Lungkot sa Nueva York

EWAN KUNG BAKIT wala na akong ganang ma-ngibang-bansa. ‘Di dahil halos tatlong beses ko nang nalibot ang buong mundo nang ako’y naglilingkod pa sa maraming kapasidad sa pamahalaan. Wari ko ay dahil sa isang uri ng kalungkutang mararamdaman ko pag-alis ng ating bansa sa edad na 68 anyos. Ano ang kalungkutang ito? Huli kong nakita ang Nueva York nu’ng 1999. Kasama ako sa official entourage ng Pangulong Erap sa kanyang working visit sa Estados Unidos. Una at huli kong biyahe ito sa Nueva York na tumagal nang mahigit na isang linggo.

Sa mga nagtataasang skyscrapers at kinang at luningning ng mga ilaw, para akong isang munting musmos na naligaw sa mahiwagang paraiso ng ibang kabihasnan. Tubong bukid ako, mula sa isang salat na pamilya ngunit sa awa ng Diyos at pagsusumikap ay nagtagumpay sa mga pangarap. Unang gabi ko sa siyudad, deliryo ako sa excitement at galak. Pagtalik ko sa aking mamahaling Peninsula Hotel suite, buong umaga kong pinagmasdan ang mararating ng mata ko sa siyudad. Parang tambol ang aking dibdib. Nag-aapoy lahat ng ugat sa aking katawan.

Ngunit may isang uri ng kalungkutan ang naramdaman ko sa Nueva York na saka lang naisaisip pagkaraan ng ilang taon. Parang makinang walang hinto ang daloy at agos ng tao. Halos lahat ay nagmamadali, tumatakbo, humahangos sa iba’t ibang patutunguhan. Bakit ako nalungkot? Ganyan ang modernong siyudad; lahat humahangos walang pakialamanan, kanya-kanya. ‘Di gaya sa nilakihan kong bukid o kahit sa matao at modernong Kamaynilaan. May init pa rin ng katauhan, ngiti at pagmamalasakitan.

Ewan ko, baka masyado lang akong sensitibo, o emotional o isang sentimental fool dala marahil ng pag-usad ng katandaan. ‘Pinas pa rin ako. Subalit gustong magbiyahe sa Europe. Iba ang travel fascination dito. Walang katapusan kahit magpabalik-balik ka taun-taon.

Paborito ko ang Geneva, Switzerland, Vienna, Austria at Germany. Matalinhagang mga bayan. Hitik sa mga makaputol-hiningang tanawin at kalikasan. ‘Yon lang, napakamahal ng bilihin at magastos sa restaurant at hotel.

SAMUT-SAMOT

KAMAMATAY LANG NG kanyang ama nu’ng nakaraang February, ang kaibigan kong si Ryan ay sumailalim sa maselang brain tumor operation kamakailan. Mabigat na pagsubok. Ang buhay ay punung-puno ng suliranin at hamon. Kailangang kapit at pananalig sa Maykapal. Let’s pray for his speedy recovery.

MAY GININTUANG PUSO sa kapus-palad si Diether Ocampo. Marami siyang tinutulungang orphanages at home for the aged na nililihim n’ya. Ngunit good news travel fast. May his tribe increase!

ANG MEDIA WAR ni Gov. LRay Villafuerte at Deputy Housespeaker Noli Fuentebella tungkol sa paghati ng Camarines Sur ay tila lumalamig na. Sa Senado dadako ang bakbakan. At kung aprubahan ng Senado ang HouseBill 416, isang plebiscite ang gaganapin sa lalawigan. Malinaw na panalo si Villafuerte sa kontrobersiya. Sa maraming surveys, namamayani ang NO sa paghati. Dapat lang. Congrats, LRay!

SAAN NA PATUNGO ang industriya ng pelikulang Pilipino? Pinulot na ito sa kangkungan: Susunod sa pusali. Mga takilya nilalangaw. Ano ang dahilan? Pag-isipan ang suliranin. Kaya pa kayang buhayin? Aber, Senators Jinggoy at Bong.

MARAMING NAGTATANONG KUNG bakit si Senate Majority Floor Leader Tito Sotto ay lumalabas pa sa Eat… Bulaga!. Wala namang batas na nagbabawal. Subalit sana si Senator Sotto na ang magbawal sa sarili niya. Sa tingin ng iba, degrading ito sa institusyon na pinaglilingkuran niya. Ang pagse-senador ay isang seryosong tungkulin. Walang katawa-tawa rito gaya ng pagpapatawa niya sa TV program. Tawag-pansin lang.

ARAW-ARAW, ISA KONG mithiin ang makatulong sa mga nangangailangan. Ito ay dapat tatak ng bawat Kristiyano.  Nagagalak ako na ako ay nabigyan ng pagkakataon na makatulong sa isang kapwa kamakailan. Hindi ko na babanggitin ang kanyang pangalan. Nakilala ko siya sa isang malaking hotel sa Ortigas. Humanga ako sa kanyang kagandahan at katalinuhan at kasipagan bilang isang all around service staff. Nalaman ko na tila hindi patas ang kanyang sinasahod kumpara sa napakarami niyang tungkulin. Sabi ko, sayang ang batang ito na may malaking potensiyal na magtagumpay sa buhay. Salamat at natulungan ko siya sa isang gawain na bagay sa kanyang karanasan at pinag-aralan. Nakatataba ng puso ang pagtulong. Tumataba ang puso tuwing maalaala ko siya. Hello, Jenny!

MALAMIG NA ANG haplos ng hangin lalo na sa ma-daling-araw, ang Pasko ay ilang tulog na lang. Ganyan din ang Bagong Taon. Parang kislap ang kidlat ang panahon. Ano ang ating hinaharap sa 2012? Pag-lingon natin sa lilipas na taon, ano ang dapat nating pasalamatan? Ang buhay ay parang agos. Tuluy-tuloy ang daloy hanggang sa makaabot sa naghihintay na dagat. Kailangan bawat minuto ng ating buhay ay iukol sa paggawa ng mabuti sa ating kapwa at sa bayan. Buksan ang palad sa mga mahihirap at na-ngangailangan.

LANSONES SEASON NA naman. Wala nang tatalo sa katamisan ng lansones sa San Pablo, Laguna ang

aking tinubuang bayan. Dangan lamang paunti na nang paunti ang naha-harvest sa aking lansones farm dahil sa masamang klima at laging pagbagyo. Sana’y maging mabuti ang harvest sa taong ito.

Quote of the Week:

The Hitch

I heard this story about a man who was elated with a satellite disk he bought for only 5,000. The disk when connected to his television set would give him access to unlimited satellite-fed programs.

There was one hitch though: he had to direct the dish toward the exact location of the satellite, and for that he needed to buy a telescope that costs about 50,000.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articlePaulo Avelino, sobrang break ang ibinibigay ng Dos!
Next articleTinatapos lang ang kontrata sa The Buzz Charlene Gonzales, susunod na kay Aga Muhlach sa TV5!

No posts to display