Lupang Gustong Ibigay

Dear Atty. Acosta,

MAYROON PONG lupa ang aking tiyahin na nais niyang ibigay sa akin. Ano po ba ang dapat gawin upang mapunta sa akin ang lupang ito?                                                                                                                                     

Tany

 

Dear Tany,

ANG IYONG tiyahin ay may karapatan na gawin ang anumang kanyang naisin sa kanyang lupa nang walang limitasyon maliban na lamang sa mga limitasyon na isinasaad sa batas (Article 428, Civil Code of the Philippines). Bilang legal na may-ari nito, maaari niyang ibigay ito sa iyo o sa sinumang kanyang naisin. Maaaring ipagkaloob sa iyo ng iyong tiyahin ang kanyang lupa sa pamamagitan ng donation. Ang donation ay isang paraan kung saan ang pagmamay-ari ng isang bagay ay inililipat sa isang tao na tumatanggap nito nang walang halagang binabayaran (Article 725, Civil Code of the Philippines). Maaaring ang kabutihang naipakita sa kanya ng taong kanyang pagbibigyan o tanging kagandahang loob lamang o liberalidad ang maituturing na konsiderasyon sa pagbibigay ng donasyon.

Maaaring ibigay sa iyo ng iyong tiyahin ang kanyang lupa sa pamamagitan ng isang pampublikong dokumento o Deed of Donation, kung saan malinaw na nasasaad ang deskripsyon ng lupa na kanyang ibibigay sa iyo. Kinakailangan mo ring tanggapin ang naturang donation sa isang hiwalay na pampublikong dokumento o sa mismong Deed of Donation na isinagawa ng iyong tiyahin. Kinakailangan mong tanggapin ang nasabing donation habang nabubuhay pa ang iyong tiyahin.

Upang mailipat naman sa iyong pangalan ang titulo ng lupang ibibigay sa iyo ng iyong tiyahin, kinakailangan mong magtungo sa tanggapan ng Registry of Deeds kung saan naroroon ang lupa ng iyong tiyahin at ibigay ang Deed of Donation at ang pampublikong dokumento kung saan mo tinanggap ang donasyon. Ito ang magiging batayan ng Registry of Deeds upang kanselahin ang titulo sa pangalan ng iyong tiyahin. Kapag nabigay mo na ang mga nasabing dokumento at nabayaran mo na ang mga nararapat na buwis at iba pang opisyal na fee na dapat mong bayaran ay maipapangalan na sa iyo ang titulo ng lupa.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleMga Barbaro Pa Rin!
Next articleVictim of Mistaken Identity!

No posts to display