MALAKING CHALLENGE para kay Lorna Toletino ang kanyang role sa pinakabagong primetime series ng GMA-7 which will start airing on October 14. Sa kauna-unahang pagkakataon kasi, gaganap siya bilang President ng bansa.
Sa direksiyon nina Mark Reyes at Joyce Bernal, tampok din dito sina Dingdong Dantes, Rhian Ramos, TJ Trinidad, Jackie Lou Blanco at ilan pang magagaling na Kapuso stars.
Parang end of the world ang tema ng story ng serye. Na may may mga asteroids na bumagsak kaya kinailangan ang Operation Genesis na pamumunuan ng character ni Dingdong para iligtas ang mga tao.”
Hindi kaya masyadong mabigat ito para panoorin lalo na sa panahon ngayon na kailangang ma-uplift pang lalo ang spirits ng mga Pinoy?
“Maa-uplift naman ang ispirits nila. Kasi may solusyon naman, eh. Parang mas mabubuksan ang isip nila kung papaano nga. Kung anong gagawin mo kung sakali na mangyari. Maganda ‘yong story. At saka ‘yong effects kasi… mahirap gawin.
“Maraming nangyari. ‘Yon lang mga asteroids na bumagsak tapos ,meron din kaming tsunami. Pati ‘yong pagbuka ng lupa.”
Kumusta naman ang estado ng puso niya? Ayaw na talaga niyang magka-lovelife o magkaroon ulit ng partner in life?
“Wala na niyan. Diyos ko naman!” natawang sabi ni Lorna. “Forever na talagang gusto kong maging single na lang. Oo. Nagsasalita ako nang patapos. Yes!”
Bakit naman ayaw na niyang umibig ulit? “Unang-una, matanda na ako!” sabay ngiti ulit niya. “Matanda na ako. Sorry! Pangalawa ‘yong mga anak ko, siguro do’n ko na lang siguro sa kanila ibubuhos ang atensiyon, panahon, at pagmamahal ko. Pangatlo, may apo na ako. So, mas okey pa sa akin at mas nakapagbibigay pa sa akin ng challenge at energy ‘yong apo ko na makakarga ko. Maipapasyal ko.
“Iyon ang mas nagbibigay sa akin ng motivation to really be fit and healthy. Dahil gusto ko siyang abutan ng hanggang sa lumaki siya,” sabi pa ni Lorna.
POSITIVE ANG feedback ng viewers sa primetime series ng GMA 7 na Kahit Nasaan Ka Man. Maganda rin ang nagiging review sa acting ng buong cast lalo na ng mga bida rito na sina Julie Anne San Jose at Kristoffer Martin.
“Sobrang natutuwa ako. Dahil maituuring na experimental ‘yong soap tapos bagong loveteam nga kami ni Julie Anne,” sabi nga ng aktor.
“Nababasa ko sa Twiter at sa mga diyaryo na maganda nga ‘yong reviews at pati feedbacks ng mga tao. Nahu-hook daw sila do’n sa soap. So, sobrang nakakataba ng puso. At sana magpatuloy lang ‘yong pagsuporta at panonood nila.”
Dati binabasa pa ni Kristoffer ang mga hindi magaganda at negatibong comments ng kanyang bashers. Pero ngayon, iniiwasan daw muna niya.
“Oo. Ako kasi ‘yong taong sensitive sa lahat ng bagay. Sobrang sensitive kong tao. Lalo na sa words. So, ‘yon! Hindi muna ako nagtu-Twitter. Para hindi lang ma-destract.
“Ang binabasa ko na lang sa Twitter, ‘yong mga positive. At marami rin namang nakaa-appreciate ng soap namin. Kahit ‘yong mga matatanda. Pati ‘yong mga nanay, nahu-hook sa panonood, eh.”
Marami nga ang nagagalingan sa kanyang pag-arte. Sa kada episode ng Kahit nasaan Ka Man, pinatutunayan niya na deserving siya sa role bilang leading man nga ni Julie Anne.
“Salamat!” sabay ngiti ni Kristoffer. “Every soap kasi na gawin mo deserves the best that you can do naman talaga sa performance mo.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan