MUKHANG LAGING inspired ngayon si LJ Reyes. Naggu-glow ang kanyang aura at blooming ang kanyang beauty. Marami tuloy ang naiintriga kung in love na ba siya ulit ngayon. O kung sino ang nagpapa-inspire sa kanya.
“My son!” aniya nang makausap namin sa Sunday All Stars kamakailan.
Ang tinutukoy ni LJ ay ang three-year old na anak nila ng dati niyang karelasyong si Paulo Avelino. Kahit busy raw siya sa trabaho, she sees to it na may bonding moment pa rin daw silang mag-ina.
“Kapag sunUd-sunod ang schedule ko, usually sinasama ko siya. Like kahapon sa rehearsal sa SAS.”
Maganda ang samahan nila ngayon ng ex nga niyang si Paulo. Naka-focus silang dalawa sa kanilang anak at hindi sila naghiwalay na parang bitter o may ill feelings sa isa’t isa. They remained friends. At nagkakausap naman daw.
“Gano’n talaga kapag mature people!” sabay ngiti ni LJ. Paano ba ang ibig niyang sabihin do’n sa… mature people?
“Uhm… mahirap pong i-explain ‘yan. I mean, hindi siya ‘yong ituturo ko sa inyo kung paano. Mahirap pong i-explain ‘yan. Malalaman ‘yan kung mature people kayo. Kumbaga… understanding and respect. ‘Yong gano’n?”
Ang kanyang anak raw talaga ang sentro ng lahat para sa kanya ngayon. Iba umano ang inspirasyong hatid nito sa kanya.
“He brings joy to my life. And siyempre, ‘yong kapit mo sa Diyos… iyon talaga ang magbibigay sa ‘yo ng strength.
“You know, I’ve learned to see the good side on things. Kapag malakas kasi ‘yong faith mo sa Kanya, matututunan mo ‘yon, eh. You become strong… helps you to become strong.”
Lately, nagsasalita si Paulo at naging vocal na sa mga nangyari sa kanilang dalawa. Napag-usapan nila ito?
“Hindi. Tama na!” nangiti niyang pakiusap. “Tama na. Wala na,” pag-iwas na ng aktres na matanong pa about Paulo.
Focused siyang masyado sa anak niya. Ibig kayang sabihin, kailangang gusto rin ng bata ang sunod niyang makakarelasyon kung sakaling dumating ang panahong ready na naman siyang ma-in love? “I don’t think it’s time to talk about that. No.”
So matagal pa bago siya muling maging open for a new relationship? “Yes.”
Kahit manliligaw, ayaw niyang mag-entertain sa ngayon? “Yes. It’s not the right time. Sa anak ko muna ibubuhos ang atensiyon ko. At saka sa trabaho.”
Isa pang dahilan daw ng pagiging inspired ni LJ ay ang magandang takbo ng kanyang career ngayon. Happy raw siya sa kanyang role sa primetime series ng GMA-7 na Prinsesa Ng Buhay Ko kahit may pagka-kontrabida na naman.
“Masaya sa taping. At saka… nakakatuwa. I think almost everyday, nagti-trending kami. Nakakatuwa na maraming sumusuporta sa amin. Siyempre nakakataba ng puso. At saka… ang saya lang sa set. Kasi rom-com (romantic-comedy) kami. So, kami talaga ni Kris (Bernal), natatawa talaga kami sa mga pinaggagagawa namin. I think this is my first time na nagkontrabida ako pero kung anu-ano ang ipinagagawa nila sa akin talaga. Promise… nakakatawa, gano’n!”
Sa istorya, kontrabida ang papel ni LJ sa pag-iibigan nina Kris at Aljur Abrenica. Na lahat ay kanyang gagawin mapasa-kanya lang si Aljur at ang yaman ng pamilya nito.
“Nai-enjoy ko siya. Dahil it’s something new na kontrabida ako pero minsan may ipinapagawa nga sila sa akin na nakakatawa pero bawal akong tumawa. Like… pinapasayaw nila ako na nakakatawa talaga. Sabi ko nga… baka matanggal ako sa Sunday All Stars dahil sa ipinagagawa ninyo sa akin!” sabay tawa ni LJ.
“Tapos ang nagpu-portray bilang tatay ko, si Kuya John Ferr. So, medyo challenging. Kasi nagda-drama ako. Tapos si Kuya John, napapatawa sa tabi ko. So, ang hirap.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan