Dear Atty. Acosta,
MAAARI PO BANG ibenta ng taong pinagsanlaan ang lupang isinanla sa kanya? – Cerilla
Dear Cerilla,
HINDI PO MAAARING ibenta ng taong pinagsanlaan ang lupang isinanla sa kanya. Malinaw na nakasaad sa ating New Civil Code ang pagbabawal sa taong pinagsanlaan ng lupa na ibenta ang lupang isinanla sa kanya. Nakasaad din sa ating New Civil Code na ano mang kasunduan na ibenta ang lupang isinanla kung sakaling hindi makapagbayad ng utang ang taong nagsanla ay void o walang bisa (Article 2088, New Civil Code of the Philippines). Ang kasunduan sa pagbenta (contract of sale) ay isang kontrata sa pagitan ng nagbebenta o seller at mamimili o buyer. Upang magkaroon ng bisa o maging valid at binding ang kasunduan sa pagbenta, kinakailangan na ang nagbebenta o seller ang tunay na may-ari ng ari-ariang ibinebenta (Article 1459, New Civil Code of the Philippines). Ang nagbebenta o seller ay may tungkuling ilipat ang pag-aari ng ari-arian sa buyer o mamimili (Article 1458, New Civil Code of the Philippines). Ito ay isang obligasyon na hindi maaaring gawin ng pinagsanlaan ng lupa dahil hindi naman siya ang tunay na may-ari nito. Kung sakali mang naibenta na ang lupang isinanla, maaaring ipawalang-bisa ng may-ari ang kasunduan sa pagbenta dahil ang kasunduang ganito ay labag sa batas.
Ang tanging solusyon ng pinagsanlaan kung hindi makapagbayad sa kanyang pagkaka-utang ang taong nagsanla, ay ang ipa-foreclose ang lupang isinanla. Magkakaroon ng auction sale kung saan ibebenta ang lupang naisanla sa highest bidder. Ngunit, p’wedeng maibalik sa pag-aari ng taong nagsanla ang lupang nai-foreclose. Redemption ang tawag sa karapatang ito.
Sa redemption, ang taong nagsanla ay binibigyan ng isang taon para bilhin muli ang lupang naibenta sa auction sale. (Act 3135). Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan.
Atorni First
By Atorni Acosta