MATAPOS ANG One True Love na pinagtambalan nila ni Alden Richards, hindi raw maiwasan ni Louise delos Reyes na makaramdam ng lungkot. Naging parang magkakapamilya na raw sila kasi ng buong cast at production staff ng nasabing primetime series.
“Mami-miss ko ‘yong buong team,” ana’ng aktres. “And siyempre, ang lagi kong kaeksena ay si Alden, siya ang mami-miss ko nang sobra. So, mami-miss ko lang siya bilang Tisoy.”
Ano ang pinakamami-miss niya sa pakikipagtrabaho kay Alden?
“Actually marami, eh. Kasi siya ‘yong sobrang caring. And parang comfortable ako being with him, sa mga scenes namin. Lalo na sa mga drama scenes.”
Ano ang plano niya matapos ang ilang buwan din na ngaragang taping for One True Love?
“Gusto kong magbakasyon!” sabay tawa ni Louise. “Bakasyon lang naman for a week o kahit for a month. Gusto ko lang ma-enjoy ‘yong na-miss ko rin habang ginagawa ko ‘yong One True Love.”
Vacation abroad o out of town lang?
“My friends and my family are planning to go abroad naman. Tapos… let’s see. Gusto ko abroad na… Asia muna. Pero since ‘yong mga kamag-anak ko sa States are inviting also, so hindi ko alam kung ano. Marami rin ‘yong papers na aasikasuhin ko for the States sakaling matuloy ako ro’n. Siguro by November o December.”
Kasama kaya ang rumored boyfriend niyang si Enzo?
“Ah, meron akong trip with my friends. Baka do’n na lang siya sumama,” sabay tawa ulit ni Louise. “Pero mauuna muna siyempre ‘yong kasama ang family ko.”
Trip abroad din ba ‘yong pinaplano niya with Enzo and her friends?
“Hindi ko pa po alam ‘yong details, eh. Kasi hindi pa rin natatahi ‘yong mga commitments namin. ‘Yong sa akin kasi, ‘yong schedule ko sa showbiz ang mahirap kuhanin. Sa mga friends ko kasi, school lang. And nag-schooling din ako. So tinatahi-tahi pa namin ang mga schedules namin.”
Nasa anong status na ba ngayon ang matagal nang napapabalitang pagkakamabutihan nila ni Enzo?
“Gano’n pa rin!” tawa na naman niya. “Steady lang. Ah, we’re just really enjoying each other’s company. And we’d like to keep it private na lang.”
May enough time na siya ngayon para sa kanila ni Enzo dahil pansamantala ay hindi muna siya gaanong busy sa trabaho.
“Time para sa lahat,” nangiting sabi ng aktres. “Siyempre, time muna para sa sarili.”
Tinatapos niya ngayon ang shooting ng indie film na Basement. Isang tomboy na drug addict ang character na ginagampanan niya rito.
“Medyo binago siya ni Direk Topel Lee. Hindi na siya gano’n ka-tomboy. Hindi na siya gano’n ka-drug addict. Teenager siya na naliligaw ng landas. Na hindi niya alam kung ano ang purpose niya sa buhay.
“Okey rin lang naman sa akin na gumanap bilang tomboy talaga. Gusto ko rin namang mag-venture sa ibang characters. Away from my forte na drama.”
Professional siya pagdating sa trabaho. Okey lang kaya sa kanya kung halimbawa, tomboy ang role niya tapos may kissing scene sa kapwa babae?
“Hihingin ko muna ‘yong advice ng family ko,” tawa ulit ni Louise. “Ako naman kasi, if the character calls for it, okey lang siguro.”
Ganyan?
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan