BLOOMING AT napakaganda na humarap sa media sa katatapos na grand press launch ng tatlong bagong shows ng TV5 last Tuesday ng gabi si Ms. Lorna Tolentino na fresh from Germany, kung saan nag-undergo ito ng stem cell therapy .
Kaya naman dinumog ito ng mga kapatid sa panulat para alamin kung ano ang naging result ng kanyang pagpapa-stem cell, na sinagot naman ng magaling na actress.
Ayon nga kay Ms. LT, nawala instantly ang kanyang back pains after magpa-stem cell. Tsika pa nito na kaya raw naengganyo siyang i-try ang stem cell ay dahil na rin sa mga magagandang naririnig nito sa mga taong nag-undergo nito, kung saan gumaan ang kanilang pakiramdam at nawala ang mga iniindang sakit.
Dagdag pa nito na matagal na niyang iniinda ang sakit na scoliosis kaya niya naisip na sumailalim sa ganitong klaseng proseso, meron din siyang vertigo at iba pang sakit na nararamdaman.
Kuwento pa nito, four days silang nag-stay ng hospital, kung saan nu’ng unang araw ay in-interview raw muna siya tungkol sa kanyang health history, at nang sumunod na araw ay ang mismong procedure na, kung saan tinurukan daw siya ng 10 injections.
At nu’ng ika-tatlong araw raw ay buong araw siyang nasa kama at nagpapahinga, at nu’ng ika-apat na araw ay okey na sila at puwedeng ng lumabas ng hospital, kung saan daw naramdaman nito ang malaking pagbabago sa kanyang katawan. Sumigla raw siya at nawala ang mga iniindang sakit. Kaya naman daw balak nitong irekomenda sa kanyang pinsang si Zsa Zsa Padilla.
SAMANTALA, BABAGUHIN ng TV5 ang Primetime sa handog nitong naglalakihan at naggagandahang shows na talaga namang kapana-panabik na panoorin. Una na rito ang Third Eye na isang horror-suspense na pinagbibidahan ni Eula Caballero, kabituin sina Ms. Lorna Tolentino, Mr. Eddie Garcia, Daniel Matsunaga, Gelli de Belen, Victor Silayan, Jenny Miller, atbp. na magsisismula sa July 29.
Ang pangalawa ay ang Enchanted Garden, na kauna-unahang eco-fantaserye sa bansa na pinangungunahan nina Ruffa Gutierrez, Rufa Mae Quinto at Alice Dixson, Alex Gonzaga, BB Gandanghari, Zoren Legaspi, Meg Imperial, Daniel Matsunaga, Gladys Reyes, Lian Paz, atbp. na magsisimula sa July 30 bago ang Will Time Bigtime.
At ang pangatlo ay ang artista search na Artista Academy, na magsisimula sa July 30, kung saan ang magisisilbing hosts ay sina Marvin Agustin at Cesar Montano.
SPEAKING OF Cesar Montano, maraming manunulat ang clueless kung bakit after ng presentation ng hosts at mga tao behind Artista Academy ay bigla itong naglahong parang bula at ‘di namalayan ng lahat ang pag-escape nito. Marami pa namang kasamahan sa panulat ang nagnanais na ma-interview ito.
Ito bale ang magsisilbing Live Exam Presenter ng AA every Saturday na live performance night, habang sina Ms. Lorna Tolentino at Gelli de Belen ang Live Exam Critics every Saturday night.
Samantalang si Marvin Agustin naman ang daily host kasama ang director nitong si Mac Alejandre, Louie Ocampo, Georcelle Dapat, Wilma Galvante at Direk Joel Lamangan na hahawak sa training ng 16 finalists.
ISANG TRIBUTE para sa yumaong Comedy King ang Sunday game show ng TV5 na Game ‘N Go, kung saan ang dance numbers at kantahan ay mula sa mga paboritong kanta at sayaw nito. Kabilang dito ang Mambo, Puruntong Dance, ilang sayaw sa critically-acclaimed movie na Markova. Kasamang nagtanghal sina Ritz Azul, Arci Muñoz, Nadine Samonte, Empoy, Caloy Alde, at Bayani Casimiro.
Naroon pa rin ang mga hinahangaang games ng Game ‘N Go, hosted by Edu Manzano, Joey de Leon, Arnell Ignacio, Gelli de Belen, Shalani Soledad, Daniel Matsunaga, at Monica Sta. Maria. Naglaro rin ang mga dating kasama ni Dolphy sa programa niya.
John’s Point
by John Fontanilla