PAGDATING SA LOVELIFE, napaka-colorful ng buhay pag-ibig ni Lovi Poe. Mainit na pinag-usapan ang pakikipag-relasyon niya noon kay Jolo Revilla na naging sentro ng intriga, pero nauwi rin sa hiwalayan ang relasyon nilang tumagal ng ilang taon. Kahit anong paghihigpit ang gawin ni Mommy Rowena Moran sa kanyang anak, natatakasan pa rin siya nito. Ang naging dahilan ng split-up nina Jolo at Lovi, si Cong. Ronald Singson na ngayon ay nakakulong sa Hong Kong dahil sa drugs.
Nang dahil sa pangyayaring ‘yun kay Cong. Ronald, nagbigay ng statement si Lovi na hiwalay na sila ng kongresista. Single na uli siya at puwedeng makipag-date sa sinumang lalaking magustuhan niya. Pero hindi sineryoso ng media ang binitawan niyang salita dahil madalas na kasama ni Lovi si Gov. Chavit Singson sa private jet tuwing bumibisita ito sa anak na nakapiit.
Binansagang “Denial Queen” ngayon si Lovi dahil sa hindi niya pagsasabi ng totoo. Pinaglalaruan lang daw ng dalaga ang entertainment press. Mismong si Gov. Chavit ang nagsasabi na patuloy pa rin ang relasyon nina Lovi at Ronald. Puring-puri nga nito ang actress, hindi iniwan sa ere ang kanyang anak. Patuloy pa rin ang suportang ibinibigay ng dalaga sa dating congressman. May tsika, may binitawang salita raw si Lovi kay Ronald, “Maghihintay ako sa paglaya mo.” Ibang klase ring magmahal ang dalagang anak ni FPJ, matindi!
Kung naging sinungaling man si Lovi sa tawag ng pag-ibig, karapatan niya ‘yun. Gusto lang naman niyang magkaroon ng privacy ang kanyang personal life at may career na dapat protektahan. Nang dahil sa mga karanasang pinagdaanan niya, gumaling siyang artista. Napag-ukulan ng pansin ang mga makabuluhang pelikulang ginawa niya. Kamakailan lang, tinang-hal si Lovi na Best Actress sa EnPress para sa Mayohan. Sa nalalapit na Star Awards for Mo-vies, nominated siya, balita nga namin isa siya sa malakas na contenders para sa Best Actress para sa nasabing pelikula. Actress na nga siyang maituturing at pinatunayan na niya ito.
Sa totoo lang, bonggacious ang showbiz career ngayon ni Lovi kahit palaging may controversial issue na naglalabasan tungkol sa kanya. Palaging sentro ng intriga, pinag-uusapan bawat kilos at galaw. Hindi nawawalan ng project sa GMA-7. Paborito din siya ni Mother Lily Monteverde ng Regal Films. Right now, sexy and mature actress na si Lovi, puwede ng sumabak sa mga daring roles
Katatapos lang gawin ni Lovi ang Deadline, The Reign of Impunity ng award-winning team nina Direk Joel Lamangan at scriptwriter Bonifacio Ilagan. Puno ito ng mga karakter presented in a blind item fashion. Fictionalized ang mga ito pero base sa mga totoong tao at insidenteng nabasa sa pahayagan.
Nakausap namin nang personal si Direk Joel pagkatapos naming mapanood ang pelikula. Sa aming pananaw, may pagka-political thriller ang dating nito. “Naging panuntunan ko na ang magpakita ng katotohanan sa pamamagitan ng mga pelikulang nagawa ko. Powerful medium ang pelikula, kaya nais ko itong gamitin upang maipahayag ang aking mga paniniwalang base sa katotohanan. Kung may matamaan akong tao, pasensiya na lang dahil lahat ‘yun ay pinag-isipan at may basehan,” say ni Direk Joel.
Ilan sa mga tinalakay sa political thriller film ay ang dayaan sa eleksyon, pagtatatag ng private army sa mga probinsiya at pagpatay sa mga peryodistang naghahayag ng isyu at katotohanan.
“No, 1 na ang Pilipinas pagdating sa media killings. Tinalo na natin ang Iran pagkatapos maganap ang Maguindanao massacre. Nakakabahala ang ganitong sitwasyon. Sana makatulong ang pelikulang ito sa pagmumulat ng kalagayan ng ating media people,” turan naman ng activist-writer na si Bonifacio Ilagan.
Matindi ang pagkakaganap sa kani-kaniyang papel nina Tirso Cruz III, Allen Dizon, Ina Feleo, TJ Trinidad and Luis Alandy. Special guest ang batikang broadcasters na sina Ms. Che Che Lazaro at Mr. Ted Failon bilang suporta sa advocacy ng pelikula.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield