MAY MGA TAONG nakakakilig panoorin na magkasama onscreen because they look good together and they have great chemistry. Hindi naman talaga kailangan na magkaroon ng relasyon sa totoong buhay ang magka-loveteam para maging patok sa mga fans. Pero hindi mo rin siyempre maiaaalis sa mga fans na mangarap at umasa na sana ay magkatuluyan in real life ang kanilang mga iniidolo. Kaya nga kahit sandali lang na lokohan, titigan, tuksuhan ay nakakakilig pa ring panoorin.
Pero malaki pa ring bagay kapag tinototohanan ng magka-loveteam. Alam ko ang pakiramdam ng mga fans dahil naging die-hard fan ako ng Guy and Pip loveteam. Noong panahon namin – parang walang impiyerno – lahat langit – basta magkasama lang si Guy at Pip! Naalala ko iyong sari-sari store ni Aling Maring sa aming bayan sa Borongan, Eastern Samar na madalas kong puntahan noon sa pagbabaka-sakaling may bagong komiks na may lamang balita tungkol kina Guy at Pip.
Ngayon, isa ang loveteam nina Erich Gonzales at Enchong Dee sa sinasabing bagay na magkatuluyan maging sa totoong buhay. Patok sa publiko ang kanilang tandem at napatunayan ang lakas ng kanilang hatak sa mga teleseryeng Katorse, Tanging Yaman, Magka-ribal, at Maria La Del Barrio.
Pero bakit mukhang hindi lume-level-up ang kanilang relasyon at hanggang ngayon ay friends pa rin sila? According to an article by Rachelle Siazon of Push.com.ph ay sinabi ni Erich na, “Personally, ayoko nang gumigimik, gusto ko totoo. Hindi naman kai-langang magka-in love-an ang magka-partner para suportahan ng tao. Basta maganda ‘yung project at script, okay na ‘yun. ‘Yung supporters namin nandiyan pa rin sila kahit na ma-partner kami sa ibang artista kaya sobrang pasasalamat ko sa kanila.”
Noong umpisa pa lang daw kasi ay malinaw na sa kanilang dalawa ni Enchong na magkaibigan lang talaga sila. Malaki ang kanyang pasasalamat sa mga fans na walang sawang sumusuporta sa kanilang loveteam. Ang mga fans kasi ang dahilan kung bakit successful ang kanilang tambalan.
All-out daw ang suporta ni Enchong kay Erich ngayong nakatakda itong itambal sa Thai heartthrob na si Mario Maurer for their movie Suddenly It’s Magic. Ayon pa kay Enchong, “I’m one of her biggest fans. I want to see her on top of her game. Nagsimula kami together and gusto ko whatever success na matamasa niya, I’ll be there to support her. Kasi ‘yun ang isang part kung bakit mas maganda na wala kaming hesitations sa isa’t isa. Na kapag inimbitahan ako sa premiere night ng movie nila, pupunta ako. Mas maganda makita ng tao na, ‘Ay, totoo silang magkaibigan kasi nagsusuportahan sila.’”
Kaibigan, usap tayo muli!
Points of Boy
by Boy Abunda