NAGULAT DIN ako sa binalita nina Mike Enriquez at Arnold Clavio sa radio program nila kamakailan lang tungkol sa showbiz mom daw na sinasaktan ang kanyang ina.
Obvious na si Nadia Montenegro ang tinutukoy na ang sabi, nag-aaway raw sila ng ina niya at sinasaktan daw nito.
Marami ang nag-react at kahit sa Startalk nga, pinapagawa ‘yung balitang ‘yun.
Hindi ko alam kung sino ang reliable source nina Igan, pero mariing itinatanggi ‘yan ni Nadia.
Ayaw na ngang patulan ‘yan ni Nadia kasi hindi raw talaga totoo.
Nagulat na lang daw siya na ang dami nang nagtawagan sa kanya para tanungin tungkol sa isyung ‘yan.
Nu’ng nakausap nga ni Nadia ‘yung Startalk, nakiusap itong huwag nang patulan kasi hindi naman daw totoo.
Nag-aalala lang daw siya sa Mommy niya, baka makarating pa ito sa kanya, at ma-upset lang nang husto, eh may sakit pa raw ‘yun sa puso.
Kaya nakiusap siyang huwag na lang daw palakihin.
Ang isa pang inaalala ni Nadia ay ang sa church niya dahil active daw sila sa church nila at nakakahiya raw sa mga pastor nila na nasasangkot pa raw siya sa mga ganu’ng intriga.
Kaya gusto ko ngang tanungin sina Igan kung si Nadia ba talaga ‘yung tinutukoy nila sa blind item na kuwento nila.
Hindi kaya si Rosanna Roces ‘yun na napabalita ngang sinaktan siya ng anak niyang si Onyok.
Sinagot na rin pala ni Rosanna ‘yun sa Ang Latest, pero hindi yata napanood ng marami.
Sinubukan kasi ng Startalk na interbyuhin ang isa pa niyang anak na si Grace pero tumanggi na ito.
Ayaw na niyang magsalita pa, pero naikuwento nga ni Grace na tumuloy raw sa kanya si Rosanna at sinumbong ‘yung nangyari.
Pero ayaw nang magsalita pa ni Grace, dahil ayaw na niyang makialam pa sa gulong ‘yun.
In fairness naman kay Grace, tahimik na siya talaga at mabait naman ang batang ‘yan.
Naloka lang ako, apat na pala ang anak niya. Ang bata-bata pa niya, nakaapat na anak na pala siya. Kaya ang aga niyang nag-mature, at mabuti naman tahimik na lang siya.
EXCITED NA si Lorna Tolentino na simulan itong first indie film na gagawin niya, ang kuwento ni Mrs. Editha Burgos.
Wala pa yatang final title pero tungkol nga ito sa kuwento ni Mrs. Burgos na hanggang ngayon ay nakikipaglaban pa rin sa kanyang anak na si Jonas Burgos na ilang taon na ring nawawala, at hanggang ngayon ay walang linaw kung buhay pa ba ito o patay na.
Naging matatag si Mrs. Burgos sa pakikipaglaban at naging adbokasiya na niya ang pagtulong sa pamilya ng desaparecidos. Kaya sabi nga niya, hindi lang daw ito para sa kanyang anak, kundi pati na rin sa ipinaglalaban niya para sa desaparecidos.
Gustung-gusto ni Lorna ang script at sabi nga niya, kung gagawa man daw siya ng indie film, gusto niya parang ganu’ng material kaya tinanggap na niya agad.
Nag-meeting na sina Lorna at Mrs. Burgos nu’ng kamakalawa ng hapon, at pareho yata silang na-starstruck na tuwang-tuwa at nagkakilala sila.
Inamin naman ni Mrs. Burgos na fan siya ni Lorna at nu’ng sinabi nga raw sa kanya na tinanggap ng aktres ang project na ‘yun, parang hindi raw siya makapaniwala.
Kaya nagkausap sila nang mabuti, nagbigay ng konting tips si Mrs. Burgos at feel na feel naman ni Lorna dahil gustung-gusto na niyang simulan ang project na ‘yun.
Sa susunod na linggo ay magpapagupit na siya para masunod ang buhok ni Mrs. Burgos.
Magbabakasyon lang daw siya sandali sa Boracay, pagkatapos nu’n ay sasalang na siya sa shooting nito na ididirek ni Joel Lamangan.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis