KUNG ANG Disyembre ay buwan ng pagbibigayan, ang Enero ay buwan ng bagong simula, ano naman kaya ang Pebrero? Tinatanong pa ba ‘yan? ‘E ‘di buwan ng pagmamahalan. Gaya nga ng sabi sa isang kasabihan “Love is in the air” kaya perpekto ang timing ng pagdaos ng 19th Philippine International Hot Air Balloon Festival dito sa bansa.
Akalain mo ‘yun, ika-19 na beses na itong idinaraos sa bansa? Hindi ba nakapapanabik ito? Hindi ito masusundan nang masusundan kung hindi nagustuhan ng mga Pinoy. Kaya, ano pa ba ang hinihintay ninyo? Yayain ang pamilya, barkada at special someone, magtungo sa 19th PIHABF at doon idaos ang date ninyo ngayong buwan ng pagmamahalan.
Ang 19th Philippine International Hot Air Balloon Festival ay tatagal nang apat na araw mula Pebrero 12 hanggang Pebrero 15. Kaya walang dahilan para hindi kayo makadalo! Mayroon namang Sabado at Linggo para dumalo.
Itong A Weekend of Everything that Flies o ang 19th Philippine International Hot Air Balloon Festival ay gaganapin sa Clark, Pampanga. Kung nahiyakat mo na ang buong pamilya, barkada at mahal sa buhay, puwedeng-puwede naman kayong mag-commute galing Maynila papunta sa Clark, Pampanga. Mula sa Maynila, may layong nasa 80 kilometro ang Clark. Sumakay lang kayo ng Victory Liner Bus na may biyaheng Dagupan at bumaba sa Dau, Pampanga common terminal. Marami na roong bumabiyaheng jeep at tricycle. Kahit alin dito ay puwedeng-puwede kang dalhin patungong Clark.
Kung may sasakyan naman kayong dadalhin, kaya rin naman itong marating ng isa’t kalahating oras na biyahe. Para makarating sa Clark Freeport Zone o ‘yung tinatawag na Clark Special Economic Zone, dumaan lang kayo sa North Luzon Expressway galing Maynila at mag-exit sa Dau, Mabalacat. Matapos mag-exit, kaliwa sa Angeles City. Makikita niyo rin ang Clark Zone. Simple lang, ‘di ba? Kayang-kayang makisaya sa 19th PIHABF!
Nagkakahalaga ng P300.00 ang entrance fee ng nasabing event. Kung gusto mo namang mabigyan ng prayoridad sa Hot Air Balloon Festival, may VIP Ticket din na ibinebenta sa halagang P6,000. Credit card ang kailangan para makapag-avail ng VIP ticket. Narito ang mga kasama ng VIP ticket: Priority entrance: complimentary use of the Balloon Launch Patio, breakfast at lunch buffet, afternoon high tea, air-conditioned lounge at toilet.
Kung trip mo namang maranasan mismo ang hot air balloon rides, puwedeng mangyari ito sa halagang US$300. Kung matapang ka at gusto mo namang sumakay sa hot air balloon sabay tandem sky diving, puwede rin ito. ‘Yun nga lang mas may kamahalan ang buwis-buhay experience na ito sa halagang US$400.
Kaya ano pa ang hinihintay ninyo? Makisaksi at maging parte ng 19th Philippine International Hot Air Balloon Festival. Isama ang iyong pamilya, barkada at kasintahan sa natatanging event na ito.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo