MAGDA-DALAWANG DEKADA NA palang kasal sina Batangas Gov. Vilma Santos at Sen. Ralph Recto sa susunod na taon. Pero bago sila ikasal noong taong 1992, pitong taon muna si-lang naging magkasintahan.
Sobrang generous daw ni Sen. Ralph kung regaluhan s’ya nito tuwing may okasyon, ayon sa gobernadora. Pero para sa kanya, hindi na raw gano’ng kahalaga ngayon ang mga materyal na bagay. Mas gusto n’ya raw na mag-travel silang mag-anak kung may pagkakataon para makapag-bonding at makapag-relax naman sila mula sa kanilang trabaho bilang public servants.
Sa totoo lang, kada may pagkakataon na makikita namin si Ate Vi, talagang napaka-simple n’yang manamit at mag-ayos, pero elegante pa rin ang kanyang dating. Sobrang gracious at accomodating n’ya rin sa kahit na sinong bumibisita sa kanyang opisina sa Batangas Provincial Capitol.
It’s always refreshing to meet and talk to Ate Vi.
Nakakatuwang laging dala pala ng Star for All Seasons araw-araw, kahit saan s’ya magpunta ang pinasadyang rosaryo ng kanyang mister na tila ginto na regalo nito sa kanya 15 years ago, nu’ng ipinagbubuntis pa lamang n’ya ang kanilang anak na si Ryan Christian. ‘Yun daw ang kanyang gabay sa araw-araw.
Masaya naman si Ate Vi pagdating sa lovelife ng kanyang panganay na si Luis Manzano. Naipakilala na nga sa kanya minsan ni Luis ang rumored girlfriend nitong si Jennylyn Mercado. Mukhang mabait naman daw si Jen (palayaw ng aktres), maganda at masayahin, sabi ng mommy ni Luis.
Kung saan daw maligaya ang kanyang anak kay Edu Manzano, du’n daw s’ya at suportado n’ya ito, at hindi n’ya pakikialaman, dahil alam n’yang matalino raw ang kanyang anak at responsable.
Naikuwento pa sa amin ng respetado at natatanging aktres na si Luis daw ang tanging gumastos sa pagpapaayos ng kanyang bahay sa Greenmeadows sa Pasig na nilambing nito sa kanya at ipinamana na n’ya.
Isang kama lang daw ang tanging ibinigay ni Ate Vi kay Luis bilang birthday gift nito nu’ng lumipat ang binata sa bagong renovate na bahay, na ayon pa sa kanya ay hawig sa kanilang bahay sa Ayala-Alabang.
Franz 2 U
by Francis Simeon