NAGING vocal ang Kapamilya actor/host na si Luis Manzano na minsan nang sumagi sa isip niya na lisanin ang magulong mundo ng showbiz.
Sa panayam sa kanya ng teen actress na si Francine Diaz ay inamin nito na may mga pagkakataon na naiisip niya na tumigil na sa showbiz at mamuhay na lamang ng tahimik.
“’Yung ibang mga tao talaga hindi alam kung papaano ang industriya. Ang nakikita ng mga tao most of the time ay ‘yung glitz and glamor na lang, the finished product. Ay, masarap mag-artista. Maganda ang income,” ani Luis.
Isplika ng Kapamilya host, “marumi” ang nagiging kalakaran sa industriya kabilang na rito kung paano pagtawanan ng mga tao ang mga artistang nasasangkot sa kontrobersya.
“Kung alam niyo lang kung gaano rin, I mean, hindi na ako magloloko, matanda na ako, kung gaano rin kadumi ang industriya, kung papaano talaga. People will never understand it. Akala nila madali tayong pag-usapan,” kuwento nito.
Ayon pa kay Luis, kung hindi malakas ang isip at puso ng isang artista ay agad itong titigil sa kanyang karera dahil madalas silang punahin ng mga kritiko at bashers.
“Yung mga ganyan na bumubuhos na ang mga negativities, mapapaisip ka rin talaga na, ‘Bakit ba hindi na lang ako mamuhay nang tahimik, nang normal?’” pag-amin pa niya.
Nang tanungin ng younger star ang kanyang senior sa showbiz kung bakit nanatili pa rin ito sa showbiz, sinabi ni Luis na iba rin ang pakiramdam na nakakapagpasaya ka ng ibang tao.
“You realize na iyong ibinigay sa atin na blessing ay hindi lahat ng tao nabibigyan ng ganitong pagkakataon. Na ngumiti ka lang sa camera, you take one picture kunwari nasa mall ka, may magpa-picture sa ‘yo, yung 10 seconds na ibibigay mo sa kaniya kung ano man ‘yung problema niya sa araw na ‘yun, makakalimutan niya nang dahil sa iyo,” dagdag nito.
Dahil dito ay mas nagiging kampante si Luis na manatili pa rin sa showbiz.
Maituturing na showbiz royalty si Luis Manzano, na unang nakilala ng publiko bilang ‘Lucky’. Anak siya nina Edu Manzano at Vilma Santos. Kahit na sabihin mo na mula sa showbiz family si Luis, ang kanyang natural talent sa hosting at comedy ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay in-demand host pa rin siya.