NAPAKA-BIBO TALAGA ng anak ni LJ Reyes kay Paulo Avelino na si Aki. Sa mga pagkakataon na isinasama ito ng aktres sa kanyang mga lakad, hindi ito naiilang kahit maraming tao sa paligid.
Hindi nakapagtataka kung mahilig din ito sa pag-aartista. Papayagan kaya ni LJ kung sakali?
“Saka na kapag matanda na siya,” ani LJ nang makausap naming sa presscon ng Yagit kamakailan. “Pero kung minsan isinasama ko siya like kunwari may portion, buy ng milk brands. ‘Yon… okey lang.”
Kapag napapanood ba ni Aki sa TV si Paulo, ano ang naririnig niyang sinasabi nito about his dad?
“Nagkukuwento ‘yan, e. Like kunwari… alam mo mommy napanood ko si daddy. Tapos ikukuwento niya kung ano ang nangyari. O kaya kapag ako ang napapanood niya… mommy kita kanina sa TV meron kang rushes dito. ‘Yong sa Wagas ang napanood niya. Sobrang daldal po niyan!” natawang sabi pa ni LJ.
May reporter na nagtanong kay Aki kung gugustuhin ba nitong magbalikan ang mommy at daddy niya, ayaw raw ang naging sagot ng bata.
“Sinabi niya? Nagulat naman ako do’n!”napahalakhak na reaksiyon ni LJ.
Bakit kaya ayaw ng anak nilang si Aki na magkabalikan sila ni Paolo?
“Baka nasanay na rin siya!” tawa ulit ni LJ.
Aware na rin talaga si Akl sa situwasyon? To think na he’s only four years old.
“Alam naman niya na merong mommy’s house…. daddy’s house. Ganyan. Actually ‘yong mommy’s house, wala pala. Kasi Aki’s house daw ‘yon!” tawa na naman ng aktres.
“Eversince naman po talaga no’ng naghiwalay na kami ni Pao, sinabi ko naman sa kanya kaagad, e. Ayoko kasi na parang magtaka siya bigla na… bakit hindi na umuuwi ang daddy ko? Sinabi ko talaga sa kanya na… hindi na rito titira si daddy, ganyan. In-explain ko sa kanya talagang mabuti.”
Ang hindi lang aware siguro si Aki ay ‘yong nali-link sa ibang babae ang daddy niya. ‘Yong tungkol kay KC Concepcion nga.
“Oo. Iyon siguro ang hindi pa niya naiintindihan. Pero sinabi ko naman sa kanya na love ka namin ni daddy.”
Sa Monday, October 13 na magsisimulang umere ang Yagit. Sobrang salbahe ang role ni LJ rito na talagang may mga eksenang nananakit siya ng mga bata.
“Winarningan ko na ‘yong mga kasama ko sa bahay. Sabi ko, kapag lumabas na itong Yagit, huwag na huwag ninyong ipapapanood kay Aki. Kasi talagang salbahe ‘yong character ko. Ini-explain ko naman sa kanya… when you see mommy on TV, that’s not mommy, ha? I’m just acting. Sinasabi ko na… hindi ‘yan si mommy. Don’t believe the story there. That’s not me.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan