Dear Atty. Acosta,
NAIS KO pong isangguni sa inyo ang problema ng aking mga magulang. Noong 1990 ay isinangla ng isa kong kapatid ang lupa ng mga magulang ko. Mayroon kaming nakitang special power of attorney na mayroong animo’y lagda ng aming ina at thumb mark ng aming ama. Marunong pong sumulat at bumasa ang nanay ko ngunit hindi po siya nakakaintindi ng Ingles. Ang tatay ko naman, bagaman nakakaintindi ng Ingles, ay paniguradong hindi pipirma kung alam niyang pagsasangla pala iyong pinipirmahan niya. Taong 1998 po ay pumanaw ang aming mga magulang. Ang nais ko pong malaman ay kung mayroon pa ba kaming karapatan sa nasabing lupa? Mababawi pa ba namin ito?
Zenaida
Dear Zenaida,
SA PANAHONG ito na parehong wala na ang inyong mga magulang, tila magiging mahirap nang alamin kung totoong intensyon nilang isangla ang kanilang lupa at kung totoo bang ninais nilang ibigay ang awtoridad sa inyong kapatid upang isangla ito. Bagaman ginawa ang special power of attorney sa salitang Ingles, hindi ibig sabihin nito na hindi nila alam o naintindihan ang kanilang nilagdaan. Maaari namang ito ay naipaliwanag sa kanila sa wika o diyalekto na alam nila at malaya pa rin nilang ibinigay ang kanilang pagsang-ayon sa nasabing pagsasangla. Sa kabilang banda, mayroon din namang posibilidad na hindi nila tunay na lagda at thumb mark ang nakalagay sa nabanggit na awtoridad.
Ang mainam na magagawa mo ay ang humanap ng mga sapat na dokumento na naglalaman ng orihinal na lagda at thumb mark ng inyong mga magulang upang maikumpara ito sa nakalagay sa binanggit mong special power of attorney na ibinigay ng inyong kapatid. Kung tunay at tugma ang lagda at thumb mark ng inyong mga magulang, kailangan ninyong bigyang-galang ang kanilang naging desisyon na isangla ang kanilang lupa. Subalit kung nais ninyong mabawi ang nasabing lupa, kailangan ninyong bayaran ang napagkasunduang halaga ng pagsasangla at interes, kung hindi pa lubusang nareremata (foreclosed) ang lupa ng inyong mga magulang.
Sa kabilang banda, kung mapatunayan mo na hindi iyon ang lagda at thumb mark ng inyong mga magulang, maaari mong ipawalang-bisa ang kasunduan ng pagsasangla sapagkat, bilang isa sa mga tagapagmana ng inyong namayapang mga magulang, maaapektuhan ang iyong karapatan kaugnay ng iyong parte sa nasabing lupa. Maliban dito, nakasaad sa ating batas na upang maisangla ng isang tao ang isang bagay katulad ng lupa, kailangan na siya ang nagmamay-ari nito. Kung hindi niya ito pagmamay-ari, kailangan na siya ay binigyan ng legal na awtoridad (special power of attorney) ng may-ari upang isangla ito. (Artikulo 1878, Civil Code of the Philippines) Samakatuwid, kung hindi tunay ang kanilang lagda at thumb mark ay walang-bisa ang special power of attorney ng iyong kapatid. At dahil dito, walang magsasabing wala ring bisa at hindi balido ang kasunduan na namagitan sa kanya at sa kanyang pinagsanglaan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta