HAPPY RAW si Lorna Tolentino sa pagiging Kapatid star. Bukod sa Valiente, may isa pa siyang bagong weekly TV program. Ito ay ang Third Eye, na horror ang tema.
“Columnist ang role ko. Tungkol sa mga kababalaghan ang aking isinusulat. So, involved ako sa bawat episode ng show. Nakapag-taping na kami ng pilot episode. Every Saturday ng gabi ang airing nito. Pero wala pang final kung kailan magsisimulang mapanood.”
Mahirap daw ang kanyang role sa Valiente. Kahit ngaragan ang taping nila, hindi ito nagri-reflect sa mukha niya. Fresh pa rin ang kanyang beauty as always.
Si Lorna ang bagong karag-dagang cast sa nabanggit na serye. Ginagampanan niya ang role bilang kapatid ni Tirso Cruz III at ina ni Nadine Samonte na matagal nawala, pero sa pagbabalik ay isang mayamang negosyante na.
Naloka nga si Lorna. Kasi nang ipadala raw sa kanya ang script, biglang in just a couple of days ay taping na raw kaagad. Mahihirap pa na naman daw ang kanyang mga eksena. Ang daming mga tagpong kailangan niyang mag-monologue.
“Nakurta ang utak ko!” natatawang kuwento pa ni Lorna nang pasyalan namin sa kanilang taping sa isang rancho sa Lipa City kamakailan.
“Nanginginig ako habang nagti-taping kami. Kasi, sunud-sunod ‘yong mga monologue ko. First time ko na parang pinarusahan ako. Ha-ha-ha! Kasi ‘yong role ko na pang-two months, kinumpres at ginawang pang-two weeks.”
May offer rin daw sa kanya ang GMA-7. Pati na rin ang ABS-CBN. Pero hindi pa siya nagku-commit. Gusto raw muna niyang tapusin ang kanyang mga commitments sa TV5. Hanggang September daw ang kanyang contract sa Kapatid Network. At kung aalukin siyang mag-renew, hindi raw siya tatanggi.
Magkaibigan sila ngayon ng dating archrival niya na si Alma Moreno na naging live-in partner din noon ng yumao niyang asawang si Rudy Fernandez. Paano kung humingi ito sa kanya ng suporta sa pagtakbo nitong Senador sa darating na eleksiyon.
“Depende kung anong partido niya. Naka-commit kasi ako sa team (Puwersa Ng Masang Pilipono) ni Erap, eh. Siguro kung solo siya o independent candidate, puwede akong sumuporta.”
Hindi ba siya nabigla nang mag-announce si Alma na mula sa pagiging konsehal ng Parañaque ay pagiging Senador kaagad ang sunod na gustong puntiryahin? Marami rin kasi ang nagsasabi na masyadong maaga pa para ambisyunin nito na mapunta na Senado.
“Hindi ako nabigla. Matagal na rin naman sa politika si Ness, eh. At sabi nga niya… bigyan naman siya sana ng chance.”
Siya ba, malabong maengganyo na pumasok sa pulitika?
“In-offer na ako dati ni Tates (asawa ni QC Mayor Herbert Bautista) last election dahil kulang sila sa slot for councilors. Pero, ayoko talaga sa politics,” sabay ngiting sabi na lang ni Lorna.
Ngiti ang unang naging reaksiyon ng aktres nang kumustahin ang status ng kanyang lovelife.
“Wala,” napapakibit-balikat niyang sabi.
“May mga apo na ako. Happy na ako na sa mga anak ko ako naka-focus. At saka sa farm namin.”
Pero hindi niya itnanggi na may mga nanligaw raw sa kanya dati. Pero talagang sa pakiramdam daw niya, ayaw na niyang muling magmahal pa o mag-asawa ulit.
“Wala na akong interes. Parang nasa isip ko, alagaan ko na lang ang sarili ko. Ituon ko na lang ang pansin ko sa aking mga anak at apo.”
Tama!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan