Louise delos Reyes, napagsasabay ang karir at lovelife

Louise-delos-ReyesHINDI NA mapipigilan ang patuloy na pagpaimbulog ni Kapuso Star Louise delos Reyes sa rurok ng kasikatan dahil hindi siya nawawalan ng project. Ibig lang sabihin, dahil napakahusay niya sa pag-arte, lalo na pagdating sa drama, kaya mahal na mahal siya ng ng kanyang mother network, kung saan siya lubos na nakilala.

Halos ay matagurian na siyang prosthetic queen, dahil una siyang ipinakilala sa kanyang title role na Alakdana na talaga namang ‘di tinantanan ng mga manonood at mga tagahanga sa pagsubaybay sa bawat kaganapan sa istorya. Dito rin niya unang nakasama sina Paulo Avelino at Alden Richards.

Mataas ang rating ng programa kaya’t sinubok ang tambalang Louise at Alden sa Mundo Mo’y Akin kung saan ginamitan siya ng prosthetic na pangit na mukha. Heavy-drama naman sila sa One True Love.

Kasalukuyan silang magkasintahan noon ng Kapuso Star na si Enzo Pineda. Mahigit nang isang taon ang kanilang relationship nang magkaroon sila ng ‘di pagkakaunawaan. Masyadong dinamdam ng dalawa ang nangyari, nguni’t hindi naman ito nakaapekto sa karir ng dalaga.

Napag-usapan din ang dahilan ng kanilang hiwalayan na umano’y napapaugnay ang dalaga sa ka-loveteam nitong si Alden Richards. Kapwa naman nilang pinabulaanan ang isyu.

‘Di kalaunan ay muling nagkabalikan ang magkasintahang Louise at Enzo. Patunay lang na talagang mahal nila ang isa’t isa. Ngayon ay magta-tatlong taon na sila sa May 21.

Dahil hindi naman sila nakitaan ng bagay na maaaring makaapekto sa kanilang trabaho ay muling nabigyan ng project ang dalaga sa kanyang challenging title role na Kambal Sirena, ang teleseryeng pumalit sa Adarna ni Kyllie Padilla. Sa kanyang dalawang katauhan bilang sina Perlas na isang normal na tao at kakambal na si Alona na isang sirena, anak sila ng napakagaling na aktres na nagbabalik-showbiz na si Mickey Ferriols bilang si Marissa na umibig sa sirenong si Damos (Yul Servo) na siyang ama ng kambal.

Ayon sa dalaga, mas nahirapan daw siya ngayon sa kanyang role kaysa noong mag-Alakdana siya. Mas ibayong paghahanda at pagsasanay ang kanyang ginawa. “Although mahirap po talaga pareho ang ginawa ko sa Alakdana at ngayon nga po, sa Kambal Sirena. Pareho kasing mabigat ang costume. Pero mas mahirap po ngayon dahil kailangan ko pang magsanay nang mabuti sa paglangoy at pagsisid. Habang sumisisid ako ay kasunod ko naman ang instructor ko na siyang may dala ng oxygen tank na suporta ko kapag kinakapos na ako ng hininga.”

Masusubukan naman dito ang tambalan nila ng Machete idol na si Aljur Abrenica bilang si Kevin, ang guwapo at mayamang anak ni Lotlot de Leon bilang si Susanna na nagmamay-ari ng resort. Kasama rin nila dito ang ilang malalaking artsta na sina Tessie Tomas, Nova Villa,Chanda Romero, Angelika sela Cruz, Gladys Reyes, Rich Asuncion, Wynwyn Marquez, Polo Ravales, Mike Tan at  Pancho Magno. Sa direksiyon ito ni Dondon M. Santos.

Naiintriga naman siya sa rating nito dahilan sa magiging katapat ng programa ay isa ring fantaseryeng sirena story. Naging kalmante naman ang dalaga dahil para sa kanya ay hindi naman dapat na pinag-uusapan ang rating. Mas mahaga ang alam mong nakapagbibigay ka ng kasiyahan sa mga manonod, lalo na umano sa kanyang mga fans na walang sawang sumusuporta sa kanya. Labis-labis ang pasasalamat niya sa mga ito, sa pamunuan ng Kapuso Network, at higit sa lahat ay sa Diyos sa patuloy na nabiyayang natatamo niya.

By Luz Candaba

Previous articleRaja Montero, ayaw nang magsayaw sa club
Next articleMo Twister, nilait ang ala-Oscar selfie ng grupo ni Ai-Ai delas Alas

No posts to display