Lumang Simbahan

MAHIGIT NA sampung mayayabong at matatandang acacia trees ang natatandaan kong nakapaligid sa lumang simbahan. Umaga pa’y nagsisiyapan at nagkakantahan ang iba’t ibang uri ng ibon sa mga sanga at dahon. Kakaibang musika na nakaaayang pakinggan.

Isang siglo na ang edad ng simbahan, pinatayo ng mga Augustinian Friars nu’ng 1899. Ito’y nakatayo sa halos dalawang ektaryang lupa sa gitna ng aming bayan. Sa harapan ay ang town plaza na ang pinaka-center piece ay ang rebulto ni Gat. Jose Rizal at playground na may dancing waterfall.

Tuwing Sabado ng hapn, sa malamig na ilalim ng acacia trees, kami ng kababata ko ay mag-aaral ng katetismo.  Napakasayang alaaala. Ang instructor ay si Fr. Bernard, 52, isang Capuchin priest, tubong Pamplona, Spain. Napakahusay Managalog at higit dito, makarinyo at mabait. Sampung taon na siya sa bansa pagkatapos ng 20 taon sa South African Catholic misyon.

Naging espesyal ang pagkakaibigan namin ni Fr. Bernard. Pagkatapos ng kanyang 6:00 am na misa sa Sabado ng umaga, inaanyayahan niya akong mangisda sa Ilog Banadero na ‘di ka-layuan sa bayan. Kung ‘di mangingisda, nagha-hiking kasama ang aking dalawang alagang tuta – Marta at Senyang – sa ‘di kalayuang parang at burol.

Mga kuwento sa kanyang tinubuang Pamplona tuwina’y nagbibigay sa akin ng aliw. Nag-iisang anak ng mahirap na magsasaka, pinilit na pumasok sa kumbento dahil sa tinagurian niyang isang “tawag”. Mahusay siyang magdibuho ng kung anu-anong parol na kanyang pinamimigay sa mga Santacruzan sa bayan. Eksperto rin siya sa pagluluto ng Spanish cuisines lalo na ng callos at lengua.

Matagal-tagal na rin akong ‘di nakabibisita sa lumang simbahan. Pumalaot ako sa malaking siyudad upang hanapin ang katuparan ng aking pangarap. ‘Di ko alam kung naroon pa si Fr. Bernard o kung buhay pa siya.

Subalit sa aking alaala, buhay siya. Paminsan-minsan sa aking panaginip, nakakatagpo ko siya. Habang ang mga huni ng ibon sa acacia tree ay humuhuni pa sa aking tenga, nagdadala sa isang kahapong hitik ng dalisay at ganda.

SAMUT-SAMOT

 

ANG EUPHORIA kay Dolphy ay naglaho na. Konti na lang sa tri-media ang bumabanggit sa kanya. Mabuti na rin para mabigyan ng breathing space ang kanyang mga naiwan. Sa kasaysayan, nakaukit na ang kanyang alaala. There’s only one Dolphy. May he finally rest in peace.

HITIK NA ng buko ang makopa at duhat na itinanim ko 5 years ago sa munting farm ko sa Alabang. Tuwing linggo, libangan kong pagmasdan ang lumalaking buko. Bago mag-Pasko, maaari na akong umani ng ilang kaing bunga. Simula pagkabata, hilig ko na ang pagtatanim. Ngayong at semi-retired na ako, maaaring maasikaso ko na ang aking hilig.

ANG PLUNDER case laban kay GMA ay airtight. Ang kaso ay tungkol sa diumano’y paglustay ng P369-M pondo ng PCSO. Kung nabigyan man ng bail si GMA sa poll sabotage case, sa kasong ito, balik Veterans Hospital siya. Kasamang maghihimas ng rehas ay sina Manoling Morato, Ray Roquero at Joe Taruc, past PCSO directors. Balita, may iba pang plunder cases ang ibabato kay GMA.

ANG STEM cell treatment ay nasa mga pahayagan na naman. Napabalita ng nakaraang buwan si dating Pangulong Erap ay sumailalim nito sa Germany. Iba pang napabalita ay sina SP Juan Ponce Enrile, Danding Cojuangco, Ernie Maceda at Manuel V. Pangilinan. Ang treatment ay tinaguriang miracle treatment of the century. Subalit ang science na ito ay ino-oppose ng napakara-ming sektor worldwide. Lalo na mga multinational pharma firms at prominent doctors.

NUMBER 1 venue ng sports at entertainment ay MOA Arena sa Pasay City. Goodbye, Araneta Coliseum. State-of-the-art facilities at technology. Dito sa venue ng UAAP. Nakaraang buwan, concert ni Lady Gaga. Wide parking, space at assured safety.

NAKATUNAW-PUSO ANG memorial services na ginanap para sa 12 biktima ng pamamaslang sa Aurora, Colorado. Very senseless killing! Dalawang Pinoy ang kasama sa biktima. Dapat higpitan ang issuance ng gun permit o pagbibili ng baril. Sa U.S. para ka lang bumibili ng kendi pag bili ng anumang weapons.

PAGGISING KO sa umaga, pasalamat ako sa Diyos sa biyaya ng bagong buhay. Pasalamat ako sa kalusugan at katiwasayan ng aking pamilya lalo na dalawa kong apo. Lahat-lahat, napakabuti ng Diyos sa aming buhay. ‘Di akalaing makaabot ako ng ganitong edad, nakapagtayo ng isang bahay at nagpatapos ang aking kaisa-isang anak. ‘Pag iyong pinagdasal, ibibigay. Ngunit gawin mo ang iyong tungkulin, magsipag, matiisin at lumakad sa tuwid na daan. Ang buhay sa mundo ay napakaikli. Dapat samantalahin lahat ng sandali at oras sa kabutihan at pagmamahal sa kapwa. Umiinit na ang UAAP season. Early favorites—Ateneo, La Salle, FEU at UST – ay coming true to form. Ngunit Ateneo pa rin ang team to beat. Dagsa lagi ang manonood sa laban ng Ateneo-La Salle. Grabe ang kumpetisyon ng dalawang koponan. Laging sold-out ang tickets.Ni sa black market, wala kang makuha.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articlePinoy Parazzi Vol 5 Issue 106 August 22 – 23, 2012 Out Now!
Next articleSindikato sa NBP

No posts to display