HABANG LUMALAPIT ang May 2016 Election ay unti-unti nang lumalabas ang marurumi at lumang taktika sa pamumulitika. Una na sa listahan ang paninira sa pagkatao ng isang kalabang kandidado. Batuhan ng putik ang mas kilalang tawag dito.
Si Pangulong Aquino, halimbawa ay siniraan noong panahong tumatakbo siya sa pagkapangulo. Ginamit ang record umano ni PNoy sa Ateneo De Manila hinggil sa pagiging isang special child nito noong nag-aaral pa siya.
Halos pareho rin lang ang tema ng pag-atake kay Senator Miriam Defensor-Santiago noong kumakandidato siya sa pagkapangulo noong 1992. Ipinalabas din ang diumano’y record ni Santiago na nagkaroon siya ng sakit sa katinuan. Sobrang katandaan at pag-uulyanin naman ang ginamit laban kay former Senate President Jovito Salongga nang lumahok siya sa laban pagka-pangulo noong 1992.
Ngayon, kung anu-ano ang mga ibinabatong akusasyon kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte at kay Senator Grace Poe na ginagamit ng kanilang mga kalaban para pabahuin ang kanilang pangalan at pabagsakin ang kanilang mataas na rating sa survey na ginagawa para sa 2016 election para sa karera ng pagka-pangulo.
HATI ANG opinion ng mga eksperto sa legal na usapin patungkol sa mga puntong inilabas laban kay Poe. May katotohanan man o wala ang mga alegasyong kulang si Poe ng residency requirement para tumakbo sa pagka-pangulo at ang bintang na hindi siya tunay na Pinay, tila mababaw ang mga ito, gasgas na at ang tunay na layunin ng mga nang-iintriga ay siraan lamang ang senadora.
Ang hindi pa natututunan ng mga pulitiko at paulit-ulit lang sila sa lumang taktika nila ng paninira, na mababaw naman, ay ang ugaling Pinoy na kumakampi sa mga inaapi at sinisiraan. Kaya rin naman siguro nanatiling nangunguna si Vice President Jejomar Binay sa mga surveys ay dahil walang puknat ang mga atake ng ilang mga senador sa kanya na nagsimula noong nakaraang taon pa.
Dapat siguro ay tigilan na rin ng kampo ni Binay ang paninirang ito kay Sen. Poe, dahil habang ginagawa nila ang mababaw na paninira kay Sen. Grace Poe, lalong sinusuportahan ng mga Pinoy ang api-apihang bida. Tandaan natin na anak siya ng pinakasikat na bida sa pelikulang Pilipino at pinaniniwalaang tunay na nanalo noong 2004 presidential election, ang “The King” na si Fernando Poe Jr.
MAY POSITIBO ring dulot ang lumang taktika sa pulitika. Ito ang tambalan ng mga inaapi at sinisiraan. Nakikita ko na ang dalawang puwersa na tinatapunan ng putik ng mga kalabang ay ang magiging pinakamalakas na kandidato.
Ang katanyagan ni Duterte sa pagpapaganda at pagpapatahimik ng Davao at ang galing at kalinisang loob ni Poe ang tambalang hindi matitibag ng kahit anong paninira at kalaban sa 2016 presidential election.
Kapwa ang dalawa ay nagpahayag noon na hindi sila tatakbo ngunit sa kabila nito’y inaasahan pa rin sila ng mga tao na tumakbo dahil matataas ang kanilang survey scores. Ibig sabihin ay maaari pa itong tumaas sa oras na magpahayag na sila ng intensyon na tumakbo sa eleksyon sa pagka-presidente. Galit ang mga tao sa trapo (traditional politicians) at sa mga atat tumakbo sa eleksyon, kaya mahalaga silang dalawa sa masa. Bukod sa hindi sila atat na tumakbo sa puwesto ay hindi rin sila trapo.
ANG MGA estilong ito sa pulitika ay nakaugat na yata sa ating kultura. Ang tanong lang ay kung nakabubuti ito sa ating lipunan at bansa. Ang bansa natin ay matagal nang pinamumunuan ng mga lider na bunga ng lumang estilo sa pulitika. Kaya naman hanggang ngayon ay isa pa rin ang Pilipinas sa mga mahihirap na bansa sa Asia o mas kilala sa tawag na 3rd world countries.
Taun-taon na lang ay mayroong mga nagpipiket, nagproprotesta at nagsasampa ng kaso sa opisina ng Sandiganbayan dahil patuloy pa rin ang pag-upo sa puwesto ng mga magnanakaw at masasamang pulitiko na bunga ng lumang estilo sa pulitika. Panahon na para wakasan ito.
Kaya nating maging maunlad na bansa at magaganap ito kung babaguhin na natin ang lumang estilong ito sa pulitika. Ang pagtanggap ng pera kapalit ng boto ang pinakaluma at bulok sa mga estilo nila. Ngunit, bahagi ang maraming tao sa lumang estilong ito kaya nasa sa ating mga kamay ang pagpili sa pagbabagong nais natin makamit.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am – 12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 – 5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-5536 at 0917-792-6833. Maaari ring magsadya sa aming action center na matatagpuan sa Unit 3B Quedsa Plaza Bldg., Quezon Avenue corner Edsa, Quezon City.
Shooting Range
Raffy Tulfo