng Star Cinema ay ‘wag na ‘wag na mag-isa ka lang daw manonood. Dapat daw, me kasama ka para ‘pag tumili ka at nahintatakutan ay may katabi kang makakapitan o masasabunutan.
Ganyan nga rin ang naramdaman namin nu’ng mapanood namin ang trailer ng movie na ‘to ni Direk Wenn Deramas na alam naman nating comedy box-office director, pero heto’t mananakot kasama sina Iza Calzado, Zanjoe Marudo at Jodi Sta. Maria.
Ang kani-kanilang anak ay nangamatay, pero magbabalik ang mga ito at ewan kung may hinihintay na hustisya o gusto lamang manakot.
‘Yung mga anak nga namin ay nangungulit na, eh. Panoorin na raw namin. Eh, hindi pa nga showing, ‘no! Pero nakapangako na kaming manonood kami, dahil curious ang four daughters namin kung paano gumagalaw ang manika o kung paano ito nagiging tao.
Ang Maria, Leonora, Teresa ay hango sa movie at awiting pinasikat nina Tirso Cruz III at Nora Aunor nu’ng 70s, pero wala silang kinalaman dito, dahil title lang ang kinuha at hindi ang istorya ng loveteam nila.
Kaya alam na, ha?
Oh My G!
by Ogie Diaz