AKO RAW ang hinahanap sa premiere night ng Burgos ni Lorna Tolentino nu’ng nakaraang Sabado.
Ito ‘yung closing film sa Cinemalaya 2013 at siyempre suportado si Lorna ng close friends niya at fans na sobrang loyal sa kanya.
Hindi na ako tumuloy sa CCP kasi alam n’yo namang ‘di ako nagbababad ng ganu’n ka-late’ ‘no!
Nairita pa ako nu’ng Sabado na pinaghintay lang ako ng tatay nitong si Aimee Torres ng Pusong Bato sa Victorino’s dahil inabot daw sila ng baha sa España.
Lalo pa akong nairita nang sinabi niyang padadalhan daw ako ng 10 thousand pesos para hindi na ako magalit sa paghihintay.
Naku! Nilayasan ko nga! Hindi ko na hinintay! Parang akala ba niya nadadala niya ako sa sampung libong piso. Isaksak na niya sa pusong bato niya ang 10 thousand na ‘yan!
Anyway, balik na nga sa Burgos!
Natuwa naman ako dahil maganda ang feedback kay Lorna sa Burgos. Puring-puri nila ang aktres sa magaling niyang pagganap bilang si Mrs. Editha Burgos.
Sabi nga raw mismo ni Mrs. Burgos, naiingit nga raw siya dahil wala siyang nunal gaya ng kay Lorna dahil kung meron daw siya nu’n, kamukha na niya si Lorna.
Kuhang-kuha raw kasi ni LT ang lahat na kilos, pagsasalita at pati itsura ni Mrs. Burgos.
Kaya ngayon pa lang hinuhulaan nang matindi ang labanan nina Lorna at Vilma Santos dahil magaling din ito sa Ekstra.
Eh, meron din daw panlaban na indie film si Nora Aunor na, ang Kuwento ni Mabuti.
Kaya hindi malayong itong tatlo lang ang maglalaban sa mga award-giving bodies sa susunod na taon.
Tingnan na lang natin, dahil napakaaga pa para manghula, no!
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis