TSIKAHAN KAMI NG Superstar na si Nora Aunor dahil kinumusta ko sa kanya kung nagkita na ba sila ng kanyang anak na si Lotlot (de Leon) na umalis ng bansa ng kasagsagan ng bagyong Ondoy para magsimula ng isang bagong buhay sa Chicago.
Hindi pa nga sila nagkikita. At ang tanong nga niya, eh, kung nasa Chicago na nga ba ito dahil matagal na rin silang hindi nagkakausap.
Tinanong ko si Ate Guy kung totoo ba ang balitang malamang na umuwi siya sa bansa this December. Aliw na aliw ako sa mga sagot sa akin ng Superstar at Ingles nang Ingles, tipong namemleytaym.
“Nope. Middle of next year. I hope. You bet! Thanks! ‘Di naman gaano. Madali nga akong nagsawa, eh. Ha-ha-ha-ha! Joke! ‘La lang. I love you. Mwah! Happy birthday nga pala. Kiss na lang kita ‘pag balik mo.”
Tinanong ko rin siya kung may gagawin ba siyang mga fund-raising shows para makatulong sa mga sinalanta ng bagyo rito. At kinumusta ko rin sa kanya ang mga mahal niya sa buhay sa Kabikulan.
“Nag-iisip pa ako kung ano ang puwede kong gawin para siyempre, makatulong pa rin. Ayoko’ng sumama sa iba. Any suggestions? I still have a series of shows here (US) and Canada. ‘Yun nga ang plano ng nanay mo. Mag-fund-raising din. Sige, kiss mo na lang ako at hug sa mga anak ko d’yan at sa lahat ng mga mahal natin sa media, kay Rey (Pumaloy), Oghie (Ignacio), Kuya Boy (Abunda), Ate Mercy (Lejarde). Thanks again! Babalitaan kita ‘pag pauwi na ‘ko d’yan!”
PINAG-UUSAPAN NG ILANG reporters na dumalo sa isang event ang isang eventologist. Kasi raw, kuwento ito nang kuwento sa mga tinutulungan niyang mga sinalanta ng nagdaang mga bagyo.
Okay na nga raw sana ang intensyon ng nasabing eventologist sa ginagawa nitong pagtulong sa mga nangangailangan.
Kaya lang, bumabagyo rin daw sa lakas ng hanging naramdaman ng mga nakikinig sa litanya nito ng mga name brand ng mga bagay na ipinamimigay niya at mamahalin talagang mga bagay ang mga ito, name it, lahat meron siya.
Nagtataka lang daw ang mga nakikinig kung ipinamigay ba ng nasabing eventologist ang mga bagay o ibinenta ba niya ang mga ito at saka ginamit ang pondo para sa mas kailangan ng mga nasalanta. Para raw kasing hindi nila ma-imagine na sa mga relief center, eh, ang mga name brands ang iniaabot ng nasabing eventologist sa mga nasalanta.
Para rin itong kuwento ng isang nag-donate ng kanyang ginamit sa debut na gown sa mga nasalanta. Minsan, hindi rin tayo nag-iisip, ‘di ba? Kung makatutulong bang talaga ang mga ipinamimigay nating mga kagamitan.
Pero ‘yun na nga, T.Y. na nga ang ginawa ni eventologist pero meron pa ring nasabi sa kanya.
The Pillar
by Pilar Mateo