NAKAUSAP NAMIN si Lovi Poe sa event ng Red Horse Muziklaban, kung saan siya ang bagong ambassadress ng naturang beer at inamin niyang maganda ang pasok ng 2012 para sa kanyang personal na buhay pati na sa kanyang career.
Una na nga raw rito ang kasisimula pa lang nilang teleserye na Legacy, kung saan marami na agad ang captured aud-ience nito at marami na raw ang pumuri sa ganda ng istorya.
Pangalawa, ang diumano’y muli nilang pag-uusap ng dating boyfriend na si former Congressman Ronald Singson at naplantsa na raw ang kung anumang gusot na meron sila noon ni Ronald.
Sa tanong namin kung posible bang magkabalikan sila, ngiti lang ang isinagot ni Lovi sa amin sabay sabing, “Focus muna ako sa career ko ngayon, saka na muna ang lovelife.”
‘Yun na!
SAKSI KAMI sa dami ng fans na dumalo sa Nandito Ako mall show sa SM Southmall noong nakaraang Sabado. Hindi mahulugang-karayom ang venue dahil sa dami ng David Fanatics na gustong makita, mapanood, makapagpa-picture at makakuha ng signature sa American Idol finalist na kasalukuyang nasa bansa para sa isang engrandeng mini-serye ng TV5.
Nagpa-kitang-gilas si David sa pag-piano at pagkanta na sinabayan naman ng tilian at sigawan ng mga fans. Nagpakita pa nang galing ang banyagang singer sa pagta-Tagalog at inilarawan nito ang kanyang buong katawan sa pamamagitan ng pagsasabi ng kanyang body parts in Filipino.
Malapit nang matapos ang mga eksena ni David sa Nandito Ako at kaagad na itong lilipad patungong Singapore para sa isang concert.
Magsisimula namang i-ere ang nasabing mini-serye sa Singko sa darating na February 20 sa primetime panalo ng Kapatid Network.
CONFIRMED. BABU na sa ere sa February 4 ang noontime show ng ABS-CBN na Happy Yipee Yehey. Kahit nagla-live sila araw araw ay napansin namin ang maraming parinig ng ilan sa mga hosts na normal lang naman sa industriyang ito kapag nakatakda na ngang mamamaalam ang isang programa.
Confirmed din na ang It’s Showtime ang papalit sa babakantihing timeslot ng HYY. Nagkaroon na nga sila ng Unkabogable Caravan noong Lunes upang ipaalam sa madlang pipol na sa February 6, sila na ang ookupa sa noontime slot ng Dos.
Ang tanong, kaya kayang matibag ng Showtime ang matibay ng pundasyon ng Eat Bulaga?
Tanong din namin ‘yan na parang walang kasagutan. Goodluck sa bumubuo ng Showtime!!!
Sure na ‘to
By Arniel Serato