Lumaya na sa “Buyon” si Chua

HINDI NATIN MASISISI ang taumbayan kung magduda na pinatakas mula sa Maximum Security compound ng Bilibid noon pang 2004 ang Taiwanese drug lord na si Tsai Jung Shui alyas Frank Chua.

‘Yan naman talaga ang unang papasok sa isipan ng kahit sinong walang alam sa kalakaran sa oblo.

Pero kung talagang mag-iimbestiga ang mga kongresista o mga senador hinggil sa pangyayari, dapat subukan nilang itanong sa kanilang mga resource person kung pamilyar ba sila sa terminong “laya sa buyon”.

Sa Bilibid, parekoy, maraming termino ang hindi basta unawa ng mga taong laya.

Gaya na lamang ng tarima (headcount o higaan), siwil (lakwatsa), kulturero (tagaulat ng pangkat), takal (parusang-palo), balukol (pangingikil), buyon (kubeta), kwerna (walang tatak), rancho (pagkaing rasyon) at kung anu-ano pa.

Sampol… Kulturero, ‘yung isa nating kwerna walang ginawa kundi puro siwil, magtatarima na lang ni hindi pa nalilinis ang kanyang tarima, puro pa balukol ang lakad dahil nakasanla na ang kanyang rancho, dapat d’yan takalan na o kaya palayain sa buyon!

Gets mo ba, parekoy? Hehehe!

Ang ibig sabihin ng “laya sa buyon” lalaya na ang isang bilanggo pero hindi sa gate ng Bilibid dadaan kundi sa buyon!

Kahit bisitahin ngayon, parekoy, ang mga kubeta ng bawat brigada sa Maximum, malalaki ang butas, ibig sabihin. maluwag ilusot ang ulo ng tao!

Na kapag inatado ang isang bilanggo at ibinuhos ang bawat parte ng katawan ng paisa-isa sa buyon ay tiyak na walang bakas na maiiwan.

At titiyakin ko sa inyo, parekoy, hindi magiging palasak sa Bilibid ang terminong “laya sa buyon” kung hindi napakaraming beses na itong naganap… sa mga pasaway sa loob!

Tandaan natin, noong 2004, kapanahunan ng paglilinis ni Gen. Santiago dahil nga nagkabistuhan na mayroong lutuan ng Shabu sa Maximum.

Kung palalawakin lamang ang imbestigasyon kung bakit sobra ang laki ng mga butas ng bawat buyon sa kada brigada ng Maximum, at dahil may mga bilanggo na akala mo ay pasiwil-siwil lang pero nagtatawiwit (daldal) na pala, kapag ang presong ito ay napagdudahan ng kanyang kasamahan, ay tiyak na lalaya sa buyon.

At marami na silang mga lumaya sa buyon… pati si Chua?

INAANYAYAHAN ko po kayo na makinig sa aking radio program na ALARMA KINSE TRENTA, Lunes-Biyernes, 6-7 am sa DZME o kaya ay mag-log-on sa www.dzme1530.com o mag-e-mail sa [email protected]  o mag-text sa 09152121303.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articlePaano magdemanda laban sa employer?
Next articleCritic’s Glamour Girls

No posts to display