MARCH 29, 2013, Biyernes Santo. Nagising ako ng alas-kuwatro ng umaga nagsipilyo, naghilamos na lang ako para pumunta sa poblacion ng Muntinlupa. Inabangan ko kasi ‘yung mga nagpe-penitensya, ‘yung nagpapasan ba ng krus o kaya naman, ang nagpapadugo ng likod. Naks, sobra ko palang aga pumunta.
Nagtanong muna ako sa isang barker ng dyip na nagsabing mga alas-diyes pa ng umaga ang simula. Grabe, mawawalang saysay ata ‘yung pagpunta ko… nag-isip ako saglit. Malalayo na ako kung sa Quiapo pa ako maghahanap ng mga nagpe-penitensya.
Ano kaya kung sa Landayan na lang, ani ng kasama ko? Sige sa Landayan na lang. Naiwan ko pala ‘yung wallet ko. Mabuti ay may isandaan ako sa bulsa ng pantalon ko. ‘Di bale na nga, talo-talo na ito, hehehe. Mukhang nauuna akong nagpenitensya.
Sa paghahanap, sa wakas ay nakarating tayo sa Landayan ng San Pedro, Laguna. Mukang palengke sa dami ng tao. Ano kaya ‘yung mga nakapila? Pumila kaya tayo? Sabi ng kasama ko. Ikaw naman sa haba niyang pila, bago tayo makarating may sakit na tayo, hehehe. Ito na lang, diretso lang tayo sa agos ng tao, ayun na ang simbahan.
Wow grabe, huh! Da-ming tao sa loob ng simbahan pagdating namin, ngunit sa wakas ay naglitrato roon. Ah, mabuti nakita namin si Bro. Cesario D. M. De Sagun, Parish Pastoral Council President, na siyang nagkuwento tungkol kay Lolo Uweng.
Nakapila din ang mga humihingi ng tubig, parang pila sa mga poso ang tubig sa balon ni Lolo Uweng na ayon sa kanila, milagroso, nagpapagaling sa sakit at sa iba’t ibang kahilingan.
Ayon sa kasaysayan, isang misteryosong imahe ng patay na HesusKristo (Santo Entierro) ang sinasabing natagpuan ng mga mangingisda sa dalampasigan ng Landayan noong early 1800’s noong ang bansang Pilipinas ay nasa ilalim pa ng pamamahala ng mga Kastila. Dahil pinaniwalaang milagroso, dinala ito sa isang simpleng kapilya na tinatawag na ‘visita’ at inilagay sa loob ng isang ‘camarin’, na isang lagayan na gawa sa kahoy at salamin. Simula noon, ang imahe ay naging simbolo ng pamimintuho at debosyon ng mga populasyon ng mga Romano Katoliko sa nasabing lugar. Sa halos dalawang siglo na, ang debosyong ito ay nananatili pa rin, at patuloy na humahakot ng libu-libong manlalakbay mula sa maraming mga probinsiya, mga siyudad at mga bayan sa Laguna. Sa loob ng buong taon, dinarayo na rin ito maging mula sa iba’t ibang bansa.
Ayon naman sa local historians, ang pangalan ng imahen na “Lolo Uweng” ay mula sa Emmanuel Salvador del Mundo, ang pangalang ibi-nigay ng mga naunang mga deboto. Ang “Lolo” naman ay ang magalang na pagtawag sa isang matanda; samantalang ang “Uweng” ay ang tradisyonal na palayaw sa Emmanuel, ang bumuo sa pangalan ng poong ito.
Ang Debosyon Tuwing Biyernes Santo. Ito ang pinaka-araw ng Debosyon kay Lolo Uweng. Bagama’t ang shrine ay bukas sa buong linggo, mas nais ng mga deboto na pumunta tuwing araw ng Biyernes, bilang pag-alala sa first Good Friday kung saan ang Panginoong Hesus ay nagpakasakit at namatay sa Krus. Bago pa man pumutok ang araw tuwing Biyernes, marami na ang nakapila upang magkaroon ng pagkakataon na mahawakan ang imahe o kahit ang damit lamang na nasa Veneration Chapel.
Mga kuwento ng mga Milagro. Ang mga kuwento at testimonya ng mga espirituwal at pisikal na pagpapagaling ay ang siyang malaking dahilan ng pagbantog ng debosyon kay Lolo Uweng. Kasama na rito ang kagalingan sa malulubhang sakit, pagkawala mula sa mga hindi magandang bisyo at mga gawain, mga natupad na mga kahilingan para sa pagpapala at grasya ay ang mga karaniwang ‘milagro’ na natanggap ng mga henerasyon na ng mga mananampalataya nito.
Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia.
For comments and suggestions: email. [email protected], cp. # 09301457621
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia