TILA IBANG PNoy ang nasaksihan natin nitong panglimang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo. Naging madamdamin ang huling bahagi ng SONA ni PNoy nang manginig ang kanyang tinig na tila napaiyak nang balik-tanawin nito ang mga naiwang paalaala ng kanyang mga magulang.
Maraming nagsasabi na ang pagluha ni PNoy ay tanda ng kanyang sinseridad sa pagtatrabaho ng buong-loob bilang Pangulo ng bansa. Hindi rin naman natin kailan man pinagdudahan ang kalooban ni PNoy at ang sinserong pagtugon nito sa kanyang trabaho. Humahanga ako sa pagiging bukas ng Pangulo sa kanyang kalooban sa milyun-milyong mamamayang nanonod sa kanyang SONA.
Ang pagtuligsa ng inyong lingkod sa administrasyon ni PNoy ay hindi kailan man naging personal dahil alam kong mabuting tao si PNoy. Ngunit, ang hindi ko pinalalagpas ay ang mga pagkukulang ng ating Pangulo, lalo na ang kapalpakan ng kanyang mga tauhan sa gabinete. Sa artikulong ito ay nais kong balangkasin ang kanyang ibinahagi sa SONA at sa huli ay magbigay ng ilang kuru-kuro sa kung paano niya mas mapapaigi ang kanyang nalalabing dalawang taong panunungkulan.
ANG PANIMULANG bahagi ng SONA ay mga paglalahad ng kanyang nagawa, partikular sa ekonomiya ng bansa. Ang pag-unlad at malaking pagbabago sa TESDA, Conditional Cash Transfer, pagtaas ng Credit Ratings, P404 billion na halaga ng imprastraktura, pagtugon sa kakulangan sa mga baril ng kapulisan at sundalo, malaking pagbabago sa ahensya ng Customs at ang agarang pagtugon sa mga pangangailangan ng naging biktima ng bagyong Yolanda at muling pagbabangon nito.
Lahat naman siguro ng Pilipino ay natuwa sa mga nagawang ito ni PNoy, kabilang na po ang inyong lingkod. Ngunit, ang lahat ng ito’y hindi pa rin nakasasapat para masabing naisakatuparan ang karamihan man lang sa kanyang ipinangako sa bayan noong una niyang SONA. Partikular dito ang patuloy na kahirapang dinaranas ng mga kababayan nating nasa pinakamahirap na antas ng kabuhayan.
Ang malaking patunay rito ay ang mga survey na ginagawa para malaman ang kondisyong ekonomikal ng kababayan nating ito. Sa huling survey ng isang kilalang kompanya na nagdedetermina ng antas ng pamumuhay ng mga Pilipino, lumabas na sa unang bahagi ng taong 2014 ay mas marami ang mga Pilipinong nagsabing mas naghirap sila at inabot ng gutom.
ANG MAHIRAP maipaunawa sa karamihan nating kababayan ay sa kabila ng mga bilyun-bilyong paggastos para pasiglahin ang ating ekonomiya ay tila hindi sila inaabot ng kaginhawahang dapat ay kanilang natamasa. Nanatiling mataas ang bilang ng mga walang trabaho kaya’t sa kabila ng pananatiling mababa ng inflation rate sa average na 3% increase kada taon, ay hirap ang taong makabili ng kanilang pangangailangan.
Sa madaling salita ay kahit pa mababa ang presyo ng mga bilihin sa merkado sa loob ng apat na taong panunungkulan ni PNoy ay hindi pa rin makabili ng pangangailangan ang mga mahihirap dahil wala silang trabaho at kitang perang pambili at pangtustos sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Hindi rin naman natin maikakaila ang paglaki ng Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas na umabot sa 17% increase mula 4% sa unang taon ni Pnoy, na naging pangunahing dahilan kaya nanatiling mababa ang inflation rate sa loob ng 4 na taon.
Tila yata tumigil ang kaginhawahang dulot ng paglago ng ekonomiya ng Pilipinas, partikular ang GDP, sa mga middle income at upper class na mga Pilipino. Ang mga may regular na trabaho at mga mamumuhunan ang tunay na nagtamasa ng pag-unlad at konting kaginhawahan sa buhay. At ang malungkot ay dahil nanatiling maraming mahihirap ang walang trabaho, hindi nila naramdaman ang pag-unlad na ito ng ekonomiya. Dapat ay tutukan ng Pangulo ang paglikha pa ng maraming trabaho sa kanyang huling dalawang taon.
MULI RING ipinagtanggol ng Pangulo ang kanyang DAP. Ang hindi pagbanat ni PNoy sa Korte Suprema ay ikinatuwa rin naman ng marami dahil, ‘di gaya ng dati na isang mayabang at matigas na Pangulo, isang mababang loob na PNoy ang nakita natin sa SONA.
Hindi rin napigilang maging emosyonal ang Pangulo nang mabanggit niya ang mga katagang “Filipinos are worth dying for” ng kanyang yumaong ama na itinuturing na isang bayani at “Filipinos are worth living for” naman ng kanyang namayapang ina na kinikilala namang isang “icon of democracy” sa buong Asya. Ang idinagdagdag ni PNoy na tila nais niyang iwanan bilang tatak ng kanyang pagsisilbi bilang Pangulo ay ang katagang “Filipinos are worth fighting for.”
Sa aspetong ito ay papapurihan ko ang Pangulo sa kanyang sinseridad sa pakikipag-usap sa taong bayan. Makikita rin naman ang pagiging malinis at hindi kurakot ng Pangulo sa pagiging bukas ng kanyang administrasyon sa mga tala ng proyekto nito sa paggastos na matatagpuan sa website ng Department of Budget and Management.
SA ISANG banda ay mapalad na rin tayo na nagkaroon tayo ng isang malinis at hindi magnanakaw na Pangulo. Hindi gaya ng nakaraang administrasyon kung saan ang naging Pangulo ay nanatili sa napakahabang panahon at hindi man lang umunlad ang ating ekonomiya at pagpapayaman lamang sa sarili, mga anak at asawa ang inatupag.
Kaya sa ating pagpili ng susunod na Pangulo ay maging maingat tayo dahil baka mauwi na naman tayo sa kamay ng isang hindi karapat-dapat na politiko. Ipinaalala ni PNoy na ang dapat piliin ng taong bayan ay ‘yung kandidatong siguradong ipagpapatuloy ang kanyang nasimulang malinis na sistema ng pangangasiwa sa gobyerno at pagpapalago sa ekonomiya ng bansa.
Sa huli, binanggit ni PNoy na gaya raw ng sinasabi sa paaralan na “finish or not finish…pass your paper”. Tila pagpapahiwatig ito ng kanyang pamamaalam bilang Pangulo. Ang nalalabing dalawang taon ng Pangulo ay maiksi na lamang para matupad pa ang karamihan sa mga ipinangako nito. Siguro ang pinakamahalaga rito ay kung ginawa ba niya ang lahat ng kanyang makakaya para sa ikagaganda ng buhay ng bawat Pilipino. Ikaw, sa tingin mo? Ginawa ba niya?
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM, Lunes haSirnggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Tanghali news, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 pm sa TV5. Samantalang ang T3 Enforced naman ay mapapanood na sa bago nitong timeslot na 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes sa TV5 pa rin.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo