MALAKAS ANG ULAN nu’ng Miyerkules. Buhul-buhol ang trapiko kahit saan. Walang tigil ang pagtangis ng langit.
Maaga kaming nagsarado ng aming gallery hindi dahil sa takot na baka maabutan kami ng malakas na ulan, mababaw na malalim ang dahilan, manonood kami ng In My Life.
Noon pa namin sinasabi, mas masarap makipagkuwentuhan kapag alam mo ang paksa, ayaw naming maging tagapakinig lang sa kuwentuhan ng mga kaibigan naming nakapanood na ng pelikula.
Maganda na ang trailer ng In My Life, kumakaway na sina John Lloyd Cruz, Luis Manzano at ang Star For All Seasons na si Governor Vilma Santos para huwag nating palampasin ang kanilang obra, pero hindi pala du’n nagsisimula at nagtatapos ang lahat.
Ang huling tatlumpong minuto ng In My Life ay parang huling tatlong rounds ng boksing na hindi mo pipikitan, ihing-ihi ka na, pero hindi ka pa rin tatayo sa upuan mo para magpunta sa CR.
Matagal na naming hinahangaan ang talento sa pagganap ni John Lloyd Cruz, niregaluhan ng mga matang umaarte ang batang aktor na ito, pero ang naging rebelasyon para sa amin ay si Luis Manzano.
Napapanood kasi namin si Luis na pa-slang-slang sa kanyang pagho-host, coñong-coño ang anak ni Edu Manzano, kaya nu’ng malaman naming siya ang gaganap bilang anak na bading ng kanyang ina sa pelikula ay nagdadalawang-isip kami kung kaya ba niyang bigyan ng hustisya ang papel na ipinagkatiwala sa kanya ng Star Cinema.
Pero napahiya kami, totoo nga ang kasabihan na ang puno ng mangga ay hindi mamumunga ng santol, may pinagmanahan nga pala si Luis Manzano.
Du’n sa monologue niya sa park habang naglilitanya sa kanyang ina tungkol sa mga kabiguang hindi niya sinadyang ibigay dito ay katutok-tutok, mararamdaman mo na lang na nakikiiyak ka na sa kanya, pagkatapos ng eksenang ‘yun ay ibubulong mo na lang sa iyong sarili na magaling na aktor pala si Lucky.
Mula sa umpisang kuwadro hanggang sa kadulu-duluhan ay hindi humihiwalay sa kanilang character bilang mga bading sina JLC at Luis. Umaarte na sila, mahahabang litanya na ang kanilang bibinitiwan, pero ang aksiyon ng kanilang mga mata at kamay ay bading na bading pa rin.
WALA PA RING kakupas-kupas ang pagganap ni Governor Vilma Santos. Naisip lang namin, siya ang klase ng aktres na kahit luma at punit-punit na damit ang ipasuot mo sa kanya ay magmumukhang bago at nasa uso.
Hahalakhakan mo ang marami niyang eksena, pero makikiiyak ka sa mga pagkakataong natural na natural na niyang inilalabas ang kanyang kahenyuhan sa drama, puro singhutan ang maririnig mo sa sinehan sa mga eksenang ‘yun.
Liyebo singko na si Governor Vilma, pero hindi pa rin siya makakabog ng mga usong artista ngayon, pagdating sa pagbibitiw ng mahahabang linya at pagbibigay ng buhay sa karakter na ipinagkatiwala sa kanya ay hindi ka na magsasalita dahil papalakpakan mo na lang siya.
‘Yung eksena nila ni Luis sa park, markado ‘yun. ‘Yung pagpapalitan nila nang maaanghang na salita ni John Lloyd Cruz kung saan nanampal siya at sinampal din pabalik ng aktor, hindi kalimut-limot ‘yun.
‘Yung simpleng paghaharap uli nila ng kanyang nakahiwalay na asawang si Tirso Cruz III, halos walang mga dayalog ‘yun, pero nagsasalita ang mga mata ng Star For All Seasons sa eksena.
May mga eksena siyang maingay, pero mas mag-iingay naman ang pagsinghot mo sa madadrama niyang tagpo, mula noon hanggang ngayon ay karapat-dapat lang talaga siyang regaluhan ng koronang Star For All Seasons.
Matagal man siyang hindi gumagawa ng pelikula dahil sa sinumpaan niyang tungkulin bilang tagapamuno ng kanyang probinsiya, kapag nagdesisyon naman siyang humarap uli sa mga camera ay hindi nakapagsisising panoorin ‘yun, dahil nag-iisa lang talaga si Vilma Santos sa kanyang hanay.
Ang huling tatlumpong minuto ng In My Life ay hindi kailangang palampasin, nandu’n ang karne ng putahe, nandu’n ang mga eksenang maraming taon na ang lumilipas ay maaalala at hahangaan mo pa rin.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin