Lupa ko, inangkin ng gobyerno

Dear Atty. Acosta,

MAY LOTE PO ang nanay ko sa Isabela. Ginawa po itong sementadong daan na proyekto po raw ng mga barangay officials doon, ngunit ang masaklap po nito ay wala kaming kaalam-alam na gagawin itong daan. Ang sukat po ng lote ay 240 square meters. Wala po sanang problema kung hinati nila iyong lupang gagawing daan, ngunit ang kabuuan po nito ang ginawa nila.

Ano po ang dapat na solusyon dito, at saan po kami lalapit? Ano po ang maaari naming ikaso sa kanila kung sakali?

Daniel

Dear Daniel,

MAYROONG KARAPATAN AT kapangyarihan ang isang estado para kuhanin o kumpiskahin ang mga pribadong lupain o ari-arian at gamitin ito sa pampublikong proyekto o gawain. Ito ang tinatawag na “Power of Eminent Domain” ng isang malayang estado o bansa. Ang nasabing kapangyarihan ay likas at hindi nangangailangan ng isang positibong probisyon sa isang konstitusyon o batas para magkaroon ng bisa. Subalit ang pagkuha sa pribadong ari-arian ay hindi basta-basta na lamang magagawa nang hindi naaayon sa prosesong itinatakda ng batas. Dagdag pa rito, dapat mayroong karampatang kompensasyon ang may-ari bago kuhanin ang kanyang lupain o ari-arian.

Sa ating bansa, ang kapangyarihan para magkumpiska ng mga pribadong ari-arian para gamitin sa pampublikong gawain ay nakalagak sa lehislatura o sa ating mga mambabatas. Subalit maaari nilang atasan at ipagawa ito sa ibang sangay ng gobyerno, sa pamamagitan ng paggawa ng isang batas na nag-uutos dito.

Gayun din, sa pagsasagawa ng pagkuha sa pri-badong ari-arian, dapat ito ay naaayon sa itina-takda ng batas. Partikular na rito ang “Rule 67” ng “1997 Revised Rules of Court” na nagsasabing ang pagkuha o pagkumpiska ng pribadong ari-arian ay maaaring gawin sa pamamagitan ng paghahain sa hukuman ng kaukulang kaso. Kung saan, dapat na nakasaad sa reklamo ang partikular na ari-ariang nais kuhanin, mga apektadong tao o ang may-ari at ang layunin sa pagkuha nito. (Sec 1, Rule 67, 1997 Rules of Court) Magkakaroon ng pagdinig sa nasabing kaso at sa sanda-ling napatunayan na lehitimo ang layunin ng pagkuha sa nasabing pribadong ari-arian at mayroong kapangyarihan ang naghain ng kaso para gawin ito, maaari nang magbaba ang korte ng kautusan na nagpapahintulot sa nasabing pagkuha o pagkumpiska, kasabay ng pag-uutos na bayaran ang may-ari.

Subalit, lumalabas na ang mga nabanggit na proseso ay hindi nasunod nang sapilitang kamkamin ang inyong lupa at gawin itong sementadong kalsada. Ang mga opisyales ng barangay na nagkumpisa sa inyong lupa ay hindi otorisado o walang kapangyarihan para gawin ito. Ayon sa Section 19, R.A. 7160 o ang “Local Government Code of 1991”, ang isang lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng “local chief executive” nito, ay maaaring gumamit ng kapangyarihan upang sapilitang kumuha ng pribadong ari-arian para magamit sa kapakanan ng publiko o sa pampublikong gawain. Kaakibat ng nasabing kapangyarihan ay ang obligasyong bayaran ang may-ari dahil dito.

Ganun pa man, hindi maaaring gamitin ng lokal na pamahalaan ang nasabing kapangyarihan hangga’t hindi ito nakikipag-usap sa may-ari upang mag-alok ng kaukulang kompensasyon kapalit ng kanyang ari-arian. Kung ito ay tatanggihan ng may-ari, dito pa lamang maaaring gamitin ng lokal na pamahalaan ang kanyang kapangyarihan upang sapilitang kuhanin ang nasabing ari-arian. Sa madaling salita, kayo ay dapat munang kinunsulta o tinanong man lamang tungkol sa kanilang paggamit ng inyong lupa.

Kaugnay nito, kung ang ari-arian ninyo ay sapilitang kinumpiska ng hindi dumadaan sa tamang proseso, tungkulin ng hukuman na ibalik ito sa inyo. (Santos vs. Director of Lands, G.R.No. 6958, March 29, 1912, 22 Phil 424) Ganun pa man, kung hindi na posible ang pagbabalik nito sa inyo, maaari kayong humingi ng makatarungang kompensasyon para mabayaran ang inyong lupa at ano mang danyos na idinulot nito sa inyo. Upang maisakatuparan ang lahat ng ito, kayo ay dapat na magsampa ng kaukulang kaso sa korte.

Let us watch Atty. Persida Acosta at “PUBLIC ATORNI”, a reality mediation show every Thursday after Aksyon Journalismo at TV5.

Atorni First
By Atorni Acosta

Previous articlePinagtatawanan lang tayo ng China
Next articleHamon kay presidente

No posts to display