ANO BA ang masasabi n’yo sa taong nagsasabi na ang kalabaw ay mas maliit sa pusa? Hindi ba nakaiinsulto na ang isang praktikal na bagay ay ginagawang napakahirap unawain? Ito marahil ang nararamdaman ng mga Pilipino ngayon sa isyu ng mga nakatagong yaman umano ni PNP Chief General Alan Purisima.
Ang mas nakaiinis pa siguro ay kung may isang tao na sasang-ayon na ang kalabaw ay mas maliit sa pusa! Ito ang ipinapakitang karakter ni Pangulong Noynoy Aquino. Ang mahirap dito ay ang lider ng bansa mismo ay sumasang-ayon at nag-aabogado sa isang hayagang kasinungalingan. Kung ang taong dapat ay pinakapinagkakatiwalaan natin ay sumusuporta sa isang taong hayagan ang panloloko sa taong bayan, paano na tayo at saan napupunta ang bansa natin?
Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang isyu ng mga tagong yaman umano ni General Purisima at kung bakit ang Palasyo ay patuloy na sumusuporta kay Purisima. Saan ba tayo dadalhin ng ganitong kalakaran sa gobyerno na nagtatakipan ng baho. Hindi ito ang lumang anay na sumisira sa tiwala ng tao sa kanyang gobyerno. Ano pa ba ang nais patunayan ni PNoy sa pagtatakip niyang ito kay Purisima?
MAAARI NAMANG sabihin ni Purisima na siya ay mayaman at nakapag-ipon ng yaman sa pagiging sundalo at heneral. Hindi naman siguro masama na yumaman ang isang tao sa kahit ano pa mang propesyon sa buhay. Basta lang ang pinanggalingan ng kanyang yaman ay sariling sikap at pawis. Dapat din ay wala siyang inagrabyado sa buhay. Kung sa ganitong paraan ay dapat walang dahilan para itago niya ang yaman na ito.
Ang problema ay kung sa tama at mabuti nga talaga nanggaling ang yaman ni Purisima. Maaari na ngayong pagdudahan ang kanyang yaman dahil sa pagkukubli nito at sa mga pahayag niyang hindi umaayon sa pangkaraniwang pagtanto at pag-alam ng mga bagay-bagay sa mundo. Talagang magdududa ka sa isang taong nagsasabi na maliit ang malaki at mura lang ang mahal.
Ang bahay ay may swimming pool at gazebo na kayang maglilim sa humugit kumulang 500 katao. Magaganda ang ginamit na materyales at kasangkapan sa bahay. Malaking lote at iba pang mga katangiang magsasabi na ang isang bahay ay maituturing na mansyon. Bakit ang lahat ng ito ay hindi pinaniniwalaan ng Palasyo na tanda ng lihim na kayamanan ni Purisima? Bakit nakikiayon si PNoy sa lahat ng sinasabi ng tauhan niya.
UMABOT NA ang isyung ito na nakaiinsulto na sa mga tao. Habang ang lahat ay madaling sasabihin na mayaman si Purisima base sa mga ari-ariang inilabas ng media.
Nakapanghihina na grabe na ang kawalang-respeto ng mga nasa kapangyarihan sa mga tao. Kahit na malinaw pa sa sikat ng araw ay binabalikdad at hindi pinapansin ang mga kritisismong ito. Paano tayo magtitiwala sa pamahalaan at nasaan na ang tuwid na daan dito. Aminin na lang sana ang yaman dahil mas masakit malaman na bukod sa pinagnanakawan ka na mula sa kaban ng bayan ay itinuturing pang mga inutil ang mga tao na tila hindi nauunawaan ang mga palusot at panloloko nila sa tao.
Magtataka pa ba tayo kung ang buong PNP ay naaapektuhan ang kredibilidad dahil sa mga pulis na sangkot sa maraming krimen? Paanong ang mga nasasakupan ng hepe ay magsasabi ng totoo kung ang hepe mismo ay tila nagsisinungaling sa kayamanan nito na nabuking na naman ng media? Sabi nga ni Senador Panfilo Lacson ay kung ano ang puno ay siya rin ang bunga!
HINDI NA talaga matatawaran ang pakikipagkaibigan ni PNoy sa mga barkadang kabarilan at kainuman nito. Talagang iba ang ating presidente makipagkaibigan, sabi nga ng iba ay walang laglagan. Natatakot ba ang pangulo na sa huling bahagi ng kanyang panunungkulan ay magkakaroon pa ng ganitong aberya sa kanyang gabinete?
Dapat na lalong mag-alala ang Pangulo sa idudulot na pagdududa ng kanyang patuloy na pagprotekta at pag-aabugado kay Purisima. Maapekthan nito ang kanyang popularity rating at iisiping isa siyang kunsintidor. Paano pa makalalaban sa eleksyon ang kanyang magiging pambato kung ang kanyang pamahalaaan ay patuloy na nadadamay sa isyu ni Purisima?
Madali lang namang solusyunan ang sigalot na ito. Ipaubaya na niya sa Ombudsman ang pag-iimbestiga at huwag nang magsalita sa isyu. Hayaan niyang harapin ni Purisima ang mga isyung ito. Dapat din na pagpahingahin muna sa trabaho si Purisima dahil SOP naman ito sa lahat na organisasyon at opisina na pinagpapahinga ang mga taong sangkot sa katiwalian.
ANG MGA ordinaryong pulis na nasasangkot sa katiwalian ay pinagpapahinga ng PNP. Bakit hindi ito gawin ng hepe ng PNP? Ang sabi nga sa isang kasabihan ay “a good leader is a good follower”. Dapat ipatupad at sundin ni Purisima ang mga alituntunin na siya mismo bilang hepe ang nagpapatupad.
Ang Wanted Sa Radyo ay napapakinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo