SA PICTORIAL AT story conference ng Glamorosa, nakausap namin si Lorna Tolentino. Ibang LT ang kausap ng Pinoy Parazzi, dahil kung noon ay sa-rado ang kanyang bibig sa salitang muling pag-ibig, ngayon ay taliwas na iyon. “Matagal na ring wala si Daboy (Rudy Fernandez) at ang pag-ibig ko sa kanya, hindi natin masasabing huwad na pag-ibig dahil dalisay iyon. Kasi rito sa aming bagong project sa TV5, tatakbo ito sa huwad na pag-ibig, huwad na pagkakataon at huwad na katauhan na ibang-iba sa personal life ko.”
Sinabi ni Lorna na solido at imortal ang pagmamahal na ibinigay niya kay Daboy, pagmamahal na hanggang sa kabilang buhay ay kanyang babaunin. Hindi man daw perpektong tao ang namayapang action star, naramdaman naman niya rito ang kahalagahan ng buhay, ang umunawa sa maraming bagay at kung paano ang tapat na magmahal. “Nowadays, siguro ang masasabi ko, willing na ulit akong magmahal,” sabi ni LT.
Totoo, ngayon ay handa na raw muling tumanggap ng mangingibig ang aktres. Kung dati, sarado ang kanyang puso sa tawag ng pag-ibig, ngayon ay binuksan na iyon ng panahon. Sabi nga ni LT, hindi raw niya alam kung sino ang lalaking magmamahal at kanyang mamahalin, pero ang importante, handa na uli siyang umibig.
SEMPLANG NAMAN ANG unang rating ng Sa Ngalan Ng Ina. Hindi iyon kahinaan ng nasabing soap opera ni Nora Aunor. Hindi naman kasi basehan ang numero sa kung ano ang programang gusto ng ating puso. Honestly, maganda at may katuturan ang comeback project ng Superstar, nagkataon lang siguro na noong gabing unang iipinalabas ito, maagang natulog ang mga Noranians o kundi man, apektado pa rin hanggang sa ngayon ang career ng aktres sa mga isyung idulot sa kanya ng pagkakasangkot niya sa droga sa Amerika.
Nang lumabas sa Cardinal Santos Hospital kamakailan si Nora dahil sa sakit na Bronchitis, bukod-tanging ang Pinoy Parazzi ang naroon kasama ang crew ng programang Juicy at Paparazzi ng TV5. Hindi man nagpaunlak ng interview si Nora, respeto ang ibinigay namin sa kanya.
“Bawal pa raw akong magsalita. Si-nabihan ako ng doktor, ‘wag daw muna,” sabi sa amin iyon ni Mama Guy at marahan niyang isinara ang pintuan ng room 717.
Sa totoo lang, habang ibinababa at inilalabas ng Cardinal Santos si Mama Guy na naka-wheelchair, pinagmamasdan namin siya sa suot niyang black T-shirt. Malungkot ang mga mata at walang sigla ang bawat kilos niya. Mula sa kanyang pagkakaupo, kung saan ay may kulay green mask ang kanyang mga bibig, kami po ay napabuntong-hininga. Wala na ba talagang kislap ngayon si Nora Aunor? Nasaan ang kanyang mga fans na patuloy na nagtatanggol sa kanya?
Ewan. Pero sa totoo lang, sa dalawang mahalagang pagkakataon sa buhay ni Mama Guy, tila malamig pa sa career ng Superstar ang pananahimik ng mga Noranians. Hindi po kami Noranian, pero nais po sana naming ipaabot sa kanila, ngayon nila kailangang higit na magkapit-bisig para sa nag-iisang Superstar na nanga-ngailangan ng kanilang suporta. Tsuk!
TEKA PAHABOL LANG. Nais naming batiin ang regular suki namin dito sa Pinoy Parazzi na nasa Cagayan de Oro. Maraming salamat, Richard Henson.
More Luck
by Morly Alinio