APRUBADO NA sa Kongreso ang batas para sa bagong umento sa sahod ng mga manggawa sa gobyerno. Ang Salary Standardization Law ay matagal-tagal na rin mula noong huling binigyan ng dagdag-sahod ang mga manggagawa sa gobyerno.
Ngayon ay hinihintay na lang ang bersyon ng Senado para tuluyan na ngang maisabatas ang bagong salary standardization. Ngunit marami ang hindi sang-ayon sa bagong anyo ng salary standardization.
Base sa itinatakda ng panukalang salary standardization ng bersyon sa Kongreso, malaki ang diperensiya ng pagtaas ng sahod ng mga bossing sa pamahalaan, kasama na ang ehekutibo, hudikatura, at lehislatibo, kumpara sa mga ordinaryong manggagawa ng pamahalaan gaya ng mga nurse at guro. 150% hanggang 200% ang itataas ng sahod ng presidente, senador, congressman, justices, cabinet secretaries, at undersecretaries sa mga ahensiya ng gobyerno. Halos sobra sa doble kung tutuusin ang itinaas ng mga sahod ng mga bossing. Samantala, nasa 20% hanggang 40% naman sa mga ordinaryong manggagawa.
Ang simpleng tanong ng marami ay bakit malayo ang diperensiya ng dagdag-sahod ng mga bossing at ordinaryong manggagawa? Tila luging-luge naman ang mga maralita sa mga taga-gobyernong bossing na lagi lang nakasakay sa kanilang mga SUV at hindi nakararanas pumila sa MRT o kaya ay sumakay ng bus sa EDSA. Kung sino pa ang mga mayayaman na ay sila pa yata ang tinaasan ng suweldo at hindi naman sapat para mabuhay man lang ng marangal ang sahod ng mga maralitang mangagawa.
MAYROONG 2 basehan ang hindi makatarungang diperensiya sa sahod ng mga executives ng pamahalaan kumpara sa mga ordinaryong empleyado nito. Una, kung paghahambingin umano ang sahod ng mga ordinaryong manggagawa sa pribadong sektor, gaya ng mga janitor, clerk, at iba pang low ranking positions sa mga taga-gobyerno, masasabing mas mataas na ang sahod ng mga kawani ng gobyerno. Kaya naman hindi na gaano ang itinaas ng sahod nila kumpara sa mga posisyong gaya ng sa mga administrador.
Ang mga administrador naman na nasa serbisyong gobyerno ay hindi hamak na napag-iwanan na ng mga CEO ng mga pribadong kumpanya. Kaya naman daw ang mga mahuhusay na administrador, abogado, accountant, at managers ay nasa mga pribadong kumpanya at wala sa gobyerno. Kaya halos doble sa doble ang itataas ng sahod ng mga ito sa bagong Salary Standardization Law para makahabol at maging competitive umano sa mga nasa private practice.
Hindi naman ako kumbensido dito, dahil una sa lahat ay ang mga executives sa gobyerno ay may mga raket din sa pribadong kumpanya bilang mga consultants. Marami nga sa kanila ay nasa gobyerno lang para magkaroon ng impluwensiya. Saka ang tunay na serbisyo sa gobyerno ay hindi para yumaman gaya ng sa mga nagpapayaman sa pribadong kompanya. Ang mga ordinaryong manggagawa naman sa pribadong korporasyon ay hindi dapat maging sukatan ng makatarungang pasahod para sa mga taga-gobyerno dahil kaapihan din naman ang inaabot ng mga ito sa mga kapitalistang sugapa sa pera. Marami sa kanila ay mga contractual lang at walang mga tamang benepisyo. Mga alila ang turing sa mga ordinaryong manggagawa sa pribadong sektor kaya hindi sila dapat gawing sukatan ng makatarungang pasahod.
LUMA NA rin ang temang gusto nilang gawing attractive sa mga executives na nasa pribadong sektor ang serbisyo publiko. Kung talagang tapat sila rito ay dapat mula sa pinakamababa ay taasan nila nang tama ang sahod. Kung aabot sa 200% ang taas ng suweldo ng presidente, dapat taasan din na 200% ang sa mga guro at nurse dahil sila ang mas nangangailangan ng dagdag sahod. Mayayaman na at maalwan ang buhay ng mga senador at kongresista kumpara sa buhay ng mga guro. Sila ang mas kailangan ng 200% porsiyentong taas ng sahod para hindi na sila pupunta sa ibang bansa.
Ang mga suweldo ng congressman at senador ay balewala nga sa kanila dahil mas malalaki pa ang budyet nila mula sa mga komite nila sa Senado at Kongreso. Marami riyan ay buwanan pa ang payola kaya bakit sila pa ang may mataas na porsiyento ng pagtaas. Samantala ang mga guro o nurse na tataas lamang ng 40-50 pesos kada araw ang kita kung susumahin ang 20-40% na increase ay kulang pa ito sa dagdag-perhuwisyo ng traffic sa araw-araw nilang biyahe.
Kung mag-aabsent ang isang guro o nurse sa pampublikong ospital nang sunud-sunod na araw ay tiyak na ang pagkatanggal nila sa trabaho. Ngunit kung ang kongresista na 3 o 4 na beses lang pumasok sa kamara sa buong termino nito ay ni hindi nababawasan ang suweldo ng mga hinayupak na ‘yan. Lugi talaga at kawawa ang mga ordinaryong manggagawa sa standardization law na pinanukala mismo ng pamahalaang Aquino. Ito na nga ba ang dulo ng tuwid na daan? Tila baluktot ito at hindi makatarungan.
Respeto sa buhay lang sana ang hinihiling ng mga ordinaryong manggagawa. ‘Yung tamang pasahod para mabuhay sila nang marangal. Huwag naman sanang ganito na garapalan kung malugi naman ang mga tunay na manggagawa ng bayan!
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo