MATAGAL NANG pumutok ang usaping lilipat na raw sa TV5 ang Kapuso actress na si Lovi Poe. Pero hindi pa rin ito kinumpirma ni Lovi o ng kanyang manager. Kaya naman, sa presscon ng indie movie tungkol sa buhay ng mga NPA na lumalaban sa diktadurya ng rehimeng Marcos at isa siya sa mga bida, inusisa namin si Lovi tungkol dito.
Palagi lang itong naka-smile at no comment lang ang sagot. Pero sabi niya, tapos na raw ang kanyang kontrata sa GMA at pinag-uusapan pa nila ng kanyang manager kung anong mga puwedeng plano para sa kanyang career.
Totoo rin kaya na siya dapat pala ang leading lady ni Richard Gutierrez sa bagong serye kaso hindi raw ito napunta sa kanya? Napunta raw ang role na ito kay Bella Padilla na ayon pa sa narinig namin, bagay na bagay raw dapat kay Lovi ang role. Ayaw rin naman niyang magkomento tungkol dito.
Pero sa usapin tungkol sa kanila ni Jake Cuenca, patuloy niyang pinanindigang magkaibigan lang talaga sila. Mas gusto daw niyang single siya at naka-focus sa trabaho.
Naku ha, parang puro pa-lihis ang sagot ni Lovi, ah.
ISA RIN sa mga bida ng bagong indie film si Jake Cuenca, kung saan gaganap siyang gay lover ni Joem Bascon. Kapwa sila NPA rito at nagkataong nasa ‘confused’ stage pa si Jake sa kanyang gender. Si Joem naman ay may-asawa na sa katauhan ni Lovi pero dahil sa madalas nilang pagsasama ni Jake sa mga operasyon sa bundok, na-in love din ito sa kanya. At dito na nila natagpuan ang kanilang mga sariling nagpapaimbulog sa tawag ng laman, tawag ng laman talaga, o!
Pero para kay Jake, wala raw siyang keber kung masyadong maselan ang kanyang karakter sa pelikula, ang mahalaga raw para sa kanya ay ang makatrabaho si Direk Joel Lamangan.
Hindi pa man daw niya nabasa ang script ay isang malaking yes na raw ang sagot niya sa produksiyon ng pelikula dahil ganu’n daw niya kagustong makatrabaho ang award-winning director.
Perfect material daw ang istorya nito para sa kanya dahil dito raw masusukat ang maturity niya bilang artista. Si Joem pala ang ipinalit kay Baron Geisler na hindi namin sure kung tinanggal o kusang umalis.
BUSY MAN sa kampanya, pinili raw talaga ni Dennis Padilla na mag-excuse muna sa mga barangay caucus nila last Thursday, April 11 dahil ito ang nakatakdang last shooting day ng pelikula nilang Raketeros.
Masaya rin ito dahil itong movie daw na ito ang nagsisilbing reunion nila ng magkakaibigan. Nagsisilbi rin siyang creative consultant sa pelikulang ito kung saan ang director nito ay si Randy Santigao. Papuri pa niya, magaling si Randy magdirek dahil malawak ang kanyang imahinasyon at malikot ang mga kamay pagdating sa camera shots.
Ipinagmamalaki naman ni Dennis ang anak na si Julia Barretto na kamakailan lang ay in-introduce bilang miyembro ng Star Magic Circle 2013. Kahit daw noong nag-extra-extra pa lang ito, nakitaan na daw niyang may ibubuga ang kanyang anak pagdating sa aktingan.
Dagdag pa niya, sa lalim daw ng pag-arte ng anak, maaaring siya raw ang susunod na Claudine Barretto ng ABS-CBN.
Pagdating naman daw sa mga magkakainteres na ligawan ang anak, may pakiusap naman si Dennis. Sabi niya, “Huwag n’yo na munang ligawan kasi bata pa ‘yun eh, 16 lang ‘yun eh, siguro ‘pag 18 or 19.”
Okay lang naman daw ang crush-crush lang muna pero huwag munang isipin ang pagseseryoso sa usaping pag-ibig.
Sure na ‘to
By Arniel Serato