HANDA NA BANG magpa-sexy si Lovi Poe?
Sabi ng scriptwriter na si Raquel Villavicencio, melodrama ang genre ng uumpisahang proyekto ng Legalas Entertainment, ang Pamilya Sagrado. Pero, naulinigan namin sa pag-uusap ng ilan sa production staff sa story conference para sa proyektong ito na ginanap sa Grilla Restobar ng Robinson’s Pioneer Street, mayroong kesyo paano ang effect ng shomod (semen) na kesyo hahaluan pa raw ng glue at ng kung anuman’ mayroong eksena raw si Emilio Garcia na kita ang wetpaks at ng kung sinumang isa pang character actor na magpapakita ng harapan.
In other words, ang pelikulang ito na maglulunsad kay Lovi ay mature na ang tema para sa young actress. Tinanong namin si Direk Joel Lamangan kung kinausap ba niya si Lovi tungkol sa mga limitasyon nito.
Ayon naman kay Direk, hindi raw niya tinatanong kung anu-ano ang limitasyon ng mga artista niya dahil hindi siya naniniwala sa paglilimita sa mga ito sa kaya nilang gawin. He has high hopes na ang tiwalang ibibigay ni Lovi at ng iba pa niyang mga artista ay sapat na para hindi ito magsitanggi sa kung anuman ang hinihingi ng script.
Sinabi naman ni Lovi na kung anuman ang ipagawa sa kanya, alam niyang kailangan ito sa pelikula. Matapang at buo ang loob ni Lovi para sa Pamilya Sagrado. Kasama na rito ang sinasabing love scene nila ni Felix Roco na ang intensity ay first time na ipo-project ng dalawang kabataang artista.
ISA KAMI SA mga napakaraming lumuha sa memorial service para kay Michael Jackson sa pamamagitan ng TV hook-up nito sa ABS-CBN. Isa sa mga anchors nito, si Gary Valenciano ay hindi napigilang maging emosyonal dahil alam ng local pop music fans kung gaano katindi ang impluwensiya ni MJ kay Gary bilang performer.
Sinabi ni Gary na ang pinaka-touching sa kanya sa buong coverage ay ang mga salitang galing mismo sa 11-year old daughter ni Michael na si Paris, kung gaano naging mabuting ama si MJ sa kanya ay ganoon niya ito kamahal. Talagang nadurog ang puso ng marami na mula sa isang batang nakaranas ng sakit sa pagpanaw ng ama, at napayakap na lang ito sa kanyang tiyahing si Janet Jackson.
For a lot of people, it’s very painful to realize na umabot pa si MJ sa pagyao para mapagtanto ang kanyang kadakilaan. A person is innocent until proven guilty. Never namang napatunayang guilty si MJ sa anumang akusasyon sa kanya noong nabubuhay pa ito, pero sagarang panghuhusga ang napala niya noong nabubuhay pa siya.
Sa buong memorial service rites, pinakadama namin ang sinseridad mula kay Brooke Shields. Kababata niya halos, palibhasa’y kapuwa sikat kaya ang pagde-date nila nang madalas noon ay pinagmulan ng mga isyu.
Pero, ang kasimplehan at pagiging totoong tao, sa likod ng mataginting na halakhak nito ay may hindi masukat na kalungkutang naiugnay ni Brooke sa paboritong awitin ni Michael, ang “Smile.”
Sa kabila ng kailanman, ang kaugnayan nina Brooke at Michael sa isa’t isa ay sa puntong personal, ni hindi sila nagsama kahit sa anumang music video, recording man, TV o pelikula. Dito namin masusukat na kung anuman ang namagitan sa dalawa, ito’y pagkakaibigang malalim at naka-relate talaga kami sa sakit na nararamdaman ng aktres.
Calm Ever
Archie de Calma