MATAGAL nang tinatanong noon si Luis Manzano kung may balak din ba siyang sundan ang yapak ng inang si Vilma Santos na mula sa pagiging sikat na aktres ay pinasok din ang pulitika. Si Vilma ay matagal na naging mayor ng Lipa at ngayon naman ay nasa Kongreso bilang representative ng 6th district ng Batangas.
Kung dati ay madiin ang pagtanggi ni Luis na may plano siyang pasukin ang pulitika, ngayon ay parang nag-iba na ang ihip ng hangin. Sa Facebook Live ni Luis kamakailan lang ay “wala pa” at “malay natin” ang sagot niya sa tanong ng netizen kung balak ba niyang kumandidato in the fututure.
Maganda ang naiwang legacy ni Cong. Vilma Santos sa Lipa at puwede niya itong ipagpatuloy kung kanyang gugustuhin. Puwede siyang maging mayor ng Lipa.
“Wala pa! Pero malay natin! Nakikita ko baka naman nasa horizon ang pagiging isang pulitiko dahil naniniwala nga akong lahat tayo meron tayong obligation o responsibility to serve, we have different capacities.
“Puwedeng from a simple act of service or puwedeng through public service talaga. Para sa akin, hindi ko isinasara ang pinto ko sa pulitika,” makahulugang pahayag ng Your Face Sounds Familiar host.
Patuloy niyang pahayag, “Pero ang tanong, ito ang pinakamagandang tanong — kung sakali bang tumakbo ako, iboboto niyo ba ako? May tiwala ba kayo sa akin pagdating sa boto ninyo? Yun ang pinakamagandang katanungan.”
Natuwa naman si Luis sa positibong reaksyon sa kanya ng netizens na nanonood ng kanyang Facebook Live.
Aniya, “Thank you very much. So far maraming nagtitiwala naman sa akin pagdating sa public service.”
“Gusto niyo ba?” tanong ulit ni Luis sa viewers. “Ang filing ng candidacy is October, kung hindi ako nagkakamali. October, puwedeng-puwede pang humabol kung sakali man.Tingnan natin kung tatakbo ako. Tingnan natin kung anong posisyon,” pahiwatig pa niya.